Buháy na Patotoo—Ikalawang Bahagi
Buháy na Patotoo—Ikalawang Bahagi
Gaya ng ipinakikita sa “Buháy na Patotoo—Unang Bahagi,” ang mga simulain sa Bibliya ay tumutulong para maging matatag ang pamilya kapag may problema. a Ganito ang pangako ng Diyos na Jehova sa mga namumuhay ayon sa kaniyang mga pamantayan: “Pagkakalooban kita ng kaunawaan at tuturuan kita hinggil sa daan na dapat mong lakaran. Magpapayo ako habang ang aking mata ay nakatingin sa iyo.”—Awit 32:8.
Kapag may problema sa pera. Kadalasan nang pera ang ugat ng pag-aaway ng mag-asawa. Pero tumutulong ang Bibliya sa mga pamilya na maging timbang kapag may problema sila sa pera. Sinabi ni Jesus: “Huwag na kayong mabalisa tungkol sa inyong mga kaluluwa kung ano ang inyong kakainin o kung ano ang inyong iinumin, o tungkol sa inyong mga katawan kung ano ang inyong isusuot. . . . Nalalaman ng inyong makalangit na Ama na kailangan ninyo ang lahat ng mga bagay na ito.”—Mateo 6:25, 32.
Sa pahina 23, ikinuwento ni Issachar, na taga-Estados Unidos, kung paano nakaraos ang kanilang pamilya matapos wasakin ng Bagyong Katrina ang kanilang bahay.
Kapag may sakit ang isang kapamilya. Lahat ng tao ay nagkakasakit. Subalit karamihan ng sakit ay panandalian lang at madaling gumaling. Pero paano kung malala ang sakit o matagal ang gamutan? Sinasabi ng Bibliya na kayang alalayan ni Jehova ang mga nasa banig ng karamdaman. (Awit 41:1-3) Paano ginagamit ni Jehova ang pamilya para mailaan ang gayong pag-alalay?
Sa pahina 24, ikinuwento ni Hajime, na taga-Hapon, kung paano sila nagtulungan ng kaniyang mga anak para maalagaan ang kaniyang asawang si Noriko, na may nakapanlulumong sakit.
Kapag namatayan ng anak. Ang pagkamatay ng anak ay isa sa pinakamasakit na trahedyang maaaring mangyari sa isang pamilya. Nangangako si Jehova na aalisin niya ang mga luha’t kirot na dulot ng gayong napakasakit na pangyayari. (Apocalipsis 21:1-4) Ngayon pa lamang ay naglalaan na siya ng kaaliwan sa mga nagdadalamhati.—Awit 147:3.
Sa pahina 25, inilahad nina Fernando at Dilma, na taga-Estados Unidos, kung paano sila napalakas ng Bibliya nang mamatay ang kanilang anak na sanggol.
Ang Bibliya ay isang maaasahang gabay para sa mga pamilyang nagkakaproblema, gaya ng ipinakikita sa sumusunod na mga pahina.
[Talababa]
a Tingnan ang pahina 14-17 ng magasing ito.
[Kahon/Mga larawan sa pahina 23]
Kapag May Problema sa Pera
Ayon sa salaysay ni Issachar Nichols, Estados Unidos
“Winasak ng Bagyong Katrina ang bahay namin, at sahig lang ang natira. Isa’t kalahating buwan na lubog sa baha ang paaralan kung saan ako nagtuturo.”
TAG-ARAW noon ng 2005. Kami ng asawa kong si Michelle, kasama ang dalawang-taóng-gulang naming anak na si Sydney, ay nakatira sa Bay St. Louis, Mississippi, E.U.A. Bilang Saksi ni Jehova, tunguhin namin ni Michelle na maging abala hangga’t maaari sa ministeryong Kristiyano. Nagtuturo ako sa isang vocational school, malapit sa New Orleans, Louisiana. Tatlong araw lang ang trabaho ko kada linggo, kaya apat na araw ang nagagamit ko sa pagtuturo sa iba tungkol sa Bibliya. Ang ganda na sana ng takbo ng buhay namin. Kaso, dumating ang balita na paparating ang Bagyong Katrina. Agad kaming lumikas.
Nawasak ng bagyo ang bahay namin sa Bay St. Louis, pati na ang paaralan sa New Orleans kung saan ako nagtuturo. Sa tulong ng insurance at ng ibinibigay ng gobyerno, nakakuha kami ng matitirhan. Gayunman, hirap akong makahanap ng mapagkakakitaan. Bukod diyan, nagkasakit ang asawa ko dahil sa kontaminadong tubig. Humina ang resistensiya ni Michelle, at tinamaan siya ng West Nile virus dahil sa kagat ng lamok. Kasabay nito, lumaki ang mga gastusin at tumaas ang halaga ng insurance.
Para makaraos, natuto kaming magtipid, kahit sa mga bagay na kailangan namin. Hindi rin ako naging mapili sa trabaho.
Aminado akong hindi madaling mawalan ng mga ari-arian. Pero nagpapasalamat kami at kami’y buhay. Ipinakikita lamang ng aming karanasan na talagang hindi maaasahan ang materyal na mga bagay. Naalaala tuloy namin ang pananalita ni Jesus: “Kahit na may kasaganaan ang isang tao ang kaniyang buhay ay hindi nagmumula sa mga bagay na tinataglay niya.”—Lucas 12:15.
Nalulungkot kami sa mga nawala sa amin, pero kung tutuusin, mas kaunti ito kung ihahambing sa iba—nawalan pa nga sila ng mahal sa buhay. Iyan ang dahilan kung bakit agad akong tumulong sa mga nasalanta, na pinalalakas sila pati na ang mga nawalan ng mahal sa buhay.
Sa pinagdaanan naming ito, naaliw kami ng Awit 102:17. Ayon dito, “babaling nga [ang Diyos na Jehova] sa panalangin ng mga sinamsaman ng lahat ng bagay, at hindi [niya] hahamakin ang kanilang panalangin.” Damang-dama ng pamilya namin ang kaniyang suporta!
[Kahon sa pahina 23]
Matapos salantain ng Bagyong Katrina at Rita ang Gulf Coast ng Estados Unidos noong 2005, ang mga Saksi ni Jehova ay nagsaayos ng 13 relief center, 9 na bodega, at 4 na imbakan ng gasolina at panggatong. Halos 17,000 boluntaryong Saksi mula sa buong Estados Unidos at sa 13 iba pang lupain ang tumulong sa mga nasalanta. Libu-libong bahay ang kanilang nakumpuni.
[Kahon/Mga larawan sa pahina 24]
Kapag May Sakit ang Isang Kapamilya
Ayon sa salaysay ni Hajime Ito, Hapon
“Libangan namin noon ang pagluluto—hanggang sa magkasakit si Noriko. Ngayon, hindi na siya makakain, makainom, ni makapagsalita man. Naka-wheelchair na lang siya at naka-respirator.”
NOONG Mayo 2006, nagsimulang mahirapan sa pagsasalita ang asawa kong si Noriko. Nahirapan na rin siyang kumain at uminom. Setyembre nang taóng iyon nang matuklasang mayroon siyang amyotrophic lateral sclerosis (ALS)—isang palala nang palalang sakit na nakakaapekto sa selula ng nerbiyo sa utak at gulugod. Sa loob lang ng apat na buwan, nagbago ang buhay namin. At umpisa pa lang iyan.
Dumating ang panahong naparalisa ang dila ni Noriko, pati na ang kanang kamay niya. Idinadaan sa tubong nakakabit sa kaniyang tiyan ang pagkain niya. Binutasan siya sa leeg para doon siya huminga, kaya hindi na siya nakapagsasalita. Alam kong hirap na hirap si Noriko dahil dati’y napakasigla niya. Kaming mag-asawa at ang dalawa naming anak ay mga Saksi ni Jehova. Lagi kaming nakikibahagi sa ministeryong Kristiyano. Ngayon, kailangan na niya ng respirator para makahinga, at lagi siyang nakahiga.
Pero hindi ito naging hadlang kay Noriko! Halimbawa, dumadalo siya sa mga pulong Kristiyano kahit na naka-respirator siya at naka-wheelchair. Humina na ang pandinig niya kaya nilalakihan ng anak namin ang isinusulat nitong nota para mabasa ito ni Noriko at makinabang siya sa pulong. Kahit kinailangang huminto ni Noriko sa buong-panahong ministeryo, patuloy pa rin siyang nagtuturo sa mga tao tungkol sa pag-asang binabanggit ng Bibliya. Gumagawa siya ng liham para sa kanila gamit ang espesyal na aparato na nakakabit sa aming computer.—2 Pedro 3:13; Apocalipsis 21:1-4.
Nagtutulungan kaming buong pamilya sa pag-aalaga kay Noriko. Naghanap ng bagong trabaho ang mga anak namin para makatulong sila sa pag-aasikaso sa bahay. Kaming tatlo ang nag-aasikaso sa mga gawaing-bahay na dating ginagawa ni Noriko.
Kung minsan, kapag tinitingnan ko si Noriko sa umaga, mukha siyang pagód. Gusto kong sabihin sa kaniya na maghinay-hinay lang. Pero gustong ibahagi ni Noriko sa iba ang mensahe ng Bibliya. Kapag inihahanda ko na ang computer, kitang-kita ko sa mga mata niya ang pananabik! Kapag gumagawa siya ng liham, gumagaan ang pakiramdam niya. Mahalaga nga pala talaga na ang bawat isa’y “laging maraming ginagawa sa gawain ng Panginoon.”—1 Corinto 15:58.
Ang karanasan ni Jason Stuart, na mayroon ding ALS, na nasa Gumising!, isyu ng Enero 2006, ay malaking tulong para hindi madepres si Noriko. Sa katunayan, kapag tinatanong siya ng mga tauhan sa ospital kung bakit napakapositibo niya, ikinukuwento ni Noriko ang karanasang iyon, at binibigyan namin sila ng kopya ng isyung iyon. Kapag nagtuturo si Noriko sa iba, talagang napapalakas siya.
Tatlumpung taon na kaming kasal ni Noriko. Pero nitong nakalipas na tatlong taon, napahalagahan ko ang mga bagay tungkol sa kaniya na hindi ko napapansin noon. Hindi ako nagsisisi na pinakasalan ko siya!
[Kahon/Mga larawan sa pahina 25]
Kapag Namatayan ng Anak
Ayon sa salaysay nina Fernando at Dilma Freitas, Estados Unidos
“Napakasakit mamatayan ng anak. Wala nang mas sasakit pa rito.”
NAMATAY ang anak naming si Precious noong Abril 16, 2006. Sampung araw pa lamang siya noon. Nang ikatlong buwan ng pagbubuntis ko, natuklasan ng mga doktor na may malubha siyang diperensiya sa puso. Makalipas ang ilang buwan, sinabi ng mga doktor na kung sakali mang maipanganak ko siya, talagang napakaliit ng tsansang mabuhay siya. Napakahirap nito para sa amin. May tatlo na kaming malulusog na anak. At hindi kami makapaniwalang mamamatay ang aming bunso.
Nang ipanganak si Precious, natuklasan ng isang mahusay na espesyalista na siya’y may Trisomy 18, isang abnormalidad sa bilang ng chromosome. Isa lamang sa bawat 5,000 sanggol ang may ganitong sakit. Talagang hindi na siya magtatagal, pero wala kaming magawa. Ang tanging magagawa namin ay manatili sa tabi niya. At iyan ang ginawa namin.
Nagpapasalamat kaming mag-anak na nakasama namin si Precious, kahit sampung araw lang. Kinarga namin siya, kinausap, niyakap, hinalikan, at kinunan ng litrato. Tinitingnan pa nga namin kung sino ang kamukha niya. Araw-araw kaming dinadalaw sa ospital ng espesyalistang tumitingin kay Precious. Lungkot na lungkot siya at umiiyak. Iginuhit pa nga niya si Precious habang kausap niya kami para daw maalaala niya ang anak namin. Binigyan niya kami ng kopya ng drowing na iyon.
Bilang Saksi ni Jehova, lubos kaming nagtitiwala sa sinasabi ng Bibliya na magiging paraiso ang lupa at bubuhaying muli ng Diyos ang mga namatay—pati na ang mga sanggol, gaya ni Precious. (Job 14:14, 15; Juan 5:28, 29) Pinananabikan namin ang araw na mahahawakan at mayayakap namin siyang muli. Sa tuwing maririnig namin ang salitang “paraiso,” napapasigla kami! Sa ngayon, gumagaan ang loob namin kapag naiisip naming aalalahanin ng Diyos si Precious at hindi na siya muling maghihirap.—Eclesiastes 9:5, 10.