Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Sekreto 4: Paggalang

Sekreto 4: Paggalang

Sekreto 4: Paggalang

“Ang lahat ng . . . hiyawan at mapang-abusong pananalita ay alisin mula sa inyo.”​—Efeso 4:31.

Ano ito? Ang lahat ng pamilya​—magulo man o maligaya​—ay may mga di-pagkakasundo. Pero sa maligayang pamilya, pinag-uusapan nila ito nang walang pang-iinsulto o masasakit na salita. Nakikitungo sila sa isa’t isa gaya ng kung ano ang gusto nilang pakikitungo sa kanila.​—Mateo 7:12.

Bakit ito mahalaga? Ang mga salita ay puwedeng makasakit at mag-iwan ng pilat sa damdamin ng isa. Sinasabi sa isang kawikaan sa Bibliya: “Mabuti pa ang tumira sa isang ilang kaysa kasama ng asawang magalitin at palaaway.” (Kawikaan 21:19, Ang Biblia​—Bagong Salin sa Pilipino) Tungkol naman sa pagpapalaki ng anak, ganito ang sinasabi ng Bibliya: “Huwag ninyong yamutin ang inyong mga anak, upang hindi sila masiraan ng loob.” (Colosas 3:21) Baka madama ng mga batang laging pinupuna na wala na silang nagawang mabuti, at baka nga tuluyan na silang sumuko.

Subukin ito. Tingnan kung talagang nagpapakita ng paggalang ang mga miyembro ng iyong pamilya. Gamitin ang sumusunod na mga tanong.

Kapag may mga di-pagkakasundo sa pamilya ko, madalas bang may napupunô sa galit at basta na lang tumatalikod?

Kapag kausap ko ang aking asawa at mga anak, gumagamit ba ako ng mga salitang nakakainsulto gaya ng “inutil,” “bobo,” at iba pang tulad nito?

Masakit bang magsalita ang mga tao sa lugar na kinalakhan ko?

Ang dapat gawin. Mag-isip ng isa o dalawang bagay na puwede mong gawin para maipakitang iginagalang mo ang kausap mo. (Mungkahi: Isangkot ang sarili mo sa halip na sisihin siya. Halimbawa, maaari mong sabihin, “Nasaktan ako nang . . . ,” sa halip na “Lagi ka na lang . . . ” o “Ikaw kasi . . . ”)

Bakit hindi sabihin sa iyong asawa ang (mga) plano mong gawin? Makalipas ang tatlong buwan, tanungin siya kung nagagawa mo ito.

Mag-isip ng mga magagawa mo para maiwasang makapagsalita nang masakit sa iyong mga anak.

Bakit hindi mo subukang humingi ng tawad sa iyong mga anak kapag nakapagbitiw ka ng masasakit at mapanuyang mga salita?

[Larawan sa pahina 6]

Kung paanong unti-unting natitibag ang malaking bato dahil sa mga hampas ng alon, maaari ding matibag ang pagsasama ng pamilya dahil sa masasakit na salita