Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

 TULONG PARA SA PAMILYA | PAGPAPALAKI NG MGA ANAK

Kapag Nag-aalburoto ang Iyong Anak

Kapag Nag-aalburoto ang Iyong Anak

ANG HAMON

Kapag may sumpong ang iyong dalawang-taóng-gulang na anak, siya ay nagsisisigaw, nagpapapadyak, at naglulupasay. Iniisip mo: ‘Bakit ganito ang anak ko? May nagawa ba akong mali? Magbabago pa kaya siya?’

Matutulungan mong magbago ang iyong dalawang-taóng-gulang na anak. Pero bago ang lahat, alamin mo muna kung bakit siya nagkakaganoon.

ANG DAHILAN

Hindi pa kayang kontrolin ng maliliit na bata ang kanilang emosyon. Iyan ang dahilan ng kanilang pag-aalburoto. Pero may iba pang dahilan.

Isipin ang pagbabagong nararanasan ng isang bata pagtuntong niya ng mga dalawang taon. Mula nang ipanganak siya, inaasikaso na ng kaniyang mga magulang ang lahat ng kailangan niya. Halimbawa, kapag umiiyak siya, takbo na agad sila sa kaniya. ‘May sakit ba ang anak ko? Kailangan na ba siyang pasusuhin? aluin? palitan ng diaper?’ Ginagawa ng mga magulang ang lahat para tumahan siya. At tama naman iyon dahil sa kanila lamang umaasa ang sanggol.

Pero pagtuntong niya ng mga dalawang taon, napapansin ng bata na unti-unti nang nababawasan ang pag-aasikaso ng kaniyang mga magulang. Sa katunayan, sa halip na ibigay nila ang mga kailangan niya, inaasahan nilang susunod siya sa mga gusto nila. Iba na ngayon ang sitwasyon, at hindi ito matanggap ng dalawang-taóng-gulang na bata kung kaya nagrereklamo siya—at maaaring idaan niya ito sa pag-aalburoto.

Sa bandang huli, karaniwan nang maiintindihan ng isang bata na ang kaniyang mga magulang ay hindi lang mga tagapag-alaga kundi mga tagapagturo din niya. At sana, maintindihan din niya na tungkulin naman niyang ‘maging masunurin sa kaniyang mga magulang.’ (Colosas 3:20) Samantala, baka subukin ng isang bata kung hanggang saan ang pasensiya ng kaniyang mga magulang sa pamamagitan ng sunud-sunod na pag-aalburoto.

 ANG PUWEDE MONG GAWIN

Maging maunawain. Ang iyong anak ay hindi maliit na adulto. Dahil hindi pa niya kayang kontrolin ang kaniyang emosyon, baka mag-overreact siya kapag may sumpong. Ilagay mo ang iyong sarili sa sitwasyon niya.Simulain sa Bibliya: 1 Corinto 13:11.

Manatiling mahinahon. Kapag nag-aalburoto ang anak mo, hindi makatutulong kung magagalit ka. Hangga’t maaari, huwag mong pansinin ang pag-aalburoto niya at huwag kang magpaapekto. Kung iisipin mo ang dahilan ng pag-aalburoto ng mga bata, makapananatili kang mahinahon.Simulain sa Bibliya: Kawikaan 19:11.

Maging matatag. Kung pagbibigyan mo ang kahit anong magustuhan ng iyong anak, malamang na mag-alburoto ulit siya kapag may iba na naman siyang gusto. Sa mahinahong paraan, ipakita sa kaniya na seryoso ka sa sinasabi mo.Simulain sa Bibliya: Mateo 5:37.

Kung iisipin mo ang dahilan ng pag-aalburoto ng mga bata, makapananatili kang mahinahon

Maging mapagpasensiya. Huwag asahang mawawala agad ang pag-aalburoto niya, lalo na kung nasanay na siyang pinagbibigyan. Pero kung tutugon ka nang tama at hindi pabagu-bago, malamang na unti-unting mabawasan ang pag-aalburoto niya, hanggang sa tuluyan na itong mawala. Sinasabi ng Bibliya: “Ang pag-ibig ay may mahabang pagtitiis.”1 Corinto 13:4.

Subukan din ang sumusunod:

  • Kapag nagsimulang mag-alburoto ang iyong anak, yapusin mo siya (kung posible), at pigilang maglupasay nang hindi siya nasasaktan. Huwag mo siyang sigawan, at hintayin siyang kumalma. Sa bandang huli, makikita ng bata na wala siyang mapapala sa pag-aalburoto.

  • Maglaan ng isang lugar para sa iyong anak kapag nag-aalburoto siya. Dalhin siya roon at sabihing makakalabas lang siya kapag kalmado na siya, at saka ka umalis.

  • Kapag nag-aalburoto ang anak mo sa harap ng ibang mga tao, ilayo mo siya. Huwag mo siyang pagbigyan dahil lang sa nag-iiskandalo siya. Kapag pinagbigyan mo siya, iisipin niyang makukuha niya ang lahat ng gusto niya kung mag-aalburoto siya.