Ang mga Kabataan ay Nagtatanong
Paano Ko Mababadyet ang Panahon Ko?
“May narinig akong nagbiro na kung gusto mo raw dumating ako nang alas kuwatro, dapat sabihan mo akong pumunta nang alas tres. Noon ko napag-isip-isip na kailangan kong ibadyet nang mabuti ang panahon ko!”—Ricky. a
GAANO karaming karagdagang oras ang kailangan mo sa maghapon? Saan mo gagamitin ang ekstrang oras na iyon?
□ Sa mga kaibigan
□ Sa pagtulog
□ Sa pag-aaral
□ Sa pag-eehersisyo
□ Iba pa ․․․․․
Maganda nga sana kung mayroon pang karagdagang oras sa maghapon, pero imposible ’yan! Kaya ano ang puwede mong gawin? Nakita ng maraming kabataan na nakatulong sa kanila ang pagbabadyet ng panahon para magkaroon sila ng ekstrang oras na kailangang-kailangan nila. Napansin din nila na ngayong nababadyet na nila ang kanilang panahon, nabawasan ang kanilang stress, tumaas ang kanilang grade, at lumaki ang tiwala sa kanila ng kanilang mga magulang. Tingnan natin kung paano makakatulong sa iyo ang pagbabadyet ng panahon.
Hamon #1 Mag-iskedyul
Hadlang. Baka naiisip mo pa lang mag-iskedyul, parang nasasakal ka na! Gusto mong kumilos nang malaya, at ayaw mong nakatali ka sa iskedyul.
Kung bakit kailangan mo pa ring gawin. Sumulat si Haring Solomon: “Ang mga plano ng masikap ay tiyak na magdudulot ng kapakinabangan.” (Kawikaan 21:5) Talagang abalang tao si Solomon. Isa siyang asawa, ama, at hari—malamang bago pa siya mag-20 anyos! At sa paglipas ng panahon, lalo pang naging abala ang buhay niya. Gaya niya, abala ka rin sa ngayon. Pero malamang na mas maging abala ka habang nagkakaedad ka. Mas maganda kung matuto ka nang mag-iskedyul ngayon!
Kung ano ang sinasabi ng ibang kabataan. “Mga anim na buwan na akong may sinusunod na iskedyul. Gusto ko kasing maging mas maayos ang mga bagay-bagay, at malaking tulong ang pag-iiskedyul!”—Joey.
“Nakakatulong ang listahan para masunod ko ang iskedyul ko. Kapag may iba pa akong kailangang gawin, isinusulat namin iyon ni Nanay para malaman kung paano namin matutulungan ang isa’t isa na maabot ang aming mga tunguhin.”—Mallory.
Kung ano ang makakatulong sa iyo. Isip-isipin ito: Ipagpalagay nang magbibiyahe kayo. Basta na lang itinambak ng mga kapamilya mo ang kanilang bag sa loob ng sasakyan. Mukhang hindi mo
na mapagkakasya ang lahat ng gamit ninyo. Ano ang puwede mong gawin? Puwede mong ilabas ang lahat ng gamit, saka mo unahing isalansan ang malalaking bag. May mapagsisingitan ka na ngayon ng mas maliliit na bag.Ganiyan din sa buhay. Kung uunahin mong gawin ang maliliit na bagay, baka maubusan ka na ng panahon para sa mahahalagang bagay. Unahin mo ang malalaking bagay, at makikita mong napakalaki pa ng panahon mo para sa ibang bagay!—Filipos 1:10.
Anu-anong mahahalagang bagay ang kailangan mong gawin?
․․․․․
Balikan mo ngayon ang iyong sagot at pag-isipan ang priyoridad mo—lagyan ito ng numero ayon sa kahalagahan ng mga ito. Kung uunahin mo ang malalaking bagay, baka magulat ka na may panahon ka pa pala para sa maliliit na bagay. Pero tandaan, hindi mangyayari iyan kung uunahin mo ang maliliit na bagay!
Kung ano ang puwede mong gawin. Irekord sa isang planner ang mga bagay na kailangan mong unahin. O baka may iba pang makakatulong sa iyo gaya ng mga sumusunod.
□ Kalendaryo sa cellphone
□ Maliit na notbuk
□ Kalendaryo sa computer
□ Desk calendar
Hamon #2 Sumunod sa Iskedyul
Hadlang. Pag-uwi mula sa eskuwela, gusto mong magrelaks at manood ng TV nang ilang minuto. O nakaiskedyul kang mag-aral, pero may nagyaya sa iyong manood ng sine. Hindi puwedeng i-adjust ang oras ng palabas, pero puwede namang sa gabi ka na mag-aral. ‘Tutal,’ ang katuwiran mo, ‘mas nakakapag-isip ako kapag nagmamadali.’
Kung bakit kailangan mo pa ring gawin. Malamang na mas mataas ang grade mo kung hindi pagód ang isip mo kapag nag-aaral ka. Bukod diyan, hindi ba’t tensiyonado ka na sa dami ng gagawin mo? Bakit paaabutin mo pa nang hatinggabi ang pagre-review? Ano ang mangyayari sa kinaumagahan? Baka tanghaliin ka ng gising, lalo kang mai-stress, magmamadali sa pagpasok, at malamang na mahuli sa eskuwela.—Kawikaan 6:10, 11.
Kung ano ang sinasabi ng ibang kabataan. “Gustung-gusto kong manood ng TV, tumugtog ng gitara, at sumama sa barkada. Hindi naman mali ’yon; pero kung minsan, nauuna pa ito sa mas mahahalagang bagay kaya lagi akong nag-aapura sa mga ginagawa ko.”—Julian.
Kung ano ang makakatulong sa iyo. Iiskedyul hindi lamang ang mga bagay na kailangan mong gawin—isama rin ang mga bagay na gusto mong gawin. “Mas nagiging magaan sa akin na tapusin ang isang bagay dahil may pinananabikan akong gawin pagkatapos nito,” ang sabi ni Julian.
Isa pang mungkahi: Magtakda ng tunguhin, at mag-isip ng iba pang mga bagay na makakatulong para maabot mo ito. Ganito ang sabi ng 16-anyos na si Joey, na nabanggit kanina: “Gusto kong maglingkod nang buong panahon bilang guro sa Bibliya. Nakatulong sa akin ang tunguhing iyon para masunod ko ang aking iskedyul sa ngayon bilang paghahanda sa mas abalang buhay sa hinaharap.”
Kung ano ang puwede mong gawin. Anu-anong makatotohanang tunguhin ang maaari mong abutin sa susunod na anim na buwan?
․․․․․
Anong makatotohanang tunguhin ang maaari mong abutin sa susunod na dalawang taon, at ano ang kailangan mong gawin ngayon para maabot ang tunguhing iyon?
․․․․․
Hamon #3 Maging Malinis at Maayos
Hadlang. Hindi mo maintindihan kung paano makakatulong ang pagiging malinis at maayos para mabadyet mo ang iyong panahon. Bukod diyan, mas madali naman talaga kung hindi mo na aayusin ang gamit mo. Puwede mong ipagpabukas ang paglilinis ng kuwarto—o kahit hindi na! Okey lang naman sa iyo kahit makalat, kaya walang problema. Pero ganoon nga ba?
Kung bakit kailangan mo pa ring gawin. Kung malinis at maayos ang mga gamit mo, hindi mauubos ang panahon mo sa paghahanap. Magkakaroon ka pa ng kapayapaan ng isip na kailangan mo.—1 Corinto 14:40.
Kung ano ang sinasabi ng ibang kabataan. “Kung minsan, wala na akong panahong iligpit ang mga damit ko, kaya kailangan ko pang maghalungkat makita lang ang hinahanap ko!”—Mandy.
“Isang linggo kong hinanap ang pitaka ko. Inis na inis ako. Nang maglinis ako ng kuwarto, nandun lang pala.”—Frank.
Kung ano ang makakatulong sa iyo. Matapos gamitin, ibalik agad sa tamang lagayan ang mga gamit mo. Kung ganiyan lagi ang gagawin mo sa halip na hayaang matambak ang mga kalat mo, magiging mas madali ang paglilinis at hindi ka na mahihirapang maghanap.
Kung ano ang puwede mong gawin. Ugaliing maging maayos. Maging masinop sa lahat ng bagay at makikita mong giginhawa ang buhay mo.
Unti-untiin ang pag-aayos—simulan mo na ngayon! Anu-anong mungkahi sa artikulong ito ang makakatulong sa iyo?
․․․․․
Susubukan ko ang mga ito sa loob ng ․․․․․ na linggo at titingnan ko kung epektibo nga ito.
Mas marami pang artikulo mula sa seryeng “Young People Ask” ang mababasa sa Web site na www.watchtower.org/ype
[Talababa]
a Binago ang mga pangalan sa artikulong ito.
PAG-ISIPAN
◼ Ilang oras ang kailangan mong tulog para nasa kondisyon ka sa maghapon?
◼ Sino ang makakatulong sa iyo sa paggawa ng iskedyul?
◼ Kung dati ka nang may iskedyul, anu-anong pagbabago ang kailangan mong gawin?
[Kahon/Larawan sa pahina 20, 21]
Sa isang linggo, ganito ginagamit ng mga kabataang edad 8 hanggang 18 ang kanilang oras:
17
kasama ng kanilang mga magulang
30
sa paaralan
44
sa panonood ng TV, paglalaro ng video game, pakikipag-text, at pakikinig ng musika
SAAN NAUUBOS ANG PANAHON KO?
Kuwentahin kung ilang oras ang nagagamit mo linggu-linggo sa
panonood ng TV: ․․․․․
paglalaro ng video game: ․․․․․
paggamit ng computer: ․․․․․
pakikinig ng musika: ․․․․․
Kabuuan: ․․․․․
Dami ng oras na puwede kong gamitin sa mas mahahalagang bagay: ․․․․․
[Larawan sa pahina 20]
Kung uunahin mo ang maliliit na bagay, hindi mo mapagkakasya ang mas mahahalagang bagay