MAY NAGDISENYO BA NITO?
Ang Kakayahan sa Nabigasyon ng Dung Beetle
MARAMING pakinabang ang dung beetle (isang uri ng uwang) sa dumi ng tao at hayop. Kinakain nila ito at pinangingitlugan. Ipinanreregalo ito ng ilang lalaking dung beetle sa mga babae para sila magustuhan. Pinag-aagawan ng mga uwang na ito ang sariwang dumi. Minsan, nakakita ang mga mananaliksik ng mga 16,000 uwang na nag-aagawan sa isang tumpok na dumi ng elepante at naubos nila ito sa loob lang nang dalawang oras.
Para makalayo sa karamihan, binibilog ng ilang uri ng dung beetle ang dumi, iginugulong ito papalayo, at saka ibinabaon sa malambot na lupa. Deretso nila itong pinagugulong para mas mabilis silang makalayo at hindi ito maagaw ng ibang uwang.
Pero paano nakapananatili sa tamang direksiyon ang mga dung beetle, lalo na sa gabi?
Pag-isipan ito: Ipinakikita ng ilang naunang pag-aaral na natutukoy ng mga dung beetle kung saan sila pupunta sa tulong ng liwanag ng araw o ng buwan. Pero kahit walang buwan, nakapananatili pa rin sila sa kanilang direksiyon. Natuklasan ng mga mananaliksik sa South Africa na nagagawa ito ng mga dung beetle, hindi sa pamamagitan ng pagtingin sa indibiduwal na mga bituin kundi sa tulong ng liwanag ng galaksing Milky Way. Ayon sa babasahing Current Biology, ito “ang kauna-unahang naidokumentong paggamit sa Milky Way bilang giya ng mga hayop.”
Ayon sa mananaliksik na si Marcus Byrne, ang mga dung beetle ay may “napakahusay na sistema sa nabigasyon kahit sa napakalamlam na liwanag ng bituin, gamit lang ang kanilang limitadong talino.” Sinabi rin niya na ang mga ito ay may potensiyal na magturo sa mga tao kung paano lulutasin ang komplikadong problema ng mga computer na matukoy ang iba’t ibang bagay sa dilim. Halimbawa, ang isang robot ay puwedeng i-program para maghalughog sa isang gumuhong gusali na ginagaya ang sistema sa nabigasyon ng dung beetle.
Ano sa palagay mo? Ang kakayahan ba ng dung beetle sa nabigasyon ay resulta ng ebolusyon? O may nagdisenyo nito?
Alam mo ba?
Binubuhaghag ng mga dung beetle ang lupa at pinatataba ito. Pinangangalat ng mga ito ang mga binhi ng halaman at sinusugpo ang pagdami ng langaw.