Ang King James Version—Kung Paano Ito Naging Popular
Ang King James Version—Kung Paano Ito Naging Popular
MARAMING selebrasyon ang ginanap sa England sa taóng ito bilang pag-alaala sa ika-400 anibersaryo ng bersiyon ng Bibliya na King James, na tinatawag ding Authorized Version. Nagkaroon ng espesyal na mga dokumentaryo sa TV at radyo, mga komperensiya, lektyur, at seminar.
Pinangunahan ni Prince Charles ang selebrasyon para sa isang itinuturing na yaman ng bansa, ang bersiyon ng Bibliya na isinunod sa pangalan ni King James I ng England. Pero paano napamahal sa mga nagsasalita ng Ingles ang King James Version, na inilathala noong Mayo 1611?
Isinalin ang Bibliya sa Iba’t Ibang Wika
Noong kalagitnaan ng ika-16 na siglo, maraming tao sa Europa ang naging interesado sa mga turo ng Bibliya. Halos dalawang siglo bago nito, noong 1382, napukaw ni John Wycliffe ang interes ng mga nagsasalita ng Ingles nang isalin niya ang Bibliya mula sa Latin. Sa sumunod na dalawang siglo, ang kaniyang mga tagasunod, ang mga Lollard, ay namahagi ng sulat-kamay na mga teksto ng Bibliya sa buong bansa.
Ang isa pang mahalagang pangyayari ay ang paglabas ng New Testament ng iskolar ng Bibliya na si William Tyndale. Isinalin ito sa Ingles mula sa orihinal na Griego noong 1525. Noon namang 1535, inilabas ni Miles Coverdale ang kaniyang Ingles na salin ng buong Bibliya. Isang taon bago nito, kumalas si Henry VIII sa Simbahang Katoliko. Para patatagin ang posisyon niya bilang pinuno ng Church of England, ipinag-utos niya ang paggawa ng isang salin ng Bibliya sa Ingles. Tinawag itong Great Bible. Ang malaking aklat na ito na may makakapal na letrang Gothic ay inilathala noong 1539.
May mga Puritan at iba pang Protestanteng lumikas mula sa iba’t ibang lugar sa Europa na nanirahan sa Geneva, Switzerland. Noong 1560 ang Geneva Bible, ang unang Bibliyang Ingles na madaling basahin ang mga letra, ay inilabas, na may mga kabanata at talata. Mula sa kontinente ng Europa, dinala ito sa England at agad na naging popular. Nang maglaon, noong 1576, ang Geneva Bible ay inimprenta na rin sa England. Ang mga mapa nito at mga nota sa gilid ng pahina ay nagbibigay-linaw sa sinasabi ng Bibliya. Pero hindi nagustuhan ng ilang mambabasa ang mga nota nito dahil laban sa papa ang mga iyon.
Kinailangan ang Isang Bagong Salin
Dahil hindi tinangkilik ng karamihan ang Great Bible at may kontrobersiyal na mga nota naman ang Geneva Bible, kinailangang rebisahin
ang Bibliya. Ang Great Bible ang gagamiting batayan. Ang atas na ito ay ibinigay sa mga obispo ng Church of England, at noong 1568, inilathala ang Bishops’ Bible. Ito’y isang malaking aklat na maraming ilustrasyon na ginawa mula sa mga inukit na larawan. Pero ang mga Calvinista, na hindi sang-ayon sa paggamit ng mga relihiyosong titulo, ay tutol sa salitang “bishop.” Kaya hindi tinanggap ng karamihan sa England ang Bishops’ Bible.Matapos mailuklok si King James I sa trono ng England noong 1603, * isinulong niya ang paggawa ng isang bagong salin ng Bibliya. Itinagubilin niya na para maging katanggap-tanggap ito sa lahat, dapat alisin ang anumang negatibong nota o komento.
Sinuportahan ni King James ang proyekto. Nang maglaon, 47 iskolar sa anim na grupo sa iba’t ibang lugar sa bansa ang naghanda ng mga seksiyon ng Bibliya. Pero halos nirebisa lang nila ang Bishops’ Bible gamit ang mga salin nina Tyndale at Coverdale. Gayunman, kinonsulta rin nila ang Geneva Bible at ang Romano Katolikong Rheims New Testament na inilabas noong 1582.
Si James mismo ay isang iginagalang na iskolar ng Bibliya, at bilang pagkilala sa pangunguna niya sa proyekto, ang salin ay inialay sa “kataas-taasan at makapangyarihang prinsipe, si James.” Bilang pinuno ng Church of England, makikitang ginamit ni James ang kaniyang awtoridad para pagkaisahin ang bansa.
Isang Obra Maestra sa Panitikan
Masayang tinanggap ng klero mula sa kanilang hari ang isang Bibliya na “nilayong basahin sa mga Simbahan.” Pero ito ang tanong, Magugustuhan kaya ng mga tao ang bagong saling ito ng Bibliya?
Sa orihinal at mahabang paunang salita, binanggit ng mga tagapagsalin na nag-aalala sila kung tatanggapin ng mga tao ang bagong saling ito. Pero maganda naman ang naging pagtanggap sa King James Version, bagaman inabot nang mga 30 taon bago nito nahalinhan ang Geneva Bible sa puso ng mga tao.
Ayon sa aklat na The Bible and the Anglo-Saxon People, ang King James Version ang naging Authorized Version at tinanggap ito ng karamihan dahil sa “napakahusay na pagkakasalin nito.” Ayon sa The Cambridge History of the
Bible: “Ang teksto nito ay itinuring na banal na parang ang Diyos mismo ang nagsasalita; sa maraming Kristiyanong nagsasalita ng Ingles, halos katumbas na ng pamumusong kung babaguhin ang mga salita ng King James Version.”Hanggang sa mga Dulo ng Lupa
Ang Geneva Bible ay dinala sa Hilagang Amerika ng unang mga dayuhan mula sa England. Pero nang maglaon, ang King James Version ang mas tinangkilik sa Amerika. Habang lumalawak ang Imperyo ng Britanya sa buong daigdig, pinalalaganap ng mga misyonerong Protestante ang paggamit nito. Dahil marami sa mga nagsalin ng Bibliya sa ibang mga wika ang hindi pamilyar sa wikang Hebreo at Griego ng Bibliya, ang Ingles na King James Version ang ginamit nilang batayan sa pagsasalin.
Sa ngayon, ayon sa British Library, “Ang Bibliyang King James, o Authorised Version, ang siya pa ring pinakamalaganap na akdang inilalathala sa wikang Ingles.” Tinatayang mahigit na sa isang bilyong kopya ng King James Version ang naimprenta sa buong daigdig!
Panahon Na Para Rebisahin
Sa loob ng mahabang panahon, ipinalagay ng marami na ang King James Version ang kaisa-isang “tunay” na Bibliya. Noong 1870, ang buong salin ay sinimulang rebisahin sa England at tinawag na English Revised Version. Nang maglaon, gumawa ng ilang pagbabago rito ang mga Amerikanong iskolar at inilathala ito bilang ang American Standard Version. * Sa isang mas bagong rebisyon, noong 1982, sinabi sa paunang salita ng Revised Authorised Version na may ginawang mga pagsisikap para “panatilihin ang magandang pananalita na siyang pinupuri sa Authorised Version” ng 1611.
Bagaman ang Bibliya pa rin ang pinakamabiling aklat sa buong daigdig—at ang King James Version ang pinakapopular—sinabi ni Propesor Richard G. Moulton: “Ginawa na natin ang halos lahat ng puwedeng gawin sa Hebreo at Griegong mga kasulatang ito. . . . Isinalin na natin ang mga ito [at] nirebisa ang mga salin . . . Pero may isa pang puwedeng gawin sa Bibliya: basahin ito.”
Walang alinlangan na ang King James Version ay isang obra maestra sa panitikan, na pinahahalagahan dahil sa walang-katulad na kagandahan ng pananalita nito. Pero kumusta naman ang mensahe nito? Ipinakikita ng Bibliya, na isinulat sa patnubay ng Diyos, ang permanenteng solusyon sa mga problema natin sa magulong panahong ito. Alinmang bersiyon o salin ang gusto mong gamitin, magagalak ang mga Saksi ni Jehova na tulungan kang mag-aral ng Bibliya.
[Mga talababa]
^ par. 10 Si James ay isinilang noong 1566 at kinoronahan noong 1567 bilang James VI ng Scotland. Nang koronahan siya bilang King James I ng England noong 1603, pinamahalaan niya ang dalawang bansang ito. Noong 1604, ginamit niya ang titulong “Hari ng Gran Britanya.”
^ par. 21 Tingnan ang kahong “Ang American Standard Version.”
[Kahon/Larawan sa pahina 23]
ANG AMERICAN STANDARD VERSION
Noong 1901, inilathala ang American Standard Version. Ibinatay ito sa King James Version. Mababasa sa paunang salita nito: “Hindi namin binabale-wala ang kapuri-puring kagandahan at puwersa ng istilo ng Authorized [King James] Version.” Pero may ginawang mahalagang pagbabago ang American Standard Version.
Ganito ang paliwanag sa paunang salita: “Pagkatapos ng maingat na pagsasaalang-alang, ang mga Amerikanong Rebisador ay nagkaisa sa kombiksiyon na ang isang pamahiing Judio, na nagturing sa Banal na Pangalan bilang napakasagrado upang bigkasin, ay hindi na dapat manaig sa Ingles o sa alinpamang bersiyon ng Matandang Tipan, kung paanong hindi ito nananaig, mabuti na lamang, sa maraming bersiyon na ginawa ng makabagong mga misyonero.”
Lumitaw din naman sa apat na talata ng King James Version ang banal na pangalang Jehova—sa Exodo 6:3; Awit 83:18; Isaias 12:2; at Isaias 26:4. Pero sa American Standard Version ng 1901, ibinalik ang pangalan nang mga 7,000 beses gaya ng sa orihinal na Bibliya.
[Larawan]
1901
[Kahon/Larawan sa pahina 24]
PAGTUGON SA ISANG PANGANGAILANGAN
Noong 1907, inilathala ang Bible Students Edition ng King James Version sa Estados Unidos ng Amerika para sa Watch Tower Bible and Tract Society. May komprehensibong apendise ito na tinatawag na “Berean Bible Teachers’ Manual.” Nang maglaon, inimprenta ng mga Saksi ni Jehova ang King James Version sa sarili nilang mga palimbagan. Noong 1992, nakapaglimbag na sila ng 1,858,368 kopya nito.
[Larawan]
1907
[Kahon/Larawan sa pahina 24]
ISANG KAPAKI-PAKINABANG NA MODERNONG SALIN
Sa nakalipas na kalahating siglo, maraming salin ng Bibliya ang nagawa (ang ilan ay inilathala sa iba’t ibang wika). Para sa marami, malaking tulong ang Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan. Mahigit nang 170 milyong kopya ng saling ito, sa kabuuan o bahagi nito, ang naipamahagi sa 100 wika. Mayroon itong mga mapa, indise ng mga salita, at apendise na nakatutulong sa mga mambabasa upang higit na maunawaan ang mensahe ng Bibliya para sa ating panahon.
[Larawan]
1961
[Larawan sa pahina 22]
1611
[Picture Credit Line sa pahina 22]
Art Resource, NY