Isang Aklat na Mapagkakatiwalaan Mo—Bahagi 1
Ulat ng Bibliya Tungkol sa Ehipto
Ang Bibliya ay isinulat sa loob ng mga 1,600 taon. Ang ulat nito ng kasaysayan at mga hula ay nauugnay sa pitong kapangyarihang pandaigdig: Ehipto, Asirya, Babilonya, Medo-Persia, Gresya, Roma, at Anglo-Amerika. Ang bawat isa sa mga ito ay tatalakayin sa isang serye ng pitong artikulo. Bakit? Para ipakita na ang Bibliya ay nagmula sa Diyos at mapagkakatiwalaan, at ang mensahe nito ay isang pag-asa na matatapos na ang pagdurusang dulot ng maling pamamahala ng tao.
ANG Ehipto, kilala sa mga piramide at Ilog Nilo, ang unang kapangyarihang pandaigdig sa ulat ng kasaysayan ng Bibliya. Sa ilalim ng pamamahala nito, nabuo ang bansang Israel. Si Moises, na sumulat ng unang limang aklat ng Bibliya, ay isinilang at tinuruan sa Ehipto. Pinatutunayan ba ng sekular na kasaysayan at arkeolohiya na totoo ang mga isinulat niya tungkol sa sinaunang bansang iyan? Tingnan ang ilang halimbawa.
Tumpak na Ulat ng Kasaysayan
Mga titulo at termino. Karaniwan nang makikita sa ibinibigay na detalye—kaugalian, kagandahang-asal, pangalan at titulo ng mga opisyal, at iba pa—kung tama ang ulat ng kasaysayan. Tumpak ba ang ulat ng Genesis at Exodo, ang unang dalawang aklat ng Bibliya? Hinggil sa ulat ng Genesis tungkol kay Jose na anak ng patriyarkang si Jacob, pati na ang ulat ng aklat ng Bibliya na Exodo, sinabi ni J. Garrow Duncan sa kaniyang aklat na New Light on Hebrew Origins: “Alam na alam ng [manunulat ng Bibliya] ang wika, kaugalian, paniniwala, kagandahang-asal, at mga kostumbre sa palasyo at pamamahala sa Ehipto.” Idinagdag pa niya: “Gumagamit [ang manunulat] ng tamang titulo na ginagamit noon at ginagamit niya iyon kung paano ito ginamit noon. . . . Sa katunayan, sa Matandang Tipan, ang paggamit ng terminong Paraon sa iba’t ibang yugto ng panahon ang pinakamatibay na ebidensiya na ang mga manunulat nito ay maraming alam tungkol sa Ehipto at maaasahan.” Sinabi rin ni Duncan: “Kapag nag-uulat [ang manunulat] tungkol sa pagharap sa Paraon, nagbibigay siya ng tamang detalye tungkol sa kostumbre sa palasyo at gumagamit siya ng tamang wika.”
Paggawa ng laryo. Noong alipin sa Ehipto ang mga Israelita, gumawa sila ng mga laryo mula sa luwad na hinaluan ng dayami para tumibay ito. (Exodo 1:14; 5:6-18) * Mga ilang taon ang nakalilipas, sinabi ng aklat na Ancient Egyptian Materials and Industries: “Iilang lugar lang ang [gumagawa ng laryo], at sa Ehipto ang pinakamarami. Dito, pinatutuyo nila ang laryo sa araw, gaya ng dati na nilang ginagawa. Ito ang karaniwang materyales na ginagamit sa pagtatayo sa [Ehipto].” Binanggit din ng aklat ang tungkol sa “paggamit ng mga Ehipsiyo ng dayami sa paggawa ng laryo,” na sumusuporta sa karagdagang detalyeng ito na iniulat ng Bibliya.
Pag-aahit. May mga balbas ang mga Hebreong lalaki noong sinaunang panahon. Pero sinasabi ng Bibliya na nag-ahit si Jose bago humarap kay Paraon. (Genesis 41:14) Bakit siya nag-ahit? Para sumunod sa kaugalian at kagandahang-asal ng mga Ehipsiyo. Itinuturing kasi ng mga ito na marumi ang isa na may balbas at bigote. “Ipinagmamalaki [ng mga Ehipsiyo] ang makinis na pagkakaahit sa kanilang mga sarili,” ang sabi ng aklat na Everyday Life in Ancient Egypt. Sa katunayan, nakakita sa mga libingan ng mga labaha, tiyani, at salamin, pati na ng mga lagayan nito. Maliwanag, si Moises ay isang metikulosong mananalaysay. Ganiyan din ang iba pang manunulat ng Bibliya na nag-ulat ng mga pangyayari tungkol sa sinaunang Ehipto.
Pagnenegosyo. Si Jeremias, na sumulat ng dalawang aklat ng mga Hari, ay nagbigay ng espesipikong detalye tungkol sa pakikipagkalakalan ng mga kabayo at karo ni Haring Solomon sa mga Ehipsiyo at Hiteo. Ang isang karo ay may “halagang anim na raang pirasong pilak, at ang isang kabayo ay . . . isang daan at limampu” o sangkapat ng halaga ng isang karo, ang sabi ng Bibliya.—1 Hari 10:29.
Ayon sa aklat na Archaeology and the Religion of Israel, parehong pinatunayan ng mananalaysay na Griegong si Herodotus at ng mga tuklas ng mga arkeologo ang maunlad na pagbebenta ng kabayo at karo noong panahon ng paghahari ni Solomon. Sa katunayan, “itinakda ang palitan na apat na kabayo . . . para sa isang karo ng Ehipsiyo,” ang sabi ng aklat. Kaayon ito ng mga detalye sa Bibliya.
Pakikidigma. Binanggit naman nina Jeremias at Ezra ang pagsalakay ni Paraon Sisak sa Juda. Espesipiko nilang sinabi na nangyari ito “nang ikalimang taon ni Haring Rehoboam [na Judeano],” o noong 993 B.C.E. (1 Hari 14:25-28; 2 Cronica 12:1-12) Sa loob ng mahabang panahon, sa Bibliya lang mababasa ang ulat ng pagsalakay na iyon. Pagkatapos, natuklasan ang isang relyebe sa pader ng isang templo sa Karnak (sinaunang Thebes) sa Ehipto.
Makikita sa relyebe ang larawan ni Sisak na nakatayo sa harap ng diyos na si Amon. Nakataas ang kamay ni Sisak at akmang sasaktan ang mga bihag. Nakarekord din doon ang mga pangalan ng nakubkob na mga bayan ng Israel, at marami sa mga ito ay tinukoy rin ng Bibliya. At binabanggit pa sa dokumento ang “Bukid ni Genesis 25:7-10.
Abram”—ang pinakaunang pagtukoy sa ulat ng mga Ehipsiyo sa patriyarka sa Bibliya na si Abraham.—Maliwanag, hindi kathang-isip ang isinulat ng mga manunulat ng Bibliya. Yamang alam nilang mananagot sila sa Diyos, isinulat nila kung ano ang totoo pati na ang hindi magagandang pangyayari—gaya ng pagtatagumpay ni Sisak laban sa Juda. Ang gayong katapatan ay kabaligtaran ng pinaganda at eksaheradong mga kuwento ng sinaunang mga eskribang Ehipsiyo na hindi nagrekord ng anumang makasisira sa imahe ng kanilang mga tagapamahala at bayan.
Maaasahang mga Hula
Ang Diyos na Jehova, ang Awtor ng Bibliya, ang tanging makapagbibigay ng hula na hindi magmimintis. Halimbawa, pansinin kung ano ang sinabi niyang ihula ni Jeremias may kinalaman sa dalawang lunsod sa Ehipto—ang Memfis at Thebes. Ang Memfis, o Nop, ay dating kilalang sentro ng komersiyo, pulitika, at relihiyon. Pero sinabi ng Diyos: “Ang Nop ay magiging isang bagay lamang na panggigilalasan at susunugin nga, anupat mawawalan ng tumatahan.” (Jeremias 46:19) At ganoon nga ang nangyari. Ayon sa aklat na In the Steps of Moses the Lawgiver, sinamsaman ng mga manlulupig na Arabe ang “pagkalalaking guho ng Memfis,” at kinuha nila ang mga bato nito. Idinagdag pa ng aklat na sa ngayon, “wala kang makikitang kahit isang nakausling bato sa ibabaw ng itim na lupa . . . ng sinaunang lunsod.”
Ganiyan din ang nangyari sa Thebes, dating tinatawag na No-amon o No, pati na sa mga diyos nito na walang kapangyarihan. Hinggil sa lugar na ito na dating kabisera ng Ehipto at pangunahing sentro ng pagsamba sa diyos na si Amon, sinabi ni Jehova: “Narito, ibabaling ko ang aking pansin kay Amon . . . at kay Paraon at sa Ehipto at sa kaniyang mga diyos . . . At ibibigay ko sila . . . sa kamay ni Nabucodorosor na hari ng Babilonya.” (Jeremias 46:25, 26) Gaya ng inihula, nalupig ng hari ng Babilonya ang Ehipto at ang prominenteng lunsod nito na No-amon. At matapos salakayin ng tagapamahalang Persiano na si Cambyses II ang lunsod noong 525 B.C.E., unti-unti itong humina at lubusang ibinagsak ng mga Romano. Oo, walang katulad ang Bibliya dahil sa tumpak na mga hula nito. Kaya mapanghahawakan natin ang sinasabi nito tungkol sa ating kinabukasan.
Pangakong Tiyak na Matutupad
Ang kauna-unahang hula na iniulat sa Bibliya ay isinulat ni Moises noong panahong ang kapangyarihang pandaigdig ay Ehipto. * Ayon sa hula sa Genesis 3:15, ang Diyos ay maglalaan ng isang “binhi,” o supling, na dudurog kay Satanas at sa “binhi” nito—ang mga sumusunod sa kasamaan ni Satanas. (Juan 8:44; 1 Juan 3:8) Napatunayan na ang pangunahing “binhi” ng Diyos ay ang Mesiyas, si Jesu-Kristo.—Lucas 2:9-14.
Mamamahala si Kristo sa buong lupa. Aalisin niya ang lahat ng kasamaan at mapaniil na pamamahala ng tao. Ang tao ay hindi na ‘manunupil sa tao sa kaniyang ikapipinsala.’ (Eclesiastes 8:9) Bukod diyan, gaya ng ginawa ni Josue noon, na umakay sa Israel sa Lupang Pangako, aakayin din ni Jesus ang “isang malaking pulutong” ng mga taong may takot sa Diyos sa isang mas mainam na “Lupang Pangako”—isang nilinis na lupa na magiging isang pangglobong paraiso.—Apocalipsis 7:9, 10, 14, 17; Lucas 23:43.
Ang napakagandang pag-asang iyan ay nagpapaalala sa atin ng isa pang hula na inirekord noong panahon ng sinaunang Ehipto. Ayon sa hula sa Job 33:24, 25, ililigtas ng Diyos ang mga tao kahit nasa “hukay,” o libingan, sila sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli. Oo, bukod sa makaliligtas sa darating na pagpuksa sa masasama, milyun-milyong patay ngayon ang bubuhaying muli at magkakaroon ng pagkakataong mabuhay magpakailanman sa Paraiso sa lupa. (Gawa 24:15) “Ang tolda ng Diyos ay nasa sangkatauhan,” ang sabi sa Apocalipsis 21:3, 4. “Papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man.”
Ang paksang tumpak na ulat ng kasaysayan at maaasahang hula ay itutuloy sa susunod na artikulo sa seryeng ito. Tatalakayin nito ang sinaunang Asirya, ang sumunod sa Ehipto na kapangyarihang pandaigdig.
[Mga talababa]
^ par. 7 Kung wala kang Bibliya, maaari kang humiling ng isang kopya sa mga Saksi ni Jehova. Kung makakapag-Internet ka, puwede mong basahin ang Bibliya sa iba’t ibang wika sa www.watchtower.org. Karagdagan pa, may mga publikasyong salig sa Bibliya sa mahigit na 380 wika sa Web site na ito.
^ par. 18 Ang hulang nakaulat sa Genesis 3:15 ay sinabi ng Diyos noon sa hardin ng Eden at nang maglaon ay itinala ni Moises.
[Kahon/Larawan sa pahina 18]
ANG MERNEPTAH STELA
Noong 1896, natuklasan ng mga arkeologo ang tinatawag na Merneptah Stela sa isang templo sa Ehipto para sa mga patay. Ito ay isang haliging granito na kulay itim at makikita rito ang mga nagawa ni Haring Merneptah ng Ehipto, na sinasabing namahala noong huling mga taon ng ika-13 siglo B.C.E. Nakaukit sa stela ang isang himno na sa isang bahagi ay nagsasabi: “Ang Israel ay iginuho, ang binhi nito ay naglaho.” Ito lang ang natuklasang sinaunang rekord ng Ehipto na may pagtukoy sa Israel at ang kauna-unahang pagtukoy bukod sa nasa Bibliya.
Ang stela ay ginawa noong panahon ng mga Hukom sa Bibliya. Ang panahong ito ay mababasa sa aklat ng Bibliya na Mga Hukom. Pero di-tulad ng mga ulat tungkol sa mga paraon, na mga tagumpay lang ang sinasabi, iniulat ng aklat ng Mga Hukom kapuwa ang tagumpay at kabiguan ng Israel. Hinggil sa kabiguan, ganito ang sinasabi sa Hukom 2:11, 12: “Ang mga anak ni Israel ay gumawa ng masama sa paningin ni Jehova at naglingkod sa mga Baal [mga diyos ng mga Canaanita]. Sa gayon ay iniwan nila si Jehova . . . na naglabas sa kanila mula sa lupain ng Ehipto.” Ang pagiging prangka na ito ng mga manunulat ay makikita sa buong Bibliya.
[Credit Line]
Todd Bolen/Bible Places.com
[Mga larawan sa pahina 16]
Ginagamit pa rin sa Ehipto sa ngayon ang mga laryong gawa sa dayami at pinatuyo sa araw
[Larawan sa pahina 16]
Labaha at salamin na ginagamit ng mga Ehipsiyo sa pag-aahit
[Larawan sa pahina 16]
Nakarekord sa relyebeng ito sa Karnak ang mga pangalan ng mga nakubkob na bayan ng Israel
[Larawan sa pahina 16, 17]
Ang bumagsak na napakalaking estatuwa na ito na natagpuan malapit sa Memfis ay may taas na mga 12 metro
[Picture Credit Lines sa pahina 15]
Egypt, Pharaoh; and Rome, Nero: Photograph taken by courtesy of the British Museum; Medo-Persia, wall relief: Musée du Louvre, Paris
[Picture Credit Lines sa pahina 16]
Shaving kit: © The Metropolitan Museum of Art/Art Resource, NY; Karnak relief: Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.; Memphis statue: Courtesy Daniel Mayer/Creative Commons