“Masdan Ninyong Mabuti ang mga Ibon”
ANG mga ibon ay makikita sa iba’t ibang panig ng mundo, at kabilang sila sa mga nilalang na napakadaling mapagmasdan. Bukod diyan, maaaliw ka at masisiyahan sa pagmamasid sa kanila dahil iba’t iba ang kanilang hitsura, kulay, huni, kilos, at ugali.
Maaari mo pa ngang pagmasdan ang araw-araw na ginagawa ng isang ibon mula sa bintana ng bahay ninyo: isang European blackbird na naghuhukay para makakuha ng bulati, isang tyrant flycatcher na nanghuhuli ng insekto, isang kalapating nanliligaw, isang langay-langayan na walang-kapagurang gumagawa ng pugad, o isang goldfinch na nagpapakain sa mga inakáy nito.
Pahahangain ka ng ilang ibon—gaya ng mga agila, halkon, at lawin—sa paglipad nila sa kalangitan. Maaaliw ka naman sa iba: mga mayang nag-aagawan sa maliit na piraso ng pagkain, isang lalaking kalapati na pinalalaki ang dibdib para pahangain ang babaeng kalapati na di-namamansin, o isang grupo ng kulay-rosas at kulay-abong maiingay na galah na nakalambitin sa umuugoy na kable ng kuryente dahil nawalan sila ng panimbang. At matutuwa ka sa ilang makikita mo, gaya ng lumilipad na nandarayuhang mga siguana, tipol, o gansa. Oo, libo-libong taon nang napagmasdan ang gayong pandarayuhan, anupat napahanga ang mga nakakita sa kakayahan ng mga ibon na makapaglakbay nang napakalayo at eksaktong-eksakto sa panahon. Sa katunayan, sinabi mismo ng Maylalang: “Ang siguana sa langit—nalalaman nitong lubos ang kaniyang mga takdang panahon; at ang batu-bato at ang sibad at ang tarat—sinusunod nilang mabuti ang panahon ng kani-kaniyang pagdating.”—Jeremias 8:7.
Pagmamasid sa mga Ibon Noong Panahon ng Bibliya
Maraming ulit na binabanggit sa Bibliya ang mga ibon, kadalasan nang para magturo ng mahahalagang aral. Halimbawa, hinggil sa avestruz at sa kahanga-hangang bilis nito, sinabi ng Diyos kay Job: “Sa panahong ikinakampay niya ang kaniyang mga pakpak sa kaitaasan, pinagtatawanan niya ang kabayo at ang nakasakay rito.” * (Job 39:13, 18) Tinanong din ng Diyos si Job: “Dahil ba sa iyong pagkaunawa kung kaya ang halkon ay pumapaimbulog, . . . o dahil ba sa iyong utos kaya lumilipad nang paitaas ang agila?” (Job 39:26, 27) Ang aral? Nakagagawa ang mga ibon ng kamangha-manghang bagay nang walang tulong mula sa tao. Ang kanilang kakayahan ay katibayan ng karunungan ng Diyos, hindi ng tao.
Isinulat ni Haring Solomon ang tungkol sa “tinig ng batu-bato” na hudyat ng pagdating ng tagsibol. (Awit ni Solomon 2:12) Binanggit naman ng isang salmista ang langay-langayan nang isulat niya ang tungkol sa pagnanais niyang maglingkod sa templo ng Diyos. Naiinggit niyang sinabi: “Maging ang ibon man ay nakasumpong ng bahay, at ang langay-langayan ng pugad para sa kaniyang sarili, kung saan niya inilalagay ang kaniyang mga inakáy—ang iyong maringal na altar, O Jehova.”—Awit 84:1-3.
“Pinakakain sila ng inyong makalangit na Ama. Hindi ba mas mahalaga kayo kaysa sa kanila?”—Mateo 6:26
Ang ilan sa pinakamagagandang pagbanggit sa mga ibon ay binigkas ni Jesu-Kristo. Pansinin ang mga salitang ito sa Mateo 6:26: “Masdan ninyong mabuti ang mga ibon sa langit, sapagkat hindi sila naghahasik ng binhi o gumagapas o nagtitipon sa mga kamalig; gayunman ay pinakakain sila ng inyong makalangit na Ama. Hindi ba mas mahalaga kayo kaysa sa kanila?” Sa nakaaantig na ilustrasyong iyan, tinitiyak sa mga tagasunod ni Jesus na sila ay mahalaga sa Diyos at hindi dapat mabalisa tungkol sa mga pangangailangan nila sa buhay.—Mateo 6:31-33.
Sa ngayon, popular na libangan ang pagmamasid sa mga ibon—at tama lang naman dahil namamangha tayo sa kanilang kilos, ganda, pagliligawan, at pag-awit. At may maituturo silang mahahalagang aral sa buhay sa mga palaisip na nagmamasid sa kanila. ‘Pagmamasdan mo bang mabuti ang mga ibon’?
^ par. 6 Ang avestruz (ostrich) ang pinakamalaking ibong nabubuhay, at ito ang pinakamabilis tumakbo dahil kaya nitong sumibad sa bilis na mga 72 kilometro bawat oras.