Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mag-ingat sa Nakakalasong Tingga!

Mag-ingat sa Nakakalasong Tingga!

Mag-ingat sa Nakakalasong Tingga!

Nitong nakalipas na mga taon, ipinag-utos ng mga gobyerno ang agarang pagbawi sa mga ibinebentang produkto gaya ng laruan at alahas. Bakit? Natuklasang maraming tingga ang ilan sa mga produktong ito, at may tendensiya ang mga bata na isubo o sipsipin ang mga ito. Puwedeng malason sa tingga lalo na ang mga batang wala pang anim na taóng gulang, yamang ang kanilang sentral na sistema ng nerbiyo ay nadedebelop pa lang.

AYON sa isang pag-aaral ng Johns Hopkins Bloomberg School of Public Health, pinipigil ng tingga ang protinang mahalaga sa pagdebelop ng utak at kakayahang matuto. Ipinakikita ng mga pag-aaral na umaabot nang hanggang 50 porsiyento ng tinggang nakakain o nasisinghot ng mga bata ang humahalo sa kanilang dugo, samantalang 10 hanggang 15 porsiyento lamang sa mga adulto.

Ipinahihiwatig ng kamakailang pag-aaral na puwedeng makasamâ ang tingga kahit mas mababa ang antas nito kaysa sa limit na itinakda ng gobyerno. Ayon sa National Safety Council ng Estados Unidos, kasama sa mga epekto nito sa mga bata ang “problema sa pagkatuto, attention deficit disorder, di-normal na asal, pagkabansot, diperensiya sa pandinig, at pinsala sa bato.” Hangga’t maaari, dapat iwasan ng mga babae na mahantad sa mga bagay na may tingga, dahil posible itong makasamâ sa fetus kung sakaling magbuntis sila. a

Puwede ring makontamina ng tingga ang mga pagkain at inuming inilalagay sa makikintab na seramiks na may tingga, na karaniwang ginagamit sa ilang bahagi ng Asia at Latin Amerika. Kung minsan, ang iniinom na tubig ay inilalagay sa mga banga para manatili itong malamig, at ang mainit na inumin naman ay sa makikintab na mug. Ayon sa isang pag-aaral sa mga batang wala pang limang taóng gulang sa Mexico City, halos kalahati ng mga batang mahigit isa’t kalahating taóng gulang ang may mataas na antas ng tingga sa kanilang dugo. Ang mga pagkaing inihanda sa makikintab na seramiks ang sinasabing dahilan. Ang tingga ay nakakatulong para kuminis at kumintab ang mga bagay na gawa sa luwad, pero puwede itong humalo sa pagkain, lalo na kapag dito ininit ang pagkain o dito inilagay ang ilang prutas at gulay.

Iba Pang Sanhi ng Pagkalason sa Tingga

Nitong nakalipas na mga taon, unleaded gas na ang ginagamit sa karamihan ng mauunlad na bansa. Pero ayon sa World Health Organization (WHO), halos 100 bansa pa ang gumagamit ng leaded gas. Ang tingga ay hindi nasusunog, ni naghihiwa-hiwalay man ang partikula nito. Kaya naman nakokontamina ng usok mula sa mga sasakyan ang lupa sa tabi ng daan. Pagkatapos, ang alikabok naman ng tingga ay nasisinghot o natatapakan at nadadala sa bahay.

Ang isa pang pangunahing sanhi ng pagkalason sa tingga ay ang lead-based na pintura na ginamit sa mga bahay noong wala pang mga batas na ipinatutupad para dito. Sa Estados Unidos lamang, tinatayang 38 milyong bahay​—40 porsiyento ng lahat ng bahay​—ang ginamitan ng pinturang may tingga. Ang nababakbak na pintura o ang alikabok ng tingga kapag nagkukumpuni ng bahay ay makakasamâ sa kalusugan.

Maraming matatanda nang lunsod at bahay ang may mga tubo ng tubig na gawa sa tingga o yari sa tanso na hininang ng tingga. Iminumungkahi ng Mayo Clinic, isang kilalang pagamutan sa Estados Unidos, na dapat munang patuluin nang 30 hanggang 60 segundo ang tubig mula sa mga tubong iyon bago ito inumin. Hindi dapat inumin o gamitin sa pagkain ang mainit na tubig mula sa mga tubong iyon​—lalo na sa pagtimpla ng gatas ng sanggol.

Malaki ang ibinababa ng antas ng tingga sa dugo ng isa kapag hindi na siya nakahantad sa tingga. Kung gustong malaman ng isa ang antas ng tingga sa kaniyang dugo, puwede siyang magpa-blood test. Dapat magpatingin sa doktor kapag mataas ang antas ng tingga sa kaniyang dugo.

Babala sa Publiko

Maaaring malason ng tingga ang isa kapag naipon na ang tingga sa kaniyang katawan. Pero puwede rin itong makamatay kahit isang beses lang itong makain o masinghot​—kung marami ito. Iniulat ng U.S. Centers for Disease Control na noong 2006, isang batang apat na taóng gulang ang namatay dahil nakalunok siya ng piraso ng alahas na gawa sa metal na may mataas na antas ng tingga.

Para sa kaalaman ng publiko, binanggit ng isang ensayklopidiya sa medisina na, sa kasalukuyan, 1 sa bawat 20 bata sa Estados Unidos na hindi pa nag-aaral ang may mataas na antas ng tingga sa kaniyang dugo. Kung totoo iyan sa isang bansang kontrolado ng batas ang paggamit ng tingga, paano pa kaya sa mga bansang walang ganitong batas? Oo, lahat ay dapat mag-ingat!

[Talababa]

a Ang mga adulto ay maaari ding malason sa tingga, na nagdudulot ng pananakit ng kasukasuan at kalamnan, diperensiya sa nerbiyo, o problema sa memorya at konsentrasyon.

[Kahon/Larawan sa pahina 29]

ILANG SINTOMAS NA NALALASON NA NG TINGGA ANG BATA

Nananakit ang tiyan, agresibo, anemik, hiráp magpokus, hiráp dumumi, madaling mapagod, nananakit ang ulo, iritable, mabagal matuto, nanghihina, walang ganang kumain, mabagal lumaki.​—MEDLINE PLUS MEDICAL ENCYCLOPEDIA.