Pagmamasid sa Daigdig
Estados Unidos
Sa nakalipas na sampung taon, ang mga security staff ng mga airport dito ay nakakumpiska ng mga 50 milyong ipinagbabawal na bagay, ayon sa ulat ng U.S. Department of Homeland Security. Noong 2011, napigilan ng mga staff na maipasok sa mga eroplano ang mahigit 1,200 baril. Karamihan sa mga may-ari ay nagsabing nakalimutan nilang may dala silang baril.
Brazil
Sinimulan ng mga awtoridad sa edukasyon ang pagkakabit ng mga electronic chip sa uniporme ng mga estudyante para maiwasan ang pagbubulakbol ng mga ito. Nakakatanggap ang magulang ng isang text message kapag nadetek ng mga sensor na nakarating na ng iskul ang kaniyang anak at ng ibang text message kapag na-late nang mahigit 20 minuto ang bata sa pagpasok sa iskul.
Norway
Ang Simbahang Luterano ay hindi na ang opisyal na relihiyon ng estado ng Norway. Sa kauna-unahang pagkakataon, ipinasiya ng Parlamento ng Norway na amyendahan ang konstitusyon at paghiwalayin ang Simbahan at ang Estado.
Czech Republic
Ayon sa isang surbey, dalawang-katlo sa mga empleadong Czech ang nagsabing naoobliga silang sagutin ang mga tawag, e-mail, o text message tungkol sa trabaho kahit wala sila sa trabaho. Mahigit sangkatlo ang nagsabing labag sa kagandahang-asal ang hindi pagsagot agad.
India
Sa kabila ng halos 50 porsiyentong pagtaas ng produksiyon ng pagkain sa nakalipas na 20 taon at ng 71 milyong tonelada ng nakaimbak na bigas at trigo, nahihirapan pa rin ang India na pakainin ang mga mamamayan nito. Mga 40 porsiyento lang ng nakaimbak na pagkain ang nakaaabot sa mga tao. Ang korupsiyon at pag-aaksaya ay ilan sa mga dahilan ng problema.