Tip #4—Ingatan ang Iyong Kalusugan
“Matalino ang nakakakita ng kapahamakan at nagkukubli.” (Kawikaan 22:3) Ang simpleng mga pag-iingat ay tutulong sa iyo na makaiwas sa sakit at pagdurusa, pati na sa gastos at abala.
Panatilihing malinis ang iyong sarili. “Ang paghuhugas ng kamay ang pinakaimportanteng bagay na magagawa mo para maiwasan ang pagkalat ng sakit at para manatiling malusog,” ang sabi ng U.S. Centers for Disease Control and Prevention. Sinasabi na 80 porsiyento ng mga sakit ay naipapasa ng maruruming kamay. Kaya laging maghugas ng kamay. Gawin ito lalo na bago kumain, maghanda ng pagkain, maglinis o humawak ng sugat, at pagkatapos humawak ng hayop, gumamit ng palikuran, o magpalit ng diaper ng sanggol.
Mas epektibo ang paghuhugas ng kamay gamit ang tubig at sabon kaysa sa paggamit ng mga alcohol-based hand sanitizer. Magiging mas malusog ang mga bata kung sasanayin sila ng kanilang mga magulang na maghugas ng kamay at huwag hawakan ang kanilang bibig at mata. Makatutulong din kung araw-araw kang maliligo at kung laging malinis ang iyong mga damit pati na rin ang mga punda at sapin sa higaan.
Umiwas sa nakahahawang sakit. Iwasang lumapit sa mga taong may sipon o trangkaso at huwag makisalo sa kanilang mga gamit sa pagkain dahil nakahahawa ang kanilang laway at bahin. Ang mga sakit na nasa dugo gaya ng hepatitis B at C at HIV/AIDS ay pangunahing naililipat sa pamamagitan ng pakikipagtalik, pagtuturok ng droga, at pagpapasalin ng dugo. Ang bakuna ay makatutulong para maiwasan ang ilang sakit, pero kailangan pa ring mag-ingat kapag kasama ang mga taong may nakahahawang sakit. Iwasang makagat ng mga insekto. Huwag maupo o matulog sa mga lugar na maraming lamok o iba pang insektong may dalang sakit. Gumamit ng kulambo, lalo na para sa mga bata, at insect repellent. *
Panatilihing malinis ang iyong tahanan. Gawing malinis at masinop ang loob at labas ng iyong tahanan. Linisin ang lahat ng posibleng pamugaran ng lamok. Ang mga walang-takip na pagkain at basurahan ay dinarayo ng mga insekto at daga na maaaring magdala ng baktirya at maging sanhi ng sakit. Kung walang palikuran, gumawa ng hukay sa halip na dumumi kung saan-saan. Takpan ito para hindi puntahan ng mga langaw na nagdadala ng impeksiyon sa mata at iba pang sakit.
Protektahan ang iyong sarili. Sumunod sa mga batas pangkaligtasan kapag nagtatrabaho, nagbibisikleta, nagmomotorsiklo, o nagmamaneho. Tiyaking ligtas ang iyong sasakyan. Gumamit ng mga proteksiyon sa katawan gaya ng safety glasses, helmet, at tamang sapatos, gayundin ng mga seat belt at earplug. Iwasan ang sobrang pagbibilad sa araw, na sanhi ng kanser at maagang pagkulubot ng balat. Huminto sa paninigarilyo. Kung gagawin mo ito agad, liliit ang tsansa mong magkaroon ng sakit sa puso, kanser sa baga, at istrok. *
^ par. 5 Tingnan ang serye ng mga artikulong itinampok sa pabalat na “Kapag Nagkalat ng Sakit ang mga Insekto,” sa Gumising!, isyu ng Mayo 22, 2003.
^ par. 7 Tingnan ang serye ng mga artikulong itinampok sa pabalat na “Kung Paano Maihihinto ang Paninigarilyo,” sa Gumising!, isyu ng Mayo 2010.