Mga Munting Mansiyon ng Istanbul
Mga Munting Mansiyon ng Istanbul
● Makikita ang mga hawlang gawa sa kahoy sa maraming lugar sa daigdig. Ang mga hawla ay tamang-tamang kainan at pugad ng mga ibon. Dito nila inaalagaan ang kanilang mga inakay. Proteksiyon din nila ito mula sa mga maninila at iba pang panganib. Sa Istanbul, ang mga hawla ay dinisenyo para magmukhang totoong gusali. Ang ilan ay parang mansiyon; ang iba naman ay moske o palasyo. * Tinatawag ang mga ito na bahay ng mga kalapati, mansiyon ng mga ibon, at palasyo ng mga maya.
Ang pinakamatanda sa mga hawlang ito ay ginawa noon pang ika-15 siglo, at sunod ito sa arkitektura ng mga Ottoman. Simple lang ang mga hawlang ito, pero simula noong ika-18 siglo, naging marangya ang disenyo ng mga ito. Ang ilan ay may lagayan ng pagkain at tubig, lakaran, at balkonahe, kung saan maaaring magmasid ang mga ibon. Ang mga ito ay karaniwan nang inilalagay sa gilid ng gusali na tinatamaan ng araw at hindi masyadong mahangin—malayo sa mga pusa, aso, at tao. Kung minsan, ang disenyo ng mga hawlang ito ay hindi lang para sa mga ibon kundi palamuti rin sa isang gusali. Makikita rin ang mga hawla sa gilid ng maliliit at malalaking moske, pati na sa mga pampublikong inuman, aklatan, tulay, at pribadong mga bahay.
Nakalulungkot, marami sa munting mansiyong ito ang unti-unting nasisira sa paglipas ng panahon. Sinasadya naman itong sirain ng iba na hindi interesado rito. Bihira na ngayon ang ganitong mga hawla. Pero kapag pumasyal ka sa Istanbul at interesado ka sa sinaunang mga arkitektura, subukan mong hanapin ang munti at magandang mga istrukturang ito sa mga medya-agwa. Ngayong alam mo na ang tungkol dito, masisiyahan kang makita ang mga munting mansiyong ito kapag pumasyal ka sa Istanbul.
[Talababa]
^ par. 2 Bagaman mukhang totoo, ang disenyo ng mga hawlang ito ay karaniwan nang hindi kuha sa espesipikong mga gusali.