Mula sa Aming mga Mambabasa
Mula sa Aming mga Mambabasa
Buhay sa Kahanga-hangang Upper Amazon (Abril 2010) Sinabi sa inyong artikulo na ang mga Awajun (Aguaruna) ay sumasamba sa limang diyos. Bilang isang katutubong Awajun, hindi ako sang-ayon. Sa tingin ko, nagkamali kayo dahil karamihan sa mga Awajun ay mga Kristiyano at hindi kami sumasamba sa limang diyos, gaya ng iniulat sa magasin ninyo. Maraming Awajun ang bumabasa ng inyong magasin kaya pakisuyong ituwid ang pagkakamali.
T.P.T., Peru
Sagot ng “Gumising!”: Maraming pinagkunan ng impormasyon ang manunulat, kasama na ang interbyu sa mga dating nakatira sa komunidad ng mga Aguaruna at ang ilang inilathalang reperensiya. Isa sa mga ito, ang “Atlas Regional del Perú,” edisyon ng 2004, ay bumabanggit ng mga pangalan at detalye tungkol sa limang diyos ng mga Aguaruna. Pero gaya ng sinabi ninyo, ang ibang mga Aguaruna ay nakumberte sa Kristiyanismo. Humihingi kami ng paumanhin kung nakapagbigay kami ng maling impresyon.
Kung Paano Mapagtatagumpayan ang Pagkautal (Mayo 2010) Salamat sa artikulong ito. Ako rin ay utal, kaya madalas akong malungkot. Pero pagkabasa ko sa artikulo, nalaman kong hindi pala ako nag-iisa. Hindi ko na hahayaan ngayon na makaapekto sa akin ang kapansanan ko at, gaya ni Rafael, kapag nautal ako, tatawanan ko na lang iyon.
Y. S., Japan
Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Paano Ako Magkakaroon ng Higit na Kumpiyansa sa Sarili? (Mayo 2010) Ako po ay 12 anyos at nakatira sa nanay ko. Siya ay may malubhang sakit at solong nagpapalaki sa akin. Nang mabasa ko ang tanong na “Pakiramdam mo ba’y minamahal ka?” inamin ko, “Hindi.” Napakasakit po niyan. Kaya kinausap ko ang ilang may-gulang na Kristiyano at ang nanay ko tungkol dito. Sa tulong ng artikulo, naiintindihan ko na ngayon na hindi ko dapat husgahan ang sarili ko. Maraming nagmamahal sa akin. Salamat po at tinulungan ninyo akong malaman na mahal na mahal ni Jehova ang mga kabataang gaya ko.
C. H., France
Natulungan ako ng artikulong ito na makayanan ang mapapait na karanasan sa buhay at ang paminsan-minsang pagkadama na wala akong halaga. Hinding-hindi ko malilimutan ang tatlong bagay na tinalakay sa artikulo para magkaroon ng higit na kumpiyansa sa sarili at lalo na ang ilustrasyon tungkol sa perang may punit! Salamat sa napakagandang artikulo!
S. W., South Korea