Dumarami ang Nagdiriwang ng Pasko—Bakit?
Dumarami ang Nagdiriwang ng Pasko—Bakit?
NASASABIK ka ba sa Pasko? O nai-stress ka habang papalapit na ito? Milyun-milyong tao ang nagtatanong: ‘Sinu-sino kaya ang bibigyan ko ng regalo? Anu-ano ang mga ireregalo ko? Kaya ba ito ng bulsa ko? Gaano katagal ko kaya mababayaran ito?’
Sa kabila nito, napakarami pa ring nagdiriwang ng Pasko. Sa katunayan, ipinagdiriwang na rin ito maging sa mga bansang di-Kristiyano. Sa Japan, karamihan sa mga pamilya ay nagdiriwang na ng Pasko, hindi dahil sa kanilang relihiyon, kundi dahil masaya ang okasyong ito. Sa China, “nakadispley sa mga tindahan sa pangunahing mga lunsod ang masaya at namumulang mukha ni Santa Claus,” ang sabi ng The Wall Street Journal. Idinagdag pa nito: “Gustung-gusto na rin ng bagong grupo ng mga may-kaya sa buhay sa mga lunsod sa China na magdiwang ng Pasko dahil panahon ito para mamilí, magkainan, at magparty.”
Sa maraming bansa, nakatulong nang malaki ang Pasko sa pag-unlad ng ekonomiya. Totoong-totoo ito sa China na “nag-e-export ng napakaraming Christmas tree, Christmas light, at iba pang dekorasyong pampasko,” ang sabi ng Journal.
Sa mga bansang Muslim, may mga pagdiriwang din na katulad ng sa Pasko, bagaman hindi Disyembre 25. Sa Ankara, Turkey, at sa Beirut, Lebanon, karaniwan nang ang mga tindahan ay may mga displey na regalo at punong may dekorasyon. Sa Indonesia, nag-iisponsor ng masasayang aktibidad ang mga hotel at shopping mall, at ang mga bata ay maaaring kumain o magpakuha ng litrato kasama ni Santa.
Sa mga bansang Kristiyano sa Kanluran, halos negosyo na lang ngayon ang Pasko. Maraming anunsiyo na “halatang pinupuntirya ang mga bata,” ang sabi ng Royal Bank Letter ng Canada. Totoo namang may ilan pa ring mga nagsisimba pagsapit ng kapaskuhan. Pero mas dinudumog ng mga tao ang mga shopping mall na nagpapatugtog ng mga kantang pamasko. Bakit? Dahil kaya ito sa pinagmulan ng Pasko? Ano ang pinagmulan nito?
Bago talakayin ang mga tanong na ito, makabubuting basahin muna ang ulat ng Bibliya na sinasabing pinagkunan ng konsepto ng Belen.
[Kahon/Larawan sa pahina 4]
ANG ULAT NG MGA MANUNULAT NG EBANGHELYO
Ang apostol na si Mateo: “Pagkatapos na maipanganak si Jesus sa Betlehem ng Judea noong mga araw ni Herodes na hari, narito! ang mga astrologo mula sa mga silanganing bahagi ay pumaroon sa Jerusalem, na nagsasabi: ‘Nasaan ang isa na ipinanganak na hari ng mga Judio? Sapagkat nakita namin ang kaniyang bituin noong naroon kami sa silangan, at pumarito kami upang mangayupapa sa kaniya.’ Sa pagkarinig nito ay naligalig si Haring Herodes.” Kaya itinanong niya sa “mga punong saserdote . . . kung saan ipanganganak ang Kristo.” Nang malaman niya na ito ay “sa Betlehem,” sinabi ni Herodes sa mga astrologo: “Humayo kayo at maingat na hanapin ang bata, at kapag nasumpungan ninyo siya ay ipaalam ninyo sa akin.”
“Lumakad na sila; at, narito! ang bituin na nakita nila noong naroon sila sa silangan ay nagpauna sa kanila, hanggang sa ito ay huminto sa itaas ng kinaroroonan ng bata. . . . Nang pumasok sila sa loob ng bahay ay nakita nila ang bata na kasama ni Maria na kaniyang ina.” Pagkatapos na maibigay kay Jesus ang mga regalo, “binigyan sila ng babalang mula sa Diyos sa isang panaginip na huwag bumalik kay Herodes, [kaya] sila ay umalis patungo sa kanilang lupain sa pamamagitan ng ibang daan.”
“Pagkaalis nila, narito! ang anghel ni Jehova ay nagpakita kay Jose sa panaginip, na sinasabi: ‘Bumangon ka, dalhin mo ang bata at ang kaniyang ina at tumakas ka patungong Ehipto . . . ’ Kaya bumangon siya at dinala ang bata at ang kaniyang ina nang kinagabihan at umalis . . . Nang magkagayon, sa pagkakitang pinaglalangan siya ng mga astrologo, si Herodes ay lubhang nagngalit, at nagsugo siya at ipinapatay ang lahat ng mga batang lalaki sa Betlehem at sa lahat ng mga distrito nito, mula dalawang taóng gulang pababa.”—Mateo 2:1-16.
Ang alagad na si Lucas: Si Jose ay “umahon mula sa Galilea, mula sa lunsod ng Nazaret, patungo sa Judea, sa lunsod ni David, na tinatawag na Betlehem, . . . upang magparehistrong kasama ni Maria . . . Habang naroon sila, . . . isinilang niya ang kaniyang anak na lalaki, ang panganay, at binalot niya ito ng mga telang pamigkis at inihiga ito sa isang sabsaban, sapagkat walang dako sa silid-tuluyan para sa kanila.”
“Mayroon ding mga pastol sa mismong lupaing iyon na naninirahan sa labas at patuloy na nagbabantay sa gabi sa kanilang mga kawan. At bigla na lang, ang anghel ni Jehova ay tumayo sa tabi nila, . . . at lubha silang natakot. Ngunit sinabi ng anghel sa kanila: ‘Huwag kayong matakot, sapagkat, narito! ipinahahayag ko sa inyo ang mabuting balita tungkol sa malaking kagalakan na tataglayin ng lahat ng mga tao, sapagkat ipinanganak sa inyo ngayon ang isang Tagapagligtas, na siyang Kristo na Panginoon, sa lunsod ni David.’” At ang mga pastol ay dali-daling “pumaroon at nasumpungan si Maria at gayundin si Jose, at ang sanggol na nakahiga sa sabsaban.”—Lucas 2:4-16.