Mas Mabuti Kaysa Gamot
Mas Mabuti Kaysa Gamot
NOONG 32 anyos si Lena na binanggit sa unang artikulo, “nakokonsensiya siya, at pakiramdam niya’y wala na siyang pag-asa at malapit nang mamatay” dahil sa kaniyang problema sa droga. “Gusto kong maging mabuting asawa at ina,” ang sabi niya, “pero napakalungkot ng buhay ko at ng situwasyon sa daigdig kaya wala akong makitang dahilan para magpakabuti. Sinikap ko rin naman, pero bigo ako.”
Nang bandang huli, si Lena ay nakipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Di-nagtagal, dahil sa katotohanan sa Bibliya, nakadama siya ng kapanatagan at kaginhawahan, na ayon sa kaniya ay “ang pinakamagandang pakiramdam sa buong buhay ko.” Ang kaunawaan sa mga simulain ng Bibliya at ang magandang pag-asa sa hinaharap ay nakatulong sa kaniya na baguhin ang kaniyang buhay at ihinto ang pag-abuso sa droga.
Mga Simulain sa Buhay
Ang mga kautusan at simulain sa Bibliya ay ginawa para sa atin ng ating Maylalang, ang Diyos na Jehova. Sinasabi sa Awit 19:7, 8: “Ang kautusan ni Jehova ay sakdal, na nagpapanauli [nagpapasigla] ng kaluluwa. . . . Ang mga pag-uutos mula kay Jehova ay matuwid, na nagpapasaya ng puso; ang utos ni Jehova ay malinis, na nagpapaningning ng mga mata.”
Halimbawa, pinapayuhan tayo ng 2 Corinto 7:1 na “linisin natin ang ating sarili mula sa bawat karungisan ng laman at espiritu.” Sinunod ni Lena ang tekstong iyon sa Bibliya, at nakatulong ito para maihinto niya ang kaniyang maruming bisyo. Ganiyan din ang ginawa ni Myra, na binanggit din sa unang artikulo ng seryeng ito. Naadik siya sa gamot na inireseta sa kaniya para sa migraine. Ano ang ginawa ni Myra? Sinabi niya ito sa kaniyang doktor, at pinalitan ng doktor ang mga iniinom niyang gamot. a Bukod diyan, nakinabang siya sa espirituwal na pampatibay-loob mula sa kongregasyong Kristiyano.
Sina Lena at Myra ay parehong nanalangin para humingi ng tulong. Sinasabi ng Filipos 4:6, 7: “Huwag kayong mabalisa sa anumang bagay, kundi sa lahat ng bagay sa pamamagitan ng panalangin at pagsusumamo na may kasamang pasasalamat ay ipaalam ang inyong mga pakiusap sa Diyos; at ang kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan ay magbabantay sa inyong mga puso at sa inyong mga kakayahang pangkaisipan.” Isang sinaunang lingkod ng Diyos na nakadama ng gayong kapayapaan ang sumulat na nang ang kaniyang “mga nakababalisang kaisipan ay dumami,” nakadama siya ng kapanatagan, ginhawa, at kagalakan dahil sa nakapagpapatibay na mga salita ng Diyos. (Awit 94:19) Ang nakaaaliw na mga salitang gaya niyan ay mababasa sa mga pahina ng Bibliya at matatanggap mula sa mga pampatibay ng mahuhusay na kapuwa Kristiyano, pati na ng mga Kristiyanong elder.
Pero kung minsan, baka pakiramdam ng isang tao ay wala na siyang silbi dahil naaadik siya sa gamot. Ganito ang isinulat ni Janice, isang Kristiyano na maraming taóng naadik sa inireresetang gamot: “Baka napakahina na ng espirituwalidad ng mga naadik at muhing-muhi sila sa kanilang sarili kaya nahihirapan silang manalangin kay Jehova para humingi ng tulong, o iniisip nilang imposible nang manalangin.” Sa gayong situwasyon, napakahalagang humingi sila ng tulong mula sa Santiago 5:15) Siyempre, kung isang bata ang naaadik, kailangang tutukan ng mga magulang ang espirituwalidad ng bata at ang paggamot sa kaniya para tuluyan na nitong maputol ang adiksiyon.
may-gulang na mga Kristiyano. Ang kanilang pag-ibig, pagtitiyaga, pampatibay-loob, at panalangin nang may pananampalataya ay “magpapagaling sa isa na may dinaramdam.” (Sa tulong ng rehabilitation center, naitigil ni Janice ang kaniyang bisyo. “Kay Jehova ako umasa para malampasan ko ang lahat ng ito,” ang sabi niya. “Panatag na ang loob ko ngayon, at masayahin na uli ako.”
Kapag Wala Nang Problema
Darating ang panahon na hindi na kakailanganin ang anumang gamot. Bakit? Ganito ang sagot ng Apocalipsis 21:3, 4: “Ang tolda ng Diyos ay nasa sangkatauhan . . . At papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man. Ang mga dating bagay [kasali na ang mga problema sa ngayon] ay lumipas na.”
Inihahalintulad ng Bibliya ang pag-asa ng mga Kristiyano sa “angkla para sa kaluluwa, na kapuwa tiyak at matatag.” (Hebreo 6:18, 19) Noong unang panahon, kapag inabutan ng bagyo sa dagat ang mga magdaragat, ibinababa nila ang angkla ng barko. Kapag kumawit ang angkla sa pinakasahig ng dagat, patatatagin nito ang barko at hindi ito maaanod papunta sa delikadong mga bahura o baybayin. Sa katulad na paraan, ang “tiyak at matatag” na pag-asang isinasaad sa Bibliya ay makakatulong sa atin na maging timbang sa emosyonal, mental, at espirituwal na paraan kapag napaharap tayo sa tulad-bagyong mga pagsubok—na tiyak namang darating sa ating buhay!
Hinihimok ka naming mag-aral ng Bibliya para makita mong talagang praktikal at nakapagpapatibay ang mga payo at turo nito. Handang tumulong ang mga Saksi ni Jehova, at tiyak na makikinabang ka.
[Talababa]
a Hindi lahat ng situwasyon ay katulad ng kay Myra. Halimbawa, ang ilang pasyente ay dumaranas ng matinding kirot dahil sa isang sakit at ang makapagpapaginhawa lamang sa kanila ay ang ibinibigay ng doktor na matatapang na gamot na posibleng makaadik. Hindi sila naggagamot para maging high o maadik.—Tingnan ang Kawikaan 31:6.
[Blurb sa pahina 9]
“Huwag kayong mabalisa sa anumang bagay, kundi sa lahat ng bagay sa pamamagitan ng panalangin at pagsusumamo . . . ay ipaalam ang inyong mga pakiusap sa Diyos; at ang kapayapaan ng Diyos . . . ay magbabantay sa inyong mga puso at sa inyong mga kakayahang pangkaisipan.”—Filipos 4:6, 7
[Kahon/Larawan sa pahina 10]
PRAKTIKAL NA MGA PARAAN PARA MAGING MASAYA
Makakatulong ang ehersisyo para “pansamantala kang sumigla at makatakas sa iyong depresyon,” ang sabi ng aklat na Managing Your Mind—The Mental Fitness Guide. Makakatulong din ang pagbabago sa iyong diyeta at mga kaugalian—pisikal man o mental. Kuning halimbawa si Valerie na minaltrato noong bata pa siya. Naadik siya sa di-kukulangin sa 12 inireresetang gamot. Sa kabila nito, napagtagumpayan niya ang kaniyang bisyo at bumalik sa normal ang kaniyang buhay. Ano ang ginawa niya?
Sa halip na manood ng TV at magbasa ng kuwestiyunableng mga nobela, nag-iskedyul si Valerie ng regular na pag-aaral ng Bibliya at pagbabasa ng publikasyong inilalathala ng mga Saksi ni Jehova. Lagi rin siyang nananalangin sa Diyos na sana’y bigyan siya ng lakas, umaasa sa suporta ng kongregasyong Kristiyano, at ibinubuhos niya ang kaniyang panahon sa kapaki-pakinabang na mga gawain gaya ng pagsasabi sa iba ng nakaaaliw na mensahe mula sa Bibliya. Bukod diyan, naging maingat na siya sa mga kinakain niya at iniwasan na niya ang junk food. Gumaling siya at halos hindi makapaniwala maging ang kaniyang mga doktor. Maraming taon na siyang nakalaya sa adiksiyon. b
[Talababa]
b Kung niresetahan ka ng gamot para sa clinical depression, bipolar disorder, o iba pang problema sa isip, malamang na iba ang situwasyon mo sa situwasyon ni Valerie. Kaya huwag gumawa ng anumang pagbabago nang hindi kumokonsulta sa iyong doktor.