Plovdiv—Modernong Lunsod na Napakatanda Na
Plovdiv—Modernong Lunsod na Napakatanda Na
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA BULGARIA
ANG Plovdiv ay mas matanda pa sa Roma, Cartago, o Constantinople. Mga 350,000 katao ang nakatira sa lunsod na ito. Saklaw nito ang pitong burol sa gawing timog-sentral ng Bulgaria.
Kung maglalakad ka sa sinaunang mga kalye nito, makikita mo ang napakaraming ebidensiya ng makulay pero maligalig na kasaysayan ng lunsod. Makikita rito ang malalaking gusaling itinayo ng mga taga-Tracia, kinatatakutang mga tao na nabuhay daan-daang taon bago ang Karaniwang Panahon, pati na ang mga haliging itinayo ng mga Griego, mga Romanong teatro, at tore ng mga Turko.
Ang “Pinakamaganda sa Lahat ng Lunsod”
Ipinakikita ng mga tuklas sa arkeolohiya sa loob at palibot ng lunsod na may mga nakatira na rito bago pa ang 1000 B.C.E. Isinulat ng Romanong istoryador na si Ammianus Marcellinus na bago pa ang ikaapat na siglo B.C.E., isang nakukutaang pamayanan ng mga taga-Tracia na tinatawag na Eumolpias ang makikita sa lugar na kinaroroonan ng Plovdiv. Noong 342 B.C.E., ang Eumolpias ay sinakop ni Philip II ng Macedonia, ama ni Alejandrong Dakila. Binago ni Philip ang pangalan ng lunsod at ginawang Philippopolis.
Nang makontrol ng mga Romano ang lunsod noong 46 C.E., tinawag nilang Trimontium ang lunsod at ginawa itong kabisera ng Tracia. Gustung-gustong sakupin ng mga Romano ang lunsod na ito dahil bumabagtas dito ang Via Diagonalis, isang mahalagang sangandaan sa rehiyon
ng Balkan. Nagtayo rito ang mga Romano ng istadyum, ampiteatro (makikita sa itaas), mga paliguan, at iba pang mga gusali na istilong Romano.Inilarawan ni Lucian ng Samosata ang likas na kagandahan ng lunsod na ito na sumasaklaw sa tatlong burol sa may paanan ng Kabundukan ng Rhodope. (Tingnan ang kahon na “Lunsod ng Pitong Burol” sa pahina 18.) Malapit ito sa Ilog Maritsa at sa mabungang kapatagan ng Tracia. Isinulat ni Lucian na ang Trimontium ang “pinakakahanga-hanga at pinakamaganda sa lahat ng lunsod!”
Matapos humina ang Roma noong panahon ng tinatawag na Panahon ng Kadiliman, tinirhan ng mga Slav ang lunsod. Nang sumunod na mga siglo, apat na beses na nilusob at pinagnakawan ng mga krusado ang bayan. Pagkatapos, noong ika-14 na siglo, bumagsak sa kamay ng mga Turko ang lunsod. Ginawa nilang Philibé ang pangalan ng lunsod at hawak nila ito hanggang 1878. Ang Moske ng Jumaia pati na ang tore at sundial nito ang tagapagpaalaala ng panahong iyon.
Nang talunin ng Russia ang Turkey noong 1878, pinalitan nila ng Plovdiv ang pangalan ng lunsod. Biglang umunlad ang lunsod noong 1892 nang ganapin dito ang isang eksibit ng iba’t ibang mga produkto. Mula noon, naging sentro ng kalakalan sa Bulgaria ang Plovdiv. Noong ikalawang
digmaang pandaigdig, sandaling nakontrol ng mga Nazi ang lunsod pero natalo sila ng mga Sobyet noong 1944. Pagkatapos, noong 1989, bumagsak ang Unyong Sobyet kaya muling nakalaya ang Plovdiv sa kamay ng isang makapangyarihang imperyo. Maaaring maganda naman ang intensiyon ng ilan sa mga sumakop sa Plovdiv; pero hindi rin sila perpekto gaya ng ibang pamahalaan ng tao.Nakarating sa Plovdiv ang Mabuting Balita
Noong 1938, isang lokal na korporasyon na tinatawag na Nabludatelna Kula (Watch Tower) ang itinatag at inirehistro. Naglilimbag ito at namamahagi ng Bibliya at mga literatura sa Bibliya sa Bulgaria. Kahit na inuusig ng pamahalaang Komunista, nagpatuloy pa rin ang mga Saksi ni Jehova sa pagsasabi sa mga taga-Plovdiv tungkol sa mabuting balita na malapit nang mamahala sa lupa ang isang perpektong makalangit na pamahalaan. (Mateo 24:14) Positibo ang tugon ng ilan sa mensahe. Sa ngayon, mahigit 200 ang naninindigan sa panig ni Jehova sa Plovdiv, at sila ang bumubuo sa dalawang kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova roon.
Karamihan sa mga Saksing ito ay taga-Bulgaria. Pero gaya ng mga sumakop noon sa lunsod na ito na iba’t ibang lahi, ang mga Saksi roon ay galing din sa iba’t ibang bansa. May mga galing sa Amerika, Britanya, Canada, Italya, Moldova, at Poland. Sama-sama silang nangangaral tungkol sa perpektong pamamahala sa hinaharap. Sa panahong iyon, hindi lamang ang mga taga-Plovdiv kundi pati na ang mga tao sa buong daigdig ang makadarama ng katiwasayan, “ang bawat isa sa ilalim ng kaniyang punong ubas at sa ilalim ng kaniyang puno ng igos, at walang sinumang magpapanginig sa kanila.”—Mikas 4:4.
[Kahon/Larawan sa pahina 18]
“LUNSOD NG PITONG BUROL”
Hindi kaagad makikita ng mga dumadayo ngayon sa lunsod ng Plovdiv ang kilalang pitong burol, o tepe, gaya ng tawag dito. Sandaang taon na ang nakalilipas, ang isa sa mga burol, ang Markovo Tepe, ay pinatag dahil sa pag-unlad ng lunsod. Naroroon pa rin ang anim na burol na nagsisilbing tahimik na saksi sa nakalipas ng Plovdiv.
Tatlo sa mga burol ang madaling makikita ng mga dumadayo rito: ang Bunardjik Tepe, Djendem Tepe, at Sahat Tepe, na binigyan ng gayong pangalan ng mga Turko dahil sa toreng may orasan na itinayo sa burol na ito. Saklaw ng Trimontium, na siyang tawag ng mga Romano sa Plovdiv, ang tatlo pang burol: ang Djambaz Tepe, ang pinakamalaki at pinakamataas na burol; Taksim Tepe; at Nebet Tepe, na sa Turkiyano ay nangangahulugang “Bantay na Burol.”
Makikita sa Trimontium ang pinakamatatandang istraktura sa Plovdiv, gaya ng sinaunang mga guho at pader ng Philippopolis, pati na ang Romanong teatro na ginagamit pa rin ngayon. Sa kahabaan ng lansangang nalalatagan ng malalapad na bato, kapansin-pansin na maayos pa rin ang mga bahay na itinayo noong Bulgarian National Revivalist era.
[Credit Line]
© Caro/Andreas Bastian
[Mapa sa pahina 16]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
BULGARIA
SOFIA
Plovdiv
[Picture Credit Lines sa pahina 17]
Top: © Wojtek Buss/age fotostock; bottom: David Ewing/Insadco Photography/age fotostock