Ang Baka na May Napakakapal na Balahibo
MADALING makilala ang bakang highlander—mahaba ang mga sungay nito, ang buhok nito ay nakalaylay hanggang mata, at napakakapal ng balahibo nito sa kaniyang malapad na katawan.
Ang highlander—isa sa pinakamatandang lahi ng baka—ay nakakatagal sa matitinding lagay ng panahon sa mga kabundukan at mga isla ng Scotland. Noong una, may dalawang uri ng highlander, ang malalaki at may pulang balahibo na makikita sa mga liblib na kabundukan at ang mas maliliit at kadalasa’y itim na nasa mga isla sa kanlurang baybayin. Pero ngayon, itinuturing na isang lahi lang ang mga highlander, at ang kulay nito ay maaaring pula, itim, tan, dilaw, at halos puti.
Bagaman nakakatawang tingnan, ang buhok ng highlander na nakalaylay hanggang mata ay mahalaga. Kapag taglamig, proteksiyon ito sa hangin, ulan, at snow. Kapag tag-araw naman, proteksiyon ito sa mga lumilipad na insekto na puwedeng maging sanhi ng impeksiyon.
Sa gabi, inaakay ng mga magsasaka ang kanilang mga baka sa mga kulungang bato na walang pintuan para protektahan ang mga ito sa mga lobo at sa matinding lagay ng panahon.
Ang Pambihirang Balahibo Nito
Di-tulad ng ibang mga baka, ang highlander ay may dalawang suson ng balahibo. Ang panlabas na suson ay parang mahahabang buhok at kung minsa’y umaabot ng 33 sentimetro. Ang malangis na balahibong ito ay hindi tinatablan ng ulan at snow. Ang pang-ilalim na suson naman ay malambot at makapal na parang lana kaya hindi giniginaw ang bakang ito.
Si Jim, na maraming taon nang nag-aalaga ng mga highlander, ay nagsabi: “Napakahirap nilang paliguan dahil parang imposible silang mabasâ nang husto!” Sa kapal ng balahibo nila, ang mga highlander ay nabubuhay at nakapagpaparami sa kabundukan na laging inuulan at napakalamig ng hangin, na hindi natatagalan ng ibang uri ng baka.
Kapag napakainit sa tag-araw, ang pang-ibabaw na balahibo ng highlander ay nalalagas. Kapag malamig na uli ang panahon, muli itong tumutubo.
Isang Mahalagang Pag-aari
Kung ang mga tupa ay may tendensiyang manira ng pananim dahil kinakain nila ang mga ugat at mga supang, hindi ito ginagawa ng mga baka—kasali na ang mga highlander. Sa katunayan, nakatutulong pa nga ang mga highlander para maging mas madamo ang mga pastulan. Paano? Dahil mahaba at matibay ang mga sungay nito at malapad ang nguso nito, naaalis ng mga highlander ang mga ligáw na halaman na iniiwasan ng ibang uri ng baka. Nakakatulong ito para tumubo uli ang mga damo at puno.
May isa pang pakinabang sa napakakapal na balahibo ng highlander. Dahil hindi na kailangan ng mga highlander ng isa pang suson ng taba na panlaban sa lamig, ang karne nito ay di-gaanong mataba at makolesterol at mas mataas ito sa protina at iron kumpara sa karne ng ibang baka. At ang pinakamagandang klaseng ito ng karne ay hindi ginagamitan ng mamahaling feeds!
Isang Babala
Noon pa man, nabubuhay na ang mga highlander malapit sa mga tao. Noong unang panahon, isinisilong ng mga taga-Scotland ang mga ito sa silong ng bahay. Nakapagdaragdag ito ng init sa itaas ng bahay, kung saan nakatira ang pamilya.
Bagaman karaniwan nang maamo ang mga alagang baka, kung minsa’y mapanganib din ang ilang highlander. Halimbawa, ang inahing baka ay puwedeng maging matapang sa pagprotekta sa kaniyang guya. Bukod diyan, huwag na huwag kang maglalakad sa gitna ng kawan ng mga baka kundi sa mga gilid lang.
Dahil maraming pakinabang sa highlander, inaalagaan ito sa maraming bansa. Nabubuhay ito kahit sa malalayong lugar sa hilaga gaya ng Alaska at Scandinavia, at makikita ito maging sa taas na 3,000 metro sa Kabundukan ng Andes. Pero nabubuhay rin ito sa maiinit na lugar.
Kilalá ang Scotland hindi lang sa kanilang mga tartan, kilt, at bagpipe, kundi pati sa kanilang maganda at naiibang mga bakang highlander. Mayroon bang mga bakang may napakakapal na balahibo sa lugar ninyo?