Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Book of Martyrs ni Jean Crespin

Ang Book of Martyrs ni Jean Crespin

Ang Book of Martyrs ni Jean Crespin

NOONG 1546, hinatulan ang 14 na lalaking napatunayang mga erehe sa Meaux, Pransiya. Sinunog sila nang buháy. Ano ang kasalanan nila? Nagtipon sila sa pribadong mga tahanan, nanalangin, umawit ng mga salmo, nagdiwang ng Hapunan ng Panginoon, at nagsabing hindi nila kailanman tatanggapin ang “mga idolatriya ng Papa.”

Sa araw ng kanilang bitay, hinamon ng Romano Katolikong guro na si François Picard ang mga lalaking ito tungkol sa kanilang paniniwala sa Hapunan ng Panginoon. Sumagot sila sa pamamagitan ng pagtatanong tungkol sa turong Katoliko hinggil sa transubstantiation, na nagsasabing ang tinapay at alak na ginamit sa okasyong iyon ay makahimalang naging katawan at dugo ni Jesus. ‘Naglalasa bang karne ang tinapay, o dugo ang alak?’ ang tanong ng mga lalaki.

Bagaman hindi ito nasagot ni Picard, itinali pa rin sa tulos ang 14 at sinunog nang buháy. Ang mga hindi naputulan ng dila ay umawit ng mga salmo. Sinikap naman ng mga paring nakapaligid sa kanila na sapawan sila sa pamamagitan ng pag-awit nang mas malakas. Kinabukasan, sa lugar ding iyon, inihayag ni Picard na ang 14 na lalaki ay mapapasa-impiyerno magpakailanman.

Noong ika-16 na siglo, mapanganib ang Europa para sa mga tumutuligsa sa simbahan. Marami sa mga sumalungat sa turo nito ang nagkaroon ng kakila-kilabot na karanasan sa kamay ng kanilang mga mananalansang. Ang isang reperensiya tungkol dito ay ang Le Livre des martyrs (Book of Martyrs) ni Jean Crespin. Inilathala ito noong 1554 sa Geneva, Switzerland, at tinawag ding Histoire des martyrs. *

Isang Abogado ang Sumali sa Repormasyon

Si Crespin ay ipinanganak noong mga 1520, sa Arras, nasa hilagang Pransiya ngayon. Nag-aral siya ng abogasya sa Louvain, Belgium. Malamang na dito niya unang nalaman ang mga turo ng Repormasyon. Noong 1541, nagtrabaho siya sa Paris bilang kalihim ng isang kilaláng hukom. Kasabay nito, nasaksihan niya sa Place Maubert, Paris, ang pagsunog kay Claude Le Painctre, na hinatulan bilang erehe. Humanga si Crespin sa pananampalataya ni Le Painctre, isang panday-ginto, na hinatulan sa tinatawag ni Crespin na “paghahayag ng katotohanan sa kaniyang mga magulang at kaibigan.”

Nang panahong iyon, abogado na si Crespin sa Arras. Pero di-nagtagal, inakusahan siyang erehe dahil sa kaniyang bagong paniniwala. Para makaiwas sa paglilitis, nagpunta siya sa Strasbourg, Pransiya. Nang maglaon, tumira siya sa Geneva, Switzerland, kung saan niya nakasama ang mga tagasuporta ng Repormasyon. Ipinagpalit niya ang pagiging abogado sa pagiging tagapaglimbag.

Inilathala ni Crespin ang relihiyosong akda ng mga Repormador, gaya nina John Calvin, Martin Luther, John Knox, at Theodore Beza. Inimprenta rin niya ang tekstong Griego ng bahagi ng Bibliya na karaniwang tinatawag na Bagong Tipan, at ang Bibliya​—sa kabuuan o mga bahagi nito​—sa wikang Ingles, Italyano, Kastila, Latin, at Pranses. Pero nakilala si Crespin sa kaniyang Book of Martyrs. Itinala niya rito ang maraming binitay dahil sa erehiya sa pagitan ng 1415 at 1554.

Kung Bakit Iniulat ang Pagdurusa ng mga Martir

Maraming lathalain ng mga Repormador ang tumuligsa sa kalupitan ng mga pinunong Katoliko. Pinalakas nito ang loob ng mga tao sa pagsasabing ang “kabayanihan” ng mga Protestanteng martir ay pagpapatuloy ng pagdurusa ng mga lingkod ng Diyos noon, pati na ng mga Kristiyano noong unang siglo. Para magkaroon ng mga huwaran ang mga kapuwa niya Protestante, nagtipon si Crespin ng isang talaan ng mga nagdusa dahil sa kanilang pananampalataya. *

Ang aklat ni Crespin ay naglalaman ng mga rekord ng pagtatanong, paglilitis, at testimonyo ng mga saksi, pati na ng mga testimonyong isinulat ng mga akusado habang sila ay nasa bilangguan. Kasama rin ang mga liham para patibayin ang mga nakabilanggo. Ang ilan dito ay punô ng mga pagsipi sa Bibliya. Naniniwala si Crespin na ang pananampalataya ng mga sumulat ng mga testimonyo ay “karapat-dapat sa walang-hanggang pag-alaala.”

Karamihan sa mga doktrinang tinalakay sa aklat ni Crespin ay ang mga isyung pinagtatalunan ng mga Katoliko at Protestante. Halimbawa ay ang paggamit ng imahen sa pagsamba, purgatoryo, at mga panalangin para sa patay, pati na rin kung nauulit ang sakripisyo ni Jesus tuwing misa ng mga Katoliko at kung ang papa ay kinatawan nga ng Diyos.

Ang Book of Martyrs ay nagpapatotoo sa kontrobersiya at pagkapanatiko na laganap noong marahas na panahong iyon. Bagaman nakatuon ang pansin ni Crespin sa pag-uusig ng mga Katoliko sa mga Protestante, hindi dapat kalimutan na may-kalupitan ding inusig ng mga Protestante ang mga Katoliko.

Sa buong kasaysayan, nagkasala ang huwad na relihiyon dahil sa “dugo ng mga propeta at ng mga banal at ng lahat niyaong mga pinatay sa lupa.” Tiyak na sumisigaw ng katarungan ang dugo ng mga kinikilala ng Diyos bilang kaniyang tapat na mga martir. (Apocalipsis 6:9, 10; 18:24) Malamang na ang ilan sa mga nagdusa at namatay para sa kanilang pananampalataya noong panahon ni Jean Crespin ay taimtim na naghahanap ng katotohanan sa relihiyon.

[Mga talababa]

^ par. 5 Ang salin ng pamagat ng isang akda ni Crespin ay Book of Martyrs, That Is, a Collection of Several Martyrs Who Endured Death in the Name of Our Lord Jesus Christ, From Jan Hus Until This Year, 1554. Ang ilan sa nirebisa at pinalaking-letrang edisyon na may iba’t ibang pamagat at nilalaman ay inilathala noong buháy pa si Crespin; ang iba naman ay pagkamatay niya.

^ par. 11 Dalawa pang ulat ng pagkamartir ang inilathala noong 1554​—kasabay ng paglalathala ni Crespin ng Book of Martyrs​—ang isa ay kay Ludwig Rabus sa Aleman, at ang isa naman ay kay John Foxe sa Latin.

[Larawan sa pahina 12]

Title page ng “Book of Martyrs” ni Crespin (Edisyong 1564)

[Larawan sa pahina 13]

Pagbitay sa mga Protestante sa harap ng hari ng Pransiya na si Henry II at ng kaniyang korte

[Picture Credit Line sa pahina 13]

Images, both pages: © Société de l’Histoire du Protestantisme Français, Paris