Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Sa Tulong ng Diyos, Naghihilom ang Aming Sugat”

“Sa Tulong ng Diyos, Naghihilom ang Aming Sugat”

NAGSIKSIKAN sina Natalya at ang kaniyang 9-na-taóng-gulang na anak na lalaki, si Aslan, malapit kina Zarina at sa 12-taóng-gulang na anak na babae nitong si Anzhelika. Mahigit 1,000 iba pang bata at adulto ang nakaupo malapit sa kanila, habang binabantayan ng mga armadong lalaki.

Nang umagang iyon ng Miyerkules, Setyembre 1, 2004, ang mga bata at magulang ay nasa labas at naghahanda para sa unang araw ng pasok sa eskuwela sa Beslan, isang maliit na bayan sa Alania, Russia. Bigla na lang lumusob ang mahigit 30 armadong lalaki at suicide bomber, na nagpapaputok sa ere at nagsisisigaw. Pinapasok nila ang takót na takót na mga bata’t adulto sa gymnasium ng paaralan at naglagay ng pampasabog sa loob nito.

Nagsimula ang Kalbaryo

Gayon nagsimula ang tatlong-araw na kalbaryo ng mga biktima. “Noon lang ako nanalangin nang gano’n katindi,” ang sabi ni Natalya, na noon ay nakikipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova.

Tag-araw noon, kaya napakatindi ng init sa loob ng gymnasium. Simula nang ikalawang araw, hindi pinakain ni pinainom ang mga hostage, kaya nang ikatlong araw—Biyernes—ang ilan sa kanila ay napilitang uminom ng ihi at kumain ng mga bulaklak na dala-dala ng mga bata para sa kanilang mga guro. “Isang batang katabi namin ang naglagay ng dahon sa kamay ko,” ang kuwento ni Natalya. “Pinilas ko ito, ibinigay ang kalahati kay Anzhelika at kalahati kay Aslan.”

Nang bandang hapon ng ikatlong araw, sumiklab na ang kaguluhan. “Natumba ako sa lakas ng mga pagsabog,” ang kuwento ni Natalya. “Napuno ng usok ang paligid, at nagsimula ang barilan.” Sa gitna ng engkuwentro ng mga sundalo at mga terorista, nakatakas sina Natalya at Aslan. Isang taga-Ossetia, si Alan, ang nagligtas sa kanila. Pero marami ang hindi nakatakas.

Masaklap na Kinahinatnan

Namatay si Anzhelika sa kaguluhan

Daan-daang bata at adulto ang namatay, kasama si Anzhelika. Ilang linggong nabalot ng pamimighati ang Beslan. Natatanaw mula sa apartment ni Natalya ang paaralan, at kahit may itinayo nang bagong paaralan sa malapit, hindi pa rin kayang pumunta roon ni Aslan. Ni hindi nga siya lumalabas para maglaro. “Nanalangin kami kay Jehova na tulungan siyang mapaglabanan ang kaniyang takot,” ang sabi ni Natalya. Nang bandang huli, nagkalakas-loob na rin si Aslan na pumasok sa paaralan.

Naging hamon kay Natalya ang pagdalo sa mga Kristiyanong pagpupulong sa Kingdom Hall. “Kapag nasa loob ako ng isang gusali, ’tapos maraming tao, pakiramdam ko bigla na lang kaming lulusubin,” ang sabi niya. “Nananalangin ako na sana walang mangyaring masama. Sa katagalan, hindi na ako dumadalo. Ang bigat din sa loob ko na isiping nakaligtas kami, samantalang napakaraming namatay.”

Ang Paghilom ng Sugat

“Laking pasasalamat ko sa mga kapatid sa kongregasyon na patuloy na tumutulong sa amin,” ang sabi ni Natalya. “Isang Saksi na ang pangalan ay Tatyana ang dumadalaw sa akin nang walang palya tuwing ikatlong araw. Nang maglaon, nagsama siya ng isa pang Saksi—ang mabait, mataktika, at mahinahong si Ulyana—na maraming alam sa Bibliya. Pinapurihan niya ako sa mga pagsisikap ko, at talagang nakikinig siya kapag nagsasalita ako.

“Naikukuwento ko na ang tungkol sa pangyayaring iyon nang hindi ako nasasaktan o natatakot”

“Binasa sa akin ni Ulyana ang mga salita ng Kristiyanong apostol na si Pablo sa 2 Corinto 1:9. Matapos ang isang mahirap na karanasan sa Asia, sinabi ni Pablo: ‘Aming nadama sa loob namin na tinanggap na namin ang hatol na kamatayan.’ Binasa rin niya ang Isaias 40:31: ‘Yaong mga umaasa kay Jehova ay magpapanibagong-lakas. Sila ay paiilanlang na may mga pakpak na gaya ng mga agila.’ Ang mga tekstong iyon, pati na ang regular na pag-alalay sa akin ni Ulyana at ng iba pa, ang nagpasigla sa akin na dumalo uli sa mga Kristiyanong pagpupulong kasama ang aking mga anak. Pero hindi pa rin ako komportable sa ganoong mga lugar.”

Si Zarina ay naging Saksi ni Jehova nang maglaon, at inaasam niyang salubungin si Anzhelika kapag binuhay na itong muli sa isang maganda at mapayapang lupa, sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian ng Diyos. (Mateo 6:9, 10; Gawa 24:15) Nabautismuhan naman si Natalya at ang kaniyang mga anak noong 2009. Nakatira pa rin sila malapit sa gymnasium na iyon, pero kinalimutan na nila ang kanilang malagim na karanasan. “Naikukuwento ko na ang tungkol sa pangyayaring iyon nang hindi ako nasasaktan o natatakot,” ang sabi ni Natalya. “Sa tulong ng Diyos, naghihilom ang aming sugat.”