Mga Honey Ant—Masarap na Pagkain sa Disyerto
Mga Honey Ant—Masarap na Pagkain sa Disyerto
GUSTONG ipatikim sa amin ni Yuminiya, isang kaibigan naming Aborigine, ang isa sa kaniyang mga sekreto sa disyerto. Dinala niya kami sa isang tuyo at mapalumpong na lugar, sa hilaga ng Alice Springs na nasa gitna ng Australia. May hinahanap siya sa mabuhanging lupa. Sa ilalim ng puno ng mulga, isang uri ng akasya, nakita niya ang maliliit na nilalang na magbibigay sa amin ng matamis na pagkain—ang mga honey ant.
Naghukay siya sa mabuhanging lupa at tinunton ang daanan ng mga langgam hanggang sa mahigit sa isang metro na ang lalim at lapad ng hukay at puwede nang upuan. “Maaari kang maghanap ng mga honey ant kahit kailan, pero mas maganda kapag taglamig dahil napakainit kapag tag-araw,” ang sabi niya habang nakaupo sa hukay. Pinanood namin siya habang tinitingnan niyang mabuti ang mga daanan. “Dapat alam mo kung alin ang susundan mo,” ang paliwanag niya.
Sa wakas, nakita rin ni Yuminiya ang lungga. Sa loob nito ay may mga 20 honey ant na ang mga tiyan ay namimintog,
kasinlaki ng mga ubas, at punô ng likido na kulay-orange. Nakabitin sa lungga ang maliliit na insektong ito at hindi makakilos dahil sa laki ng tiyan. Sa loob lang ng ilang minuto, nakakuha si Yuminiya ng mahigit 100 langgam mula sa iba’t ibang bahagi ng lungga. “Ang pulot ng mga langgam na ito ang isa sa pinakamatamis na pagkain sa disyerto,” ang sabi ni Yuminiya.Buháy na mga Lalagyan ng Pulot
Ang mga honey ant ay isa sa pinakapambihira sa mahigit 10,000 uri ng langgam. Di-tulad ng mga pukyutan na nag-iimbak ng pulot sa bahay-pukyutan, iniimbak ng mga honey ant ang nektar sa loob ng katawan ng mga manggagawang langgam na tinatawag na replete. Ang kolonya ng langgam ay umaasa sa buháy na mga “lalagyan ng pulot” na ito kapag wala silang makuhang pagkain sa labas ng lungga.
Para makapaglagay o makakuha ng pagkain, ginagamit ng langgam ang antena nito para magbigay ng tamang signal sa antena ng isang replete. Ibubuka naman ng replete ang kaniyang bibig. May espesyal na balbula sa tiyan nito na may apat na bukas-sarang takip para makontrol ang pagdaloy ng pulot. Kahit ilang buwan lang ang buhay ng replete, maraming beses na nasasaid at napupuno ang tiyan nito.
Karaniwan nang walang ginagawa ang replete, pero ligtas ito sa ilalim ng lupa mula sa tagtuyot, init, at iba pang insekto. Mula sa isang espesyal na glandula, naglalabas ang katawan nito ng antibiyotikong likido na nagsisilbing proteksiyon sa mga baktirya at fungus.
Saan nanggagaling ang “pulot”? Una, kinakain ng maliliit na insektong tinatawag na apid ang dagta at nektar ng punong akasya. Pagkatapos, kinukuha ng mga manggagawang langgam sa mga apid ang sobrang asukal ng mga ito na tinatawag na honeydew. Nakakakuha rin sila ng nektar mula sa puno. Pagkatapos, ang lahat ng nakukuhang likido ay inilalagay sa mga replete. At dahil wala naman silang ginagawa, kaunti lang ang nakokonsumo nila, kaya naiipon ang honeydew sa tiyan ng mga replete.
Kumusta naman ang mga apid? Hindi sila lugi dahil tinitirhan naman sila ng mga langgam ng sapat na nektar. Pinoprotektahan din sila ng mga ito mula sa mga parasito at iba pang insekto. Oo, parehong nakikinabang ang nagtutulungang mga langgam at apid!
“Pumaroon ka sa langgam,” ang sabi ng Bibliya, “tingnan mo ang mga lakad nito at magpakarunong ka. Bagaman wala itong kumandante, opisyal o tagapamahala, naghahanda ito ng kaniyang pagkain sa tag-araw; nagtitipon ito ng kaniyang laang pagkain sa pag-aani.” (Kawikaan 6:6-8) Totoo nga ang mga salitang iyan! Ang mga langgam ay nagtutulungan, napakaorganisado, at masisipag. At kamangha-mangha na nakagagawa sila ng matamis na pagkain sa disyerto!
[Larawan sa pahina 11]
Punô ng matamis na nektar ang namimintog na tiyan ng honey ant
[Picture Credit Lines sa pahina 11]
Pages 10, 11, top: M Gillam/photographersdirect.com; page 11: © Wayne Lynch/age fotostock