Yurt—Naililipat-lipat na Bahay ng Sentral Asia
Yurt—Naililipat-lipat na Bahay ng Sentral Asia
MALAMBOT ito at hugis-bilog. Mainit ito kung taglamig at malamig naman kung tag-init. Ano ito? Para sa mga pagala-gala sa ilang bahagi ng Sentral Asia, ang sagot ay yurt! Pangkaraniwan ang mga tirahang ito noon sa mga tuyong lupain ng Mongolia at Kazakhstan hanggang sa kabundukan at libis ng Kyrgyzstan.
Ang yurt ay pabilog at parang tolda na ang dingding sa loob ay may mga banig na yari sa tambo. Ang labas naman ng dingding ay patung-patong na mga gamusang gawa sa balahibo ng tupa. Ang yurt ay magaan at madaling itayo, pero matibay at komportable sa tag-araw at taglamig. Tinatawag ito ng mga Kirghiz na kulay-abong bahay; ng mga Kazakh, na gamusang bahay; at ng mga taga-Mongolia, na ger, na ang ibig sabihin ay “tahanan.”
Ang mga yurt ay maaaring maputlang kulay-kape o matingkad na puti, depende sa kulay ng lanang ginamit. Ang yurt ng mga Kirghiz at Kazakh ay karaniwan nang nilalagyan ng tininang lana na matingkad ang kulay at may larawan ng sungay ng tupang barako. Noon, kapag maganda ang mga blangket at gamusang nakalatag sa sahig, ibig sabihin ay mayaman at kilala ang pamilyang nakatira doon.
Napakahalagang bahagi ng yurt ang ring sa gitna nito, kung saan nakakabit ang lahat ng suporta ng bubong. Ang matibay at mabigat na ring na ito ang nagpapatatag sa yurt. Ang gamusang nakatakip sa ring ay nabubuksan para makapasok ang hangin at naisasara kapag masungit ang panahon. Kapag maaliwalas ang gabi, maaari ding masdan ng mga pamilya ang mga bituin sa langit sa loob mismo ng yurt.
Tamang-tama Para sa mga Pagala-gala
Mayroon pa ring mga pagala-gala sa ilang bahagi ng mga bansang gaya ng Kazakhstan, Kyrgyzstan, at Mongolia. Sa kaniyang aklat na Yurts—Living in the Round, isinulat ni Becky Kemery kung paano ginagamit ang mga kamelyo para sa paglilipat ng mga yurt sa Mongolia hanggang sa ngayon: “Isinasakay sa isang kamelyo ang binaklas na yurt. Pareho ang bigat sa kanan at kaliwa ng kamelyo. Huling isinasakay ang ring; kasyang-kasya ito sa umbok ng kamelyo. Isinasakay ang mga gamusa sa isa pang kamelyo. Kapag walang kamelyo, inilalagay naman ng mga pastol ang yurt sa kariton na hahatakin ng isang baka o kabayo, o puwede rin itong ibiyahe papunta sa bagong destinasyon sakay ng isang trak.”
Ang mga yurt sa Mongolia ay may tuwid na mga suporta at mas patag na bubong kaysa sa iba. Dahil dito, ang mga yurt sa malawak na parang ay hindi madaling maitutumba ng malakas
na hangin at hindi basta tatamaan ng kidlat. Mas mababa at pabilog ang mga yurt sa Kyrgyzstan at Kazakhstan. Karaniwan nang nakaharap sa araw ang pasukan ng yurt para makapasok ang liwanag. Sa loob, makikita sa tapat ng pasukan ang isang baul. Nakapatong doon ang nakatiklop na mga blangket at pansapin sa sahig na yari sa gamusa na matitingkad ang kulay at may disenyo. Karaniwan na, umuupo sa harap nito ang importanteng bisita o ang pinakamatandang lalaki sa pamilya.Ang bahagi ng yurt sa kanan ng pasukan ay para sa kababaihan. Itinatago rito ang mga panluto, panlinis, pantahi, at mga gamit sa paggawa ng gamusa. Ang kabilang bahagi naman ay para sa kalalakihan. Nakalagay roon ang mga síya, latigo, at iba pang kagamitan sa pangangaso at pag-aalaga ng mga hayop.
Hindi Naitumba ng mga Pagbabago sa Pulitika ang Yurt
Malaki ang ipinagbago ng pamumuhay ng mga pagala-gala matapos ang Rebolusyon ng mga Komunista noong 1917. Sa Sentral Asia, nagtayo ang mga Ruso ng mga paaralan, ospital, at kalsada. Dahil dito, nabawasan ang mga pagala-gala.
Sa paglipas ng panahon, maraming katutubo ang permanente nang nanirahan sa mga nayon at bayan. Pero kung minsan, ginagamit pa rin ng mga pastol kung tag-araw ang yurt sa pag-aalaga ng mga tupa, baka, at kabayo sa malalawak na rantso.
“Noong tin-edyer ako,” ang naalaala ni Maksat, isang Kirghiz na mahigit 30 anyos na, “tinutulungan ko ang tatay ko sa pagpapastol ng kawan. Pagdating ng Hulyo, kapag natutunaw na ang niyebe at bukas na ang mga daan, dinadala namin ang mga hayop sa mga pastulan sa matataas na bundok.
“Nagtatayo kami roon ng yurt malapit sa bukal ng tubig para may magamit kami sa pagluluto at paglilinis. Nananatili kami roon hanggang sa lumamig na ang panahon pagpasok ng Oktubre.” Kaya mahalaga pa rin sa buhay ng mga tao sa ngayon ang yurt.
Ang Modernong Yurt
Sa mga lugar na gaya ng Kyrgyzstan, karaniwan nang makikita ang mga yurt sa gilid ng kalsada. Ginagamit itong tindahan o kapihan kung saan puwedeng makatikim ang mga bisita ng mga lokal na pagkain. Mararanasan din ng mga turista ang buhay ng mga katutubong Kirghiz kung magpapalipas sila ng gabi sa yurt sa kabundukan ng Kyrgyzstan o sa tabi ng napakalinaw na Lawa ng Issyk Kul.
Ginagamit din ang yurt sa ilang tradisyonal na burol at libing sa Sentral Asia. Sinabi ni Maksat, “Sa Kyrgyzstan, ibinuburol ang mga patay sa yurt. Dito nagsasama-sama ang mga kapamilya at kaibigan ng namatay para magdalamhati.”
Naging bahagi rin ng buhay sa lupain sa Kanluran ang yurt. Sinasabi ng ilan na ang yurt ay praktikal at hindi gaanong nakasisira sa kalikasan. Pero ibang-iba ang karamihan sa modernong yurt kung ikukumpara sa mga yurt noon. Gumagamit na ngayon ng mga high-tech na materyales sa pagtatayo nito at kadalasan nang mas permanente ito.
Hindi tiyak kung ano ang pinagmulan ng yurt, pero hindi matatawaran ang halaga nito. Dahil sa pagala-galang buhay noon, nagkaroon ng mga yurt sa Sentral Asia. Patunay ito na mahusay mag-adjust at malikhain ang mga tao roon.
[Larawan sa pahina 17]
Mga yurt sa tabi ng dinadayong Lawa ng Issyk Kul sa Kyrgyzstan