Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Albarracín—Kakaibang “Pugad ng Agila”

Albarracín—Kakaibang “Pugad ng Agila”

Albarracín​—Kakaibang “Pugad ng Agila”

“Pasyalan ang isa sa pinakamagagandang bayan sa Espanya, pasyalan ang Albarracín.”​—José Martínez Ruiz, Kastilang manunulat na kilala rin bilang Azorín, 1873-1967.

ANG Albarracín ay bukod-tangi. Bakit? Una dahil sa heograpiya, ikalawa dahil sa kasaysayan, at panghuli dahil sa kagandahan nito. Kaya naman noong 1961, idineklara ng pamahalaan ng Espanya ang maliit na bayang ito sa lalawigan ng Teruel bilang mahalagang bahagi ng kasaysayan at kultura ng bansa. At noong 2005, napili ng isang grupo ng mga eksperto sa turismo ang Albarracín bilang “ang pinakamagandang bayan sa Espanya.”

Ang Albarracín, na matatagpuan sa kabundukan sa sentro ng Espanya, ay isang matandang bayan na may mga 1,000 residente. Napalilibutan ito ng luntiang mga parang na malapit sa mga ilog at kabundukan na may gayunding pangalan​—Sierra de Albarracín.

Mapagkukunan ng Tubig at Pagkain

Noong unang panahon, maraming nahuhuling hayop dito na puwedeng kainin, kaya maraming taong naakit manirahan dito. Makikita sa nakaguhit na mga larawan sa kuweba na ang mga nanirahan doon ay magagaling na dalubsining at mapagmasid sa kalikasan. Gumuhit sila ng maraming malalaking toro at iba pang hayop na nilagyan nila ng puting pangkulay, na dito lamang sa lugar na ito makikita. Sinasabi ng mga iskolar na ang mga kuwebang ito, na may mga larawan tungkol sa karaniwang buhay noon, ay ginamit para sa relihiyoso at sosyal na mga pagtitipon.

Kahit sa ngayon, marami pa ring usa, baboy-ramo, at iba pang maliliit na hayop sa kalapít na reserbasyon ng Montes Universales. At ang Guadalaviar (salitang Arabe para sa “Puting Ilog”) ay isa sa mga ilog sa Espanya na namumutiktik sa isdang trout.

Noong 133 B.C.E., tinalo ng mga Romano ang mga tribong Celtiberian at nagtayo ng mga nayon sa rehiyon ng Albarracín. Noong unang siglo C.E., gumawa ang mga Romanong inhinyero ng 18-kilometrong paagusan (1). Sinasabing isa ito sa pinakakomplikadong proyekto ng pamahalaan ng Roma sa Espanya. May bakas din ng relihiyon ng Roma sa lugar na ito. Ang ukit sa isang lapidang istilong Romano na nakita sa bayan ng Albarracín ay nagpapahiwatig na isinagawa rito noon ang pagsamba sa emperador.

Kasaganaan sa Ilalim ng Pamamahala ng mga Muslim

Sinakop ng mga Moro ang rehiyong ito noong ikasiyam na siglo, at pinaniniwalaang galing ang pangalang Albarracín sa pangalan ng mga Muslim na nanirahan dito, ang mga Banu Razin, lahi ng mga Berber. Noong Edad Medya, ang mga Moro, Judio, at ang tinatawag na mga Kristiyano ay magkakasamang namumuhay nang may kapayapaan. Kaya ito ang pinakamasaganang yugto sa kasaysayan ng Albarracín.

Nakagawa ang mga artisano ng Albarracín ng magagandang obra, at may katibayan na masulong din ang medisina rito noon. Ipinahihiwatig ng nahukay ritong mga kagamitang pang-opera na ang mga siruhano roon ay nag-opera pa nga ng mga katarata. Namahala ang mga Muslim sa Albarracín hanggang sa pagtatapos ng ika-12 siglo nang malipat sa mga Romano Katoliko ang kapangyarihan. Kapansin-pansin na parang ito lamang ang tanging pagkakataon sa kasaysayan ng Espanya na naganap ang gayong pulitikal na pagbabago sa mapayapang paraan.

Ano ang hitsura ng Albarracín sa ngayon? Kapag namasyal dito, makikita pa rin ng mga panauhin ang hitsura ng sinaunang bayan dahil wala namang itinayo ritong modernong mga gusali.

Isang Napakagandang Tanawin

Ayon sa Kastilang pilosopo na si José Ortega y Gasset (1883-1955), ang Albarracín ay isang napakagandang tanawin sa taluktok ng burol. Angkop naman ang paglalarawang ito dahil ang bayan ay nasa ibabaw ng batong-bundok na mga 1,200 metro ang taas sa kapantayan ng dagat at napapalibutan ng matarik na bangin, na nagsisilbing pandepensa. Ang likas na tanggulang ito ang naging proteksiyon ng bayan sa loob ng maraming siglo, kaya naman binansagang Pugad ng Agila ang Albarracín.

Habang lumilibot sa makitid na mga kalye na nalalatagan ng bato, makikita ng mga bisita ang napakagandang arkitektura noong sinaunang panahon. Ang ilan sa pinakamagagandang halimbawa ay ang Corner Balcony, ang Blue House (2), at ang Julianeta House (3). Ang huling nabanggit ay parang naninimbang sa pagitan ng magkakrus na kalye.

Ang mga bahay roon noong araw ay yari sa kahoy at palitada, mga materyales na mas magaan kaysa bato​—tamang-tama sa pagtatayo sa tuktok ng burol. Nagagandahan din ang mga bisita sa kanilang maliliit na bintanang may kurtinang lace at rehas na bakal (4). Kapansin-pansin din ang magkakatapat at nagpapang-abot na medya-agwa ng mga bahay, balkonaheng yari sa kahoy na may inukit na mga disenyo, at kakaibang pangkatok ng pinto na kadalasa’y hugis ng hayop ang disenyo.

Dapat iwasan ng mga may sakit na vertigo na tumingin sa ibaba kapag namamasyal sa mga bahay na parang nakabitin. May mga nagtayo kasi ng kanilang bahay sa gilid mismo ng bangin dahil maliit lamang ang bayan at nasa ibabaw ito ng nakaungos na bato.

Isang kastilyo ng mga Moro ang nasa tuktok ng burol, na dating sentro ng Albarracín. Ang Torre del Andador ay bahagi ng pader na itinayo ng mga Arabo noong ikasampung siglo. Noong ika-16 na siglo naman, itinayo ang katedral na istilong Gothic at ang munisipyo na hugis-U, na may paarkong mga portiko.

Likas na Yaman sa Albarracín

Mawiwili rin sa Albarracín ang mahihilig sa likas na tanawin. Napakarami at sari-sari ang mga halaman at hayop sa kabundukan dito. Dagdag pa sa kagandahan ng mapunong kabundukan ang mga bukal at talon. At ang mga nagkakamping dito ay masisiyahan sa pagmamasid sa kaakit-akit na mga bituin sa gabi.

May mga pamilyang Saksi ni Jehova na nakatira dito. Ang magandang kapaligirang tinitirhan nila ay nagpapaalaala sa kanila sa pangako ng Bibliya na sa ilalim ng Kaharian ng Diyos, ang buong lupa ay magiging paraiso na titirhan ng masunuring mga tao. Ito ang mabuting balita na sinisikap nilang ibahagi sa iba.​—Awit 98:7-9; Mateo 24:14.

Taun-taon, mahigit sandaang libong turista ang namamasyal sa makikitid na kalye ng Albarracín. Kung pupunta ka ng Espanya, subukan mong pasyalan ang pambihirang “pugad ng agila” sa gitna ng kabundukan.

[Kahon/Mga larawan sa pahina 18]

MAGAGANDANG GAWANG-SINING​—NATUKLASAN SA ALBARRACÍN

Pilak na lalagyan ng pamahid. Ipinasadya ito ng Morong hari na si Abdelmelic para sa kaniyang asawang si Zahr, na nangangahulugang “Bulaklak” sa wikang Arabe. Ang lalagyang ito ay may gintong inskripsiyon na ganito ang mababasa: “Walang-hanggang pagpapala . . . , tulong ng Diyos, at patnubay para sa kabutihan at katarungan.” Sinasabing isa ito sa pinakamagandang pilak na gawang-sining ng mga Espanyol at Arabe.

Nililok na isda mula sa batong kristal. Ang isda ay parang may kaliskis. Mayroon itong pilak na bibig at gintong palikpik. Nilagyan din ito ng perlas at rubi. Napakasinsin ng pagkakaukit dito kaya sinasabi ng mga eksperto na hindi ito kayang tapusin ng nag-iisang eskultor sa buong buhay niya.

[Credit Lines]

Jar: Museo de Teruel. Foto Jorge Escudero; crystal: Sta. Ma de Albarracín Foundation

[Mapa sa pahina 16]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

PORTUGAL

ESPANYA

MADRID

Albarracín

[Larawan sa pahina 17]

1 Paagusan

[Mga larawan sa pahina 18]

2 Blue House

3 Julianeta House

4 Rehas na bakal

[Picture Credit Line sa pahina 17]

© Ioseba Egibar/age fotostock