Mula Puno Hanggang Bote—Ang Kuwento ng Cork
Mula Puno Hanggang Bote—Ang Kuwento ng Cork
Alam mo bang may balat ng puno na napapakinabangan sa paggawa ng mga makina, baseball, at champagne? Ang balat na ito ng puno ay libu-libong taon nang ginagamit hindi lang ng mga mangingisda kundi pati ng mayayamang babae, at ginamit pa nga sa kalawakan. At ang mas kahanga-hanga pa, hindi kailangang patayin ang puno para makuha ang kapaki-pakinabang na balat nito!
ANG cork ay ang panlabas na balat ng punong cork oak. Pero hindi ito ordinaryong balat ng puno. Ito ay magaan, malambot na parang goma, at hindi madaling tablan ng apoy.
Ang balat ng cork oak ay patuloy na tumutubo. Maaari itong kumapal nang hanggang 25 sentimetro—tamang-tamang proteksiyon ng puno sa init, lamig, at sunog sa kagubatan. Kapag tinanggal ang balat ng puno, tutubo uli ito sa loob ng mga sampung taon.
Sa buong daigdig, nanggagaling sa Portugal ang mga 55 porsiyento ng cork, mula naman sa Spain ang mga 30 porsiyento, at mula sa ibang bansa (kasama ang Algeria, France, Italy, Morocco, at Tunisia) ang natitirang 15 porsiyento. *
Maraming Mapaggagamitan
Nadiskubre ng mga Romano at Griego na ang cork ay tamang-tamang gawing palutang ng lambat ng mangingisda at komportableng suwelas ng sandalyas. Lumilitaw na ginamit din nila ang cork na pantakip sa mga banga. Palibhasa’y hindi ito lumulutong kahit mainitan nang husto, ginagamit itong gasket ng mga makina. Mahalagang bahagi rin ito ng mga heat panel ng ilang spaceship.
Dahil maganda ang hitsura nito at nakakatulong sa insulasyon, ang mga tile na gawa sa cork ay ginagamit na pandekorasyon sa mga dingding at sahig. Ginagamit din ang cork na pinakapalaman ng bola ng baseball o hawakán ng pamingwit. Siyempre pa, pinakasikat ito bilang takip ng mga bote ng alak at champagne.—Tingnan ang kahong “Napakahusay na Takip.”
Hindi Nakakasira sa Kapaligiran
Ang isang kagubatan ng cork oak na naaalagaang mabuti ay patunay na maiingatan ng tao ang kapaligiran habang pinakikinabangan ito. Ang matatandang puno ng cork oak ay nagpapaganda sa tanawin, nagbibigay ng lilim at
pagkain sa mga baka, at nagpapalamig sa kapaligiran kung tag-araw.Ang ilang ibon na papaubos na—gaya ng imperial eagle, black vulture, at black stork—ay namumugad sa malalaking puno ng cork oak. Pati ang nanganganib na Iberian lynx ay naninirahan sa mga kagubatan ng cork oak. Kamakailan, sinabi ng World Wildlife Fund na ang kinabukasan ng mga hayop na ito ay nakasalalay sa maunlad na industriya ng cork sa Spain at Portugal.
Kaya sa susunod na alisin mo ang takip na cork sa isang bote ng alak, huminto sandali at mag-isip. Hawak mo sa iyong kamay ang isang bagay na natural, biodegradable, at hindi nauubos. Nakakatulong pa nga sa kapaligiran ang paggamit nito. Ano pa ba ang hahanapin mo sa isang puno?
[Talababa]
^ par. 5 Ang cork oak ay tumutubo rin sa ibang bahagi ng daigdig, pero ang komersiyal na produksiyon nito ay pangunahin nang mula sa rehiyon ng Mediteraneo, kung saan hiyang na hiyang ang cork oak.
[Kahon/Larawan sa pahina 20]
“Napakahusay na Takip”
Si Miguel Elena, direktor ng Institute for Cork, Wood and Charcoal na nasa Extremadura, Spain, ay nagpaliwanag tungkol sa paggamit ng cork bilang takip.
Gaano kahusay na takip ang cork?
Nakakita na ako ng mga cork na inalis mula sa mga boteng mahigit 100 taon na, at napreserbang mabuti ang alak! Napakahusay na takip ang cork!
Ilang taon ang cork oak bago makakuha rito ng balat na gagawing takip?
Para makagawa ng de-kalidad na takip, ang cork oak ay dapat na di-kukulangin sa 50 taon, bagaman puwede na itong makuhanan ng balat 25 taon matapos itanim. Siyempre, iilan lang ang handang mamuhunan sa isang pananim na maghihintay pa nang 50 taon bago kumita. Sa katunayan, wala akong maisip na ibang industriya na maghihintay nang ganoon katagal ang namumuhunan.
Gaano kahaba ang buhay ng cork oak?
Ang cork oak ay nabubuhay nang mga 200 taon, at ang ilang uri ay nabubuhay nang mas matagal. Nakukuhanan ng cork ang mga puno tuwing ikasiyam na taon.
Ano ang ginagawa para magpatuloy ang produksiyon ng cork?
Nagbibigay ang European Union at ang pamunuan sa aming rehiyon ng pondo para sa pagtatanim ng cork oak. Kaya naman nitong nakaraang mga taon, ekta-ektaryang lupain ang natamnan namin nito at mas napangalagaan ang mga dati nang taniman.
Ano ang mga bagong pagsulong sa produksiyon ng cork?
Sa nakaraang dalawang dekada, nag-research kami nang husto para malaman ang pinakamagandang klase ng binhi. Nakikipagtulungan din kami sa iba pang mga bansang nagtatanim ng cork oak para mas mapaganda ang kalidad ng produkto. Palakol ang matagal nang pantanggal ng balat ng puno, pero gumagamit na kami ngayon ng maliit na lagari na mas madaling gamitin.
[Larawan sa pahina 19]
Pagkatapos tanggalin ang balat, tumutubo uli ito
[Larawan sa pahina 19]
Ang balat ay maingat na tinatanggal ng sanay na manggagawa
[Larawan sa pahina 19]
Salansan ng mga balat, nakahanda para sa susunod na proseso
[Larawan sa pahina 19]
Manu-mano pa rin ang paggawa ng de-kalidad na takip
[Larawan sa pahina 18, 19]
Ang maliliit na piraso ay iniipon at pinoproseso para gawing takip ng bote at iba pang produkto