Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

 TAMPOK NA PAKSA

Ano ba ang Tunay na Tagumpay?

Ano ba ang Tunay na Tagumpay?

ANO ang mas masaklap kaysa sa kabiguan? Huwad na tagumpay. Kasi kapag nabigo ka sa iyong pinagsisikapang maabot, may magagawa ka pa para maitama ang sitwasyon. Kahit paano, matututo ka sa iyong karanasan at pagbubutihin mo na sa susunod.

Iba naman ang huwad na tagumpay, kung saan iniisip mong nananalo ka, pero natatalo ka na pala. At kapag nakita mong kailangan mong magbago, baka huli na ang lahat.

Tingnan natin ang isang halimbawa. Minsan, itinanong ni Jesu-Kristo: “Ano ang magiging pakinabang ng isang tao kung matamo niya ang buong sanlibutan ngunit maiwala naman ang kaniyang kaluluwa?” (Mateo 16:26) Ang ideyang iyan ay tamang-tama sa mga taong abala sa pagkakamal ng pera at ng lahat ng mabibili nito—ang mismong halimbawa ng huwad na tagumpay. “Ang pagpopokus sa pag-asenso, pagkakaroon ng maraming pera o ari-arian ay hindi nakapagpapabusog ng kaluluwa,” ang isinulat ng career counselor na si Tom Denham. “Kung pera lang ang magiging sukatan ng tagumpay, napakababaw nito at wala ring maidudulot na kasiyahan sa bandang huli.”

Malamang na marami ang sasang-ayon diyan. Sa isang surbey na ginawa sa Estados Unidos, “ang pagkakaroon ng maraming pera” ay pang-20 sa listahan ng 22 “dahilan ng matagumpay na buhay.” Nangunguna sa listahan ang mga bagay na gaya ng magandang kalusugan, magandang kaugnayan sa iba, at trabahong gustong-gusto mo.

Maliwanag, kapag tinanong ang mga tao, marami ang makapagsasabi kung alin ang tunay at kung alin ang huwad na tagumpay. Pero pagdating sa paggawa ng desisyong kaayon ng tamang pangmalas sa tagumpay, iyon ang mahirap.