Anu-ano ang mga Hamon?
Anu-ano ang mga Hamon?
Kung ikaw ang tatanungin, mas mabigat ba ang mga hamon na napapaharap sa mga kabataan ngayon kaysa sa mga kabataan noon? Kung hindi ang sagot mo, baka iniisip mong mas masaya ang mga kabataan sa ngayon.
Sa maraming bansa, nagagamot na ngayon ang mga sakit na dati’y nagpapahirap at kumikitil sa buhay ng mga kabataan. Dahil sa makabagong teknolohiya, maraming naimbentong elektronikong kagamitan at laruan na pangarap lang ng mga kabataan noon. At dahil sa pag-unlad ng ekonomiya, milyun-milyong pamilya ang nakakaahon sa hirap. Sa katunayan, napakaraming magulang na laki sa hirap ang kumakayod nang husto mapagtapos lang ang kanilang mga anak at mabigyan ng maalwang buhay.
Totoong maraming bentaha ang mga kabataan sa ngayon. Pero napapaharap din sila sa mas mabibigat na hamon. Ang isang dahilan ay nabubuhay ngayon ang sangkatauhan sa yugto ng panahon na tinatawag ng Bibliya na “katapusan ng sistema ng mga bagay.” (Mateo 24:3) Tama ang hula ni Jesu-Kristo na sa panahong ito, magkakaroon ng matinding kaligaligan sa lipunan. (Mateo 24:7, 8) Tinatawag din ng Bibliya ang panahong ito na “mga huling araw” at sinasabing ang sitwasyon ngayon sa lipunan ay “mahirap pakitunguhan.” (2 Timoteo 3:1) Isaalang-alang ang ilan sa mahihirap na hamong napapaharap sa mga kabataan sa ngayon.
Hamon 1
May Sariling Mundo
Ipinakikita sa mga pelikula, TV, at mga magasin na ang mga kabataan ay may mga kaibigan na laging nasa tabi nila mula pagkabata hanggang sa pagtanda. Pero hindi laging ganiyan sa totoong buhay.
Matapos pag-aralan ng mga mananaliksik na sina Barbara Schneider at David Stevenson ang surbey sa libu-libong kabataan sa Estados Unidos, natuklasan nila na “iilan lamang sa mga estudyante ang nakapagpanatili ng pakikipagkaibigan sa isang indibiduwal o barkada sa loob ng mahabang panahon.” Maraming kabataan ang “hindi mahilig makipagkaibigan at
kakaunti lang ang matalik na kaibigan na madali nilang napagsasabihan ng kanilang problema o naiisip,” ang sabi ni Schneider at Stevenson.May mga kaibigan nga ang ilang kabataan, pero halos wala naman silang panahon para sa mga ito. Ayon sa isang masusing pag-aaral sa Estados Unidos, sa panahong gising ang mga tin-edyer, mga 10 porsiyento ng kanilang panahon ang ginugugol nila kasama ng kanilang mga kaibigan pero hanggang 20 porsiyento naman sa pag-iisa—mas malaki kaysa sa ginugugol nila kasama ng mga kapamilya o kaibigan. Kumakain silang mag-isa, naglalakbay nang mag-isa, at naglilibang nang mag-isa.
Lalong tumitindi ang problemang ito dahil sa pagdami ng high-tech na kagamitan. Halimbawa, noong 2006, iniulat ng magasing Time na ang mga kabataan sa Amerika na edad 8 hanggang 18 ay mga anim at kalahating oras sa isang araw na nakatutok sa TV o computer, naka-earphone, o naglalaro ng mga video game. a
Ang mga kabataan noon ay mahilig din naman sa musika o laro. (Mateo 11:16, 17) Pero iba ang mga kabataan ngayon—inuubos nila ang kanilang oras sa high-tech na kagamitan sa halip na makihalubilo sa kanilang pamilya at maaari itong makasamâ sa kanila. Isinulat nina Schneider at Stevenson: “Sinasabi ng mga kabataan na mas mababa ang tingin nila sa kanilang sarili, na hindi sila gaanong masaya, na kontento na sila sa kaunting nagagawa, at matamlay sila kapag nagsosolo.”
Hamon 2
Panggigipit na Makipag-sex
Ang mga tin-edyer, kahit ang mga bata, ay napapaharap sa matinding panggigipit na makipag-sex. Sinabi ni Nathan, isang kabataan sa Australia: “Karamihan sa mga kakilala ko sa eskuwela, 12 hanggang 15 anyos pa lang, nakikipag-sex na.” Isang kabataang babae naman na taga-Mexico na nagngangalang Vinbay ang nagsabi na karaniwan na lang sa mga kabataan sa kanilang eskuwela ang pakikipag-sex kung kani-kanino. “Weird ang tingin sa mga hindi nakikipag-sex,” ang sabi niya. “Halos lahat ng kaedad ko, nakikipag-sex kahit kanino, kaya kukulitin ka talaga nila,” ang sabi ni Ana, 15-anyos na taga-Brazil. “Kailangan mong paulit-ulit na tumanggi.”
Sinurbey ng mga mananaliksik sa United Kingdom ang isang libong kabataan na edad 12 hanggang 19 na may iba’t ibang pinagmulan. Natuklasan
nila na halos 50 porsiyento ng mga kabataan ay madalas na nasasangkot sa seksuwal na gawain. Mahigit 20 porsiyento ng mga kabataang ito ay 12 anyos lang! Sinabi ni Dr. Dylan Griffiths, na nangasiwa sa pananaliksik: “Humina na ang dating impluwensiya ng pamilya, Simbahan at iba pang institusyon. At ang mga kabataan ang kawawa.”“Kawawa” nga ba ang mga kabataang nag-eeksperimento sa sex? Sa report na inilathala noong 2003, nakita ng mga mananaliksik na sina Rector, Noyes, at Johnson na may koneksiyon ang seksuwal na gawain ng mga tin-edyer sa depresyon at pagpapakamatay. Pinag-aralan nila ang interbyu sa 6,500 tin-edyer at natuklasan nila na “ang mga kabataang babaing nakikipag-sex ay mahigit tatlong ulit na mas malamang na dumanas ng depresyon kaysa sa mga kabataang babaing hindi nakikipag-sex.” At ang mga kabataang lalaki naman na “nakikipag-sex ay mahigit dalawang ulit na mas malamang na dumanas ng depresyon kaysa sa mga hindi nakikipag-sex.”
Hamon 3
Wasák na Pamilya
Nararanasan ng mga kabataan sa Estados Unidos ang mabilis na pagbabago sa kaayusan ng pamilya at pamantayan ng lipunan. “Nitong nakalipas na mga dekada, nagkaroon ng malalaking pagbabago sa demograpiya na tuwirang nakakaapekto sa buhay ng mga tin-edyer,” ang sabi ng aklat na The Ambitious Generation—America’s Teenagers, Motivated but Directionless. “Lumiliit ang bilang ng mga miyembro ng karaniwang pamilya sa Amerika, kaya mas malamang na kaunti lamang ang kapatid ng mga kabataan. Palibhasa’y dumarami ang nagdidiborsiyo, mas maraming bata ang lumalaking iisa ang magulang. At mas maraming ina ng mga batang wala pang disiotso anyos ang nagtatrabaho, kaya malamang na walang adultong naiiwan sa bahay.”
Isa man o dalawa ang magulang na kasama ng mga kabataan sa bahay, pakiramdam ng marami ay wala silang magulang sa panahong kailangang-kailangan nila ang mga ito. Isang pag-aaral ang isinagawa sa 7,000 tin-edyer sa loob ng ilang taon. Sinasabi ng karamihan sa kanila na mapagmahal at mabait ang kanilang mga magulang. Pero “sangkatlo lamang ang nagsabi na nabibigyan sila ng atensiyon at tulong kapag may problema sila.” Ipinakikita rin ng pag-aaral na “para sa karamihan ng mga kabataan, laging wala ang kanilang mga magulang kapag may problema sila.”
Sa Hapon, humihina ang dating matibay na buklod ng pamilya dahil sa paghahangad na yumaman. Sinabi ni Yuko Kawanishi, propesor ng sosyolohiya: “Marami sa mga magulang ng mga kabataan sa ngayon ang ipinanganak . . . pagkatapos ng [Digmaang Pandaigdig II] at lumaki sa panahong puro pagpapayaman ang pinagtutuunan ng pansin ng mga tao.” Anong kaisipan ang ipinapasa ng mga magulang na ito sa kanilang mga anak? “Ang pinakaimportante sa maraming magulang ngayon ay manguna sa klase ang kanilang mga anak,” ang sabi ni Kawanishi. “Basta nag-aaral ang kanilang mga anak,” ang sabi pa niya, “ang iba pang bagay sa tahanan ay nagiging pangalawahin na lang, o hindi na mahalaga.”
Ano ang epekto sa mga kabataan ng gayong sobrang pagdiriin sa pagpapayaman at pangunguna sa klase? Sa Hapon, madalas banggitin ng media ang kireru—salitang ginagamit para ilarawan ang mga kabataan na biglang nagwawala dahil sa dami ng inaasahan sa kanila. “Kapag nagwawala ang mga bata,” ang sabi ni Kawanishi, “malamang na ito’y dahil sa iniisip nila na walang pakialam ang kanilang pamilya sa ginagawa nila.”
Dahilan Para Maging Positibo
Talagang nabubuhay tayo sa “mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan.” (2 Timoteo 3:1) Pero hindi lamang basta inihula ng Bibliya ang matitinding problemang mapapaharap sa mga tao sa panahong ito.
Ang Bibliya ay nagbibigay ng praktikal na payo kung paano mas mapapabuti ng mga kabataan ang kanilang buhay. Gustung-gusto ng Diyos na Jehova, ang Awtor ng Bibliya, na turuan ang mga kabataan kung paano makakayanan ang mga hamon. (Kawikaan 2:1-6) Gusto niyang magkaroon sila ng magandang buhay. Ang kaniyang Salita ay makapagbibigay ng “katalinuhan sa mga walang-karanasan, ng kaalaman at kakayahang mag-isip sa kabataan.” (Kawikaan 1:4) Tingnan kung paano makakatulong ang mga simulain ng Bibliya.
[Talababa]
a Sa dami ng mga kabataan sa Hapon na nagkukulong sa kuwarto, nakabuo sila ng termino para sa mga ito, ang hikikomori. Tinataya ng ilan na mga 500,000 hanggang 1,000,000 ang hikikomori sa Hapon.
[Blurb sa pahina 5]
Ayon sa isang pag-aaral, ang mga kabataang babaing nakikipag-sex ay tatlong ulit na mas malamang na dumanas ng depresyon kaysa sa mga kabataang babaing hindi nakikipag-sex
[Kahon/Larawan sa pahina 6]
Ipinapahamak ang Sarili
Ipinakikita ng isang report ng gobyerno noong 2006 na sa Britanya, ang bilang ng mga kabataang edad 11 hanggang 15 na gumagamit ng cocaine ay nadoble sa loob ng isang taon. Mga 65,000 kabataan ang nagsabing gumamit na sila ng cocaine. Sa Holland, mahigit 20 porsiyento ng mga kabataang edad 16 hanggang 24 ang masasabing alkoholiko na o may sakit na dahil sa alkohol.
Tuwiran namang sinasaktan ng maraming kabataan ang kanilang sarili para ilabas ang kanilang sama ng loob. Hinihiwa nila, kinakagat, o pinapaso ang kanilang sarili. “Tinatayang tatlong milyong Amerikano ang nananakit sa sarili, at nakagawian nang saktan ng isa sa bawat 200 tin-edyer ang kanilang sarili,” ang sabi ng mga mananaliksik na sina Len Austin at Julie Kortum.
[Larawan sa pahina 3]
Maraming kabataan ang walang matalik na kaibigang mapagsasabihan nila ng kanilang niloloob