ANG PANGMALAS NG BIBLIYA
Panalangin
May nakikinig ba sa ating panalangin?
“O Dumirinig ng panalangin, sa iyo nga ay paroroon ang mga tao mula sa lahat ng laman.”
—Awit 65:2.
ANG SINASABI NG MGA TAO
“Hanggang kisame lang” daw ang mga panalangin. Karaniwan na, ang mga taong nagdurusa ang mas nag-aalinlangan kung pinakikinggan nga ba ang kanilang mga panalangin.
ANG SABI NG BIBLIYA
“Ang mga mata [ng Diyos na] Jehova ay nasa mga matuwid, at ang kaniyang mga tainga ay nakatuon sa kanilang pagsusumamo; ngunit ang mukha ni Jehova ay laban sa mga gumagawa ng masasamang bagay.” (1 Pedro 3:12) Maliwanag, nakikinig ang Diyos sa mga panalangin. Pero mas gusto niyang pakinggan ang mga taong sumusunod sa utos niya. May isa pang teksto na nagpapakitang handang makinig ang Diyos sa ating mga panalangin. Ang sabi: “Ito ang pagtitiwala na taglay natin sa kaniya, na, anumang bagay ang hingin natin ayon sa kaniyang kalooban, tayo ay pinakikinggan niya.” (1 Juan 5:14) Dahil diyan, dapat maunawaan ng mga taimtim na nagsusumamo kung anong mga panalangin ang malamang na kaayon ng kalooban ng Diyos.
Paano tayo dapat manalangin?
“Kapag nananalangin, huwag ninyong sabihin ang gayunding mga bagay nang paulit-ulit.”
—Mateo 6:7.
ANG SINASABI NG MGA TAO
Ang mga miyembro ng iba’t ibang relihiyon
ANG SABI NG BIBLIYA
Ang panalangin ay dapat magmula sa puso at dapat na taimtim; hindi ito dapat sauluhin at ulit-ulitin. Sinasabi ng Kasulatan: “Kapag nananalangin, huwag ninyong sabihin ang gayunding mga bagay nang paulit-ulit, gaya ng ginagawa ng mga tao ng mga bansa, sapagkat inaakala nila na pakikinggan sila dahil sa kanilang paggamit ng maraming salita. Kaya, huwag kayong maging tulad nila, sapagkat nalalaman ng Diyos na inyong Ama kung anong mga bagay ang kinakailangan ninyo bago pa man ninyo hingin sa kaniya.”
KUNG BAKIT ITO MAHALAGA
Kapag ang isa ay nananalangin sa paraang hindi nakalulugod sa Diyos, baka sinasayang lang niya ang kaniyang panahon o ginagalit ang Diyos. Nagbababala ang Bibliya na “karima-rimarim” sa Diyos ang panalangin ng mga hindi sumusunod sa kalooban Niya.
Kanino tayo dapat manalangin?
“Hanapin ninyo [ang Diyos na] Jehova samantalang siya ay masusumpungan. Tumawag kayo sa kaniya samantalang siya ay malapit.”
—Isaias 55:6.
ANG SINASABI NG MGA TAO
May mga nagdarasal kay Maria o sa iba pa, gaya ng mga anghel at mga tao, na itinuturing na “santo.” Kabilang sa mga ito si “Saint” Vincent, na nangangalaga raw sa “espirituwal na pangangailangan,” at si “Saint” Jude, na itinuturing na patron ng mga nasa “desperadong kalagayan.” Marami ang nagdarasal sa gayong mga “santo” at sa mga anghel sa pag-asang mamamagitan ang mga ito para sa kanila sa Diyos.
ANG SABI NG BIBLIYA
Ang mga tunay na mananamba ay dapat manalangin sa “Ama [natin] na nasa langit.” (Mateo 6:9) Sinasabi ng Bibliya: “Huwag kayong mabalisa sa anumang bagay, kundi sa lahat ng bagay sa pamamagitan ng panalangin at pagsusumamo na may kasamang pasasalamat ay ipaalam ang inyong mga pakiusap sa Diyos.”