Ang mga Kabataan ay Nagtatanong
Paano Ko Makokontrol ang Aking Galit?
Gaano kadalas na hindi mo makontrol ang iyong galit?
□ Hindi pa
□ Buwan-buwan
□ Linggu-linggo
□ Araw-araw
Sino ang kadalasang nagpapagalit sa iyo?
□ Wala
□ Kaeskuwela
□ Magulang
□ Kapatid
□ Iba pa
Ilarawan sa ibaba ang sitwasyon na karaniwan nang ikinagagalit mo.
□ ․․․․․
KUNG ang nilagyan mo ng ✔ ay ang “Hindi pa” at “Wala,” at wala kang sagot sa pangatlong tanong, mahusay—kontrolado mo ang iyong galit!
Pero magkakaiba ang reaksiyon ng bawat isa sa mahihirap na sitwasyon at ang lahat ay nagkakamali. Sinabi ng manunulat ng Bibliya na si Santiago: “Tayong lahat ay natitisod nang maraming ulit.” (Santiago 3:2) Sa katunayan, baka pareho kayo ng nararamdaman ng 17-anyos na si Serena. a “Naiipon ang galit ko,” ang sabi niya, “at kadalasan, sinuman ang sumunod na makainis sa akin, siya ang napagbubuntunan ko ng galit. Minsan mga magulang ko, kapatid ko, pati nga aso ko!”
Maling Akala at ang Katotohanan
Nahihirapan ka bang kontrolin ang iyong galit? Kung oo, huwag kang mag-alala, may solusyon. Pero tingnan muna natin ang ilang maling akala tungkol sa galit.
◼ Maling Akala: “Hindi ko makontrol ang galit ko—nasa dugo na namin ang pagiging mainitin ang ulo!”
Katotohanan: Sabihin na nating ‘madali kang magngalit’—siguro dahil sa impluwensiya ng pamilya, kapaligiran, o iba pang dahilan. (Kawikaan 29:22) Pero kaya mong kontrolin ang nararamdaman mo. Ang tanong ay, Kinokontrol mo ba ang iyong galit o ikaw ang kinokontrol nito? Nakokontrol ng iba ang kanilang galit, kaya magagawa mo rin ito!—Colosas 3:8-10.
Susing Teksto: “Ang lahat ng mapait na saloobin at galit at poot at hiyawan at mapang-abusong pananalita ay alisin mula sa inyo.”—Efeso 4:31.
◼ Maling Akala: “Mas mabuti nang ilabas ang lahat ng galit kaysa ipunin ito.”
Katotohanan: Ipunin man o ilabas ang galit, pareho itong makasasama sa iyong kalusugan. Siyempre pa, may panahon para ‘ibulalas’ ang iyong nadarama. (Job 10:1) Pero hindi naman ibig sabihin na para kang dinamita na puwedeng sumabog anumang oras. Mailalabas mo ang iyong galit nang hindi ka nag-iinit sa galit.
Susing Teksto: “Ang alipin ng Panginoon ay hindi kailangang makipag-away, kundi kailangang 2 Timoteo 2:24.
maging banayad sa lahat, . . . nagpipigil.”—◼ Maling Akala: “Kung ‘banayad ako sa lahat,’ aapi-apihin lang nila ako.”
Katotohanan: Mapapansin ng mga tao ang pagsisikap mong kontrolin ang iyong sarili, kaya lalo ka nilang igagalang.
Susing Teksto: “Kung posible, hangga’t nakasalalay sa inyo, makipagpayapaan kayo sa lahat ng tao.”—Roma 12:18.
Kontrolin ang Iyong Galit
Kung madaling mag-init ang ulo mo, malamang na madalas ay isinisisi mo sa iba ang galit mo. Halimbawa, nasabi mo na ba, “Siya kasi, ginalit niya ako” o “Siya ang dahilan kung bakit hindi ko napigil ang galit ko”? Kung oo, ipinakikita niyan na kontrolado ng ibang tao ang emosyon mo. Paano mo ngayon kokontrolin ang sarili mo? Subukan ang sumusunod.
Aminin mong mali ka. Kailangang aminin mo muna na ikaw lamang—at wala nang iba—ang “dahilan” kung bakit ka nagagalit. Kaya alisin mo sa bokabularyo mo ang paninisi. Sa halip na sabihing, “Siya kasi, ginalit niya ako,” aminin mo, ‘Hinayaan ko kasi ang sarili ko na magalit.’ Sa halip na sabihing, “Siya ang dahilan kung bakit hindi ko napigil ang galit ko,” aminin mo, ‘Nasa akin na rin kung bakit ako nag-init sa galit.’ Kapag inamin mong mali ka, mas madali mo nang makokontrol ang iyong galit.—Galacia 6:5.
Isipin ang posibleng problema. Sinasabi ng Bibliya: “Kung may dumarating na panganib, ang matalino’y nag-iingat, ngunit di ito pansin ng mangmang kaya siya’y napapahamak.” (Kawikaan 22:3, Magandang Balita Biblia) Kaya mahalagang isipin kung ano ang posibleng maging problema. Tanungin ang iyong sarili, ‘Kailan ba mas madaling mag-init ang ulo ko?’ Halimbawa, ganito ang sinabi ng kabataang si Megan: “Panggabi ang trabaho ko, at pagod na pagod na ako pag-uwi. Iyon ang panahong kahit maliit na bagay lang ay nagagalit na ako.”
Tanong: Sa anong mga sitwasyon mas madaling mag-init ang ulo mo?
․․․․․
Pag-isipan kung ano ang mas magandang reaksiyon. Kapag nagagalit ka, huminga nang malalim, babaan ang boses mo, at magsalita nang dahan-dahan. Sa halip na magbintang (“Magnanakaw ka! Basta mo na lang kinuha ang dyaket ko!”) sikapin mong sabihin kung ano nadarama mo. (“Ang sama-sama talaga ng loob ko. Gustung-gusto kong isuot ang dyaket ko, kaso ‘hiniram’ mo pala nang walang paalam.”)
Pagsasanay: Isipin kung kailan ka huling nag-init sa galit.
1. Ano ang ikinagalit mo?
․․․․․
2. Ano ang naging reaksiyon mo? (Ano ang sinabi at/o ginawa mo?)
․․․․․
3. Ano sana ang mas magandang reaksiyon mo?
․․․․․
Isipin ang posibleng ibunga. May mga simulain sa Bibliya na makakatulong sa iyo na gawin iyan. Halimbawa:
◼ Kawikaan 12:18: “May isa na nagsasalita nang di-pinag-iisipan na gaya ng mga saksak ng tabak.” Puwedeng makasakit ang mga salita, at kapag hindi ka nakapagpigil ng galit, malamang na makapagsalita ka ng mga bagay na pagsisisihan mo sa bandang huli.
◼ Kawikaan 29:11: “Inilalabas ng hangal ang kaniyang buong espiritu, ngunit siyang marunong ay nagpapanatili nitong mahinahon hanggang sa huli.” Kung ibubuhos mo ang galit mo, magmumukha ka lang hangal.
◼ Kawikaan 14:30: “Ang pusong mahinahon ay buhay ng katawan.” Masama sa kalusugan ang galit! Sinabi ng kabataang si Anita: “Lahi kami ng mga high blood, tapos madali pa akong ma-stress, kaya iniiwasan kong mag-init sa galit.”
Ang aral? Isipin ang posibleng ibunga ng iyong mga salita at gawa. Sinabi ng 18-anyos na si Heather: “Tinatanong ko ang sarili ko, ‘Paano kaya kung hindi ko mapigil ang galit ko sa taong ito? Ano na lang ang iisipin niya sa akin? Paano na ang ugnayan namin? Kung sa akin kaya gawin iyon?’” Puwede mo rin iyang itanong sa sarili mo bago ka magsalita o magpadala ng mensahe sa pamamagitan ng sulat, telepono, instant message, text message, o e-mail.
Tanong: Ano kaya ang mangyayari kung nainis ka sa ginawa sa iyo ng isang tao at sinabihan mo siya ng masasakit na salita?
․․․․․
Humingi ng tulong. “Kung paanong pinatatalas ng bakal ang kapwa bakal, gayon pinatatalas ng isang tao ang ibang tao,” ang sabi sa Kawikaan 27:17. (Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino) Bakit hindi mo subukang tanungin ang isang may-gulang na kaibigan o ang iyong magulang kung paano nila napipigil ang kanilang galit?
Imonitor ang iyong pagsulong. Isulat sa isang notbuk o diary ang iyong pagsulong. Sa tuwing hindi mo napipigil ang iyong galit, isulat (1) kung ano ang nangyari, (2) ano ang reaksiyon mo, at (3) kung ano sana ang mas magandang reaksiyon. Darating ang panahon na ang mas magandang reaksiyon na ang una mong gagawin!
Mas marami pang artikulo mula sa seryeng “Young People Ask” ang mababasa sa Web site na www.watchtower.org/ype
[Talababa]
a Binago ang ilang pangalan sa artikulong ito.
PAG-ISIPAN
Kung minsan, nagsisiklab din sa galit, kahit ang mga taong sa tingin natin ay hindi marunong magalit. Anong aral ang matututuhan mo sa mga halimbawang ito?
◼ Moises.—Bilang 20:1-12; Awit 106:32, 33.
◼ Pablo at Bernabe.—Gawa 15:36-40.
[Kahon/Mga larawan sa pahina 18]
ANG SINASABI NG IBANG KABATAAN
“Nakakatulong sa akin ang pagsusulat sa diary o pakikipag-usap kay Nanay para maging kalmado.”—Alexis, Estados Unidos.
“Kapag masyado na akong nai-stress, naglalakad ako nang matulin sa labas. Pagkatapos, nawawala na ang init ng ulo ko at nakakapag-isip na ako nang malinaw.”—Elizabeth, Ireland.
“Kapag galit ako, tinatanong ko ang sarili ko, ‘Ano’ng mangyayari kung magsisisigaw ako?’ Naiisip ko, hindi rin naman ‘yon makakatulong!”—Graeme, Australia.
[Kahon sa pahina 18]
ALAM MO BA?
Nagagalit din ang Diyos paminsan-minsan. Pero lagi siyang makatarungan at kontrolado niya ang kaniyang emosyon. Lahat ng reaksiyon niya ay makatuwiran.—Tingnan ang Exodo 34:6; Deuteronomio 32:4; at Isaias 48:9.
[Larawan sa pahina 19]
Nasa iyo kung hahayaan mong mag-init ka sa galit