Sino ang Sasaklolo sa Iyo?
Sino ang Sasaklolo sa Iyo?
Sa isang pindot lang, kikislap-kislap na ang ilaw ng aming ambulansiya at kitang-kita ang liwanag nitong tumatama sa mga sasakyan at gusaling nadaraanan namin. Tumatabi ang mga sasakyan at mga tao kapag narinig ang nakabibinging tunog ng sirena kaya nakalulusot kami sa trapiko para saklolohan ang humihingi ng tulong.
MAHIGIT 20 taon na akong paramedik, nagbibigay ng agarang lunas sa mga naaksidente at maysakit bago makarating ng ospital. a Bawat araw ay isang hamon. Napaharap na ako sa iba’t ibang situwasyon, may mga simple at mayroon ding grabe, may mga naligtas ang buhay at ang iba naman ay hindi na nasagip sa kalunus-lunos na trahedya.
Mahalagang Papel sa Komunidad
Mahalaga ang papel ng mga paramedik sa sistema ng pangangalaga sa kalusugan sa Canada. Ang mahusay na medikal na serbisyong ibinibigay nila bago madala ang pasyente sa ospital ay maaaring makapagligtas-buhay o, sa paanuman, makabawas sa pinsalang puwedeng idulot ng ilang aksidente at sakit. b
Sa maraming lugar, may mga paramedik na handang sumaklolo 24 na oras sa isang araw sa buong taon. Puwedeng empleado sila ng isang munisipyo, pribadong organisasyon, o serbisyong pang-emergency ng isang ospital. Ang iba naman ay nagtatrabaho kasama ng mga bombero o empleado ng kompanyang naglalaan ng serbisyo ng ambulansiya.
Rumeresponde agad ang mga sinanay na mga lalaki at babaing ito pagkatanggap na pagkatanggap ng tawag mula sa humihingi ng saklolo. Anumang oras, puwedeng makatanggap ng tawag. Ano ba ang kayang gawin ng isang paramedik?
Sinanay Para Magligtas ng Buhay
Bagaman sa buong Canada, iba-iba ang mga pagsasanay para sa mga paramedik at ang mga katawagan sa pagsasanay na ito, karaniwan nang may apat itong kategorya—emergency medical responder, primary care paramedic, advanced care provider, at critical care provider. Kahilingan ng iba’t ibang sangay ng gobyerno at mga awtoridad sa medisina na kumuha muna ng sertipikasyon bago makapagtrabaho bilang paramedik.
Kasama sa panimulang pagsasanay na tinanggap ko dito sa Canada ang maraming oras ng pag-aaral sa silid-aralan, at aktuwal na pagsasanay sa ospital at ambulansiya. Natutuhan namin ang pagkuha ng vital signs, paggamit ng mga aparatong nagsusuplay ng oksiheno, cardiopulmonary resuscitation (CPR), pati na paglalagay ng benda at mga splint sa nabaling buto, at paggamit ng mga kagamitan para mapirmi ang posisyon ng gulugod ng pasyente.
Pagkatapos, mayroon pang 300 oras na praktikal na pagsasanay sa emergency room, intensive care unit, at labor-and-delivery room ng iba’t ibang ospital. Hindi ko malilimutan ang kauna-unahang pagkakataon na tumulong ako sa pagpapaanak—pakiramdam ko’y bahagi ako ng himalang iyon! Ito at ang iba pang mga karanasang pinagdaanan ko ang naghanda sa akin para sa kasunod na pagsasanay, ang 300 oras na pagsama sa ambulansiya at aktuwal na pagsisilbi bilang paramedik habang ginagabayan at tinutulungan ng dalawang makaranasang paramedik. Pagkatapos makapasa sa nasusulat at praktikal na eksamen, binigyan ako ng sertipikasyon bilang emergency medical care assistant, na tinatawag ngayong primary care paramedic.
Ilang taon din akong nagtrabaho sa iba’t ibang lunsod at probinsiya. Nakita ko agad sa isang karanasan na napakahalaga ng natutuhan kong mga kasanayan sa pagliligtas-buhay nang isang trabahador sa konstruksiyon na naninikip ang dibdib ang pumasok sa emergency room ng ospital. Di-nagtagal, tumigil ang tibok ng kaniyang puso. Tumulong ako sa mga doktor at nars sa CPR, defibrillation, at pagbibigay ng gamot. Ilang minuto lang, bumalik sa normal ang tibok ng kaniyang puso at hindi na siya nahirapang huminga. Pagkatapos, inilipat siya sa critical care unit (CCU). Kinabukasan, pinapunta ako sa CCU. Ipinakilala sa akin ng doktor doon ang isang lalaking nakaupo sa kama kausap ng kaniyang asawa. Nakilala ko lang siya nang sabihin niya: “Natatandaan mo ba ako? Iniligtas mo ang buhay ko kahapon!” Nakakataba iyon ng puso.
Bilang bahagi ng huling pagsasanay sa akin, isang doktor ang kasama ko sa 12-oras na duty para obserbahan kung paano ako mag-asikaso ng pasyente. Sa wakas, pumasa ako sa nasusulat at praktikal na mga eksamen at binigyan ako ng sertipikasyon bilang advanced care paramedic.
Ang mga paramedik ay nasa ilalim ng pangangasiwa ng isang medical director, na karaniwan nang nakikipagtulungan sa medical advisory committee sa pagsulat ng mga protokol, o detalyadong plano, sa paggamot. Sa panahon ng emergency, kinokonsulta ng mga paramedik ang mga protokol na ito, o kaya nama’y tumatawag sila sa piling grupo ng mga doktor gamit ang radyo o telepono. Kaya naman, sinasabing ang mga paramedik ang pinakamata, tainga, at kamay ng doktor. Ginagamot ng mga paramedik ang mga pasyente sa pribadong tirahan, pampublikong gusali, o sa lugar na pinangyarihan ng aksidente sa sasakyan. Kabilang sa serbisyo nila ang pagsusuplay ng oksiheno, pagbibigay ng gamot, defibrillation, pati na intubation at pag-oopera.—Tingnan ang kahong “Kasanayan ng mga Paramedik,” sa pahina 15.
Mga Panganib at Hamon
Bahagi na ng buhay ng mga paramedik ang mga panganib at hamon. Nagtatrabaho kami kahit masungit ang panahon, at kung minsan, kahit sa delikadong mga lugar o situwasyon. Pagpunta pa nga lang sa lugar ng insidente ay mapanganib na.
Lagi kaming nanganganib dahil sa pagkahantad sa mga nakahahawang sakit, dugo, at iba’t ibang fluid mula sa pasyente. Bilang proteksiyon, gumagamit kami ng mga guwantes, mask, goggles o panakip sa mukha, at iba pang mga kasuotan kapag kailangan.
Kabilang sa pag-aasikaso sa mga pasyente ang pakikipag-usap sa kanilang mga kapamilya, kaibigan, at pati sa iba pang naroroon, na kung minsan ay masyadong emosyonal o hindi mo malaman ang magiging reaksiyon. Napakasakit kapag pinaghiwalay ng kamatayan ang mag-asawa na maraming taóng magkasama. Hindi ito madaling sabihin sa naulilang kabiyak. Minsan, kinailangan kong sabihin sa isang babae na patay na ang kaniyang asawa. Bigla na lang niya akong sinuntok at tumakbo siya palabas ng bahay na sumisigaw at humahagulhol. Nahabol ko siya, at pagharap niya, niyakap niya ako, at saka siya umiyak nang umiyak.
Kapag mga lasing, lulong sa droga, o wala sa sarili ang tutulungan, kailangan ang empatiya, taktika, at awa. Hindi mo mahuhulaan kung ano magiging reaksiyon ng taong nasa gayong kalagayan. Naranasan ko nang makagat, maduraan, at masaktan sa iba pang paraan ng mga pasyenteng hindi makontrol ang kanilang sarili.
Nakakapagod din ang trabahong ito palibhasa’y lagi kaming nagbubuhat ng mabigat at kung minsa’y sa alanganing posisyon. Madalas kaming nakaluhod at nakabaluktot kapag nag-aasikaso ng mga pasyente. Hindi rin kami ligtas sa aksidente—ang aming likod, balikat, at tuhod ang madalas mapinsala. Kung minsan nga, napakatindi nito kaya hindi na makapagpatuloy ang ilan bilang paramedik. Wala ring pinipiling oras ang aming trabaho kaya talagang nakakapagod.
Apektado ang isip at damdamin ng paramedik sa pag-aasikaso sa mga taong may malubhang sakit o pinsala. Sa panahon ng emergency, kailangan ng paramedik na manatiling kalmado, makapag-isip nang malinaw, at magpasiya nang tama. Saksi ang mga paramedik sa trahedya at pagdurusang nararanasan ng mga tao. Tinutulungan nila ang mga biktima ng kakila-kilabot na aksidente. Tandang-tanda ko pa ang isang kabataang lalaking nadurog ang katawan dahil sa isang aksidente sa pabrika. Hindi mo na makilala ang katawan niya mula sikmura pababa at nagmakaawa siya sa akin at sa kasama ko na huwag siyang hayaang mamatay. Sinikap namin at ng isang grupo ng mga doktor at nars na gawin ang aming buong makakaya, pero nakalulungkot, namatay siya wala pang isang oras.
May mga pangyayaring madudurog ang puso mo. Madaling-araw noon nang makatanggap kami ng tawag na may nasusunog na bahay. Pag-uwi ng asawang lalaki mula sa trabaho, nadatnan niya sa labas ng kanilang nasusunog na bahay ang kaniyang asawa at tatlong-taóng-gulang na anak na babae. Nakulong sa loob ng bahay ang tatlo pang bata, na apat na buwan hanggang limang taon ang edad, pati na ang kanilang lolo, pero nailabas din sila ng mga bombero. Isa ako sa mga paramedik na tumulong, pero nabigo kaming iligtas sila.
Ngayon, malamang na magtataka ka kung bakit gugustuhin ng isa na maging paramedik. Kung minsan, naitatanong ko rin iyan sa sarili ko. Ang lagi kong iniisip ay ang kuwento ni Jesus tungkol sa isang madamaying Samaritano na nagsakripisyo para tulungan ang isang sugatang lalaki. (Lucas 10:30-37) Nagsasakripisyo ang mga paramedik—handang ibigay ang kanilang lakas at handang dumamay para tulungan ang mga humihingi ng saklolo. Para sa akin, kasiya-siyang propesyon ang pagiging paramedik, pero inaasam ko ang panahon na mawawalan na ako ng trabaho. Bakit? Dahil nangangako ang Diyos na sa malapit na hinaharap, walang sinuman ang magsasabi: “Ako ay may sakit.” Bukod diyan, ‘hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng kirot pa man.’ (Isaias 33:24; Apocalipsis 21:4)—Ayon sa salaysay ng isang paramedik sa Canada.
[Mga talababa]
a Para sa higit pang impormasyon tungkol sa mga isyung posibleng makabagabag sa budhi ng isang Kristiyanong nagtatrabaho bilang paramedik, tingnan Ang Bantayan, isyu ng Abril 15, 1999, pahina 29, at The Watchtower, Abril 1, 1975, pahina 215-216.
b Sa ilang bansa, walang paramedik ang mga ambulansiya. Pananagutan ng drayber doon na madala agad sa ospital ang pasyente.
[Blurb sa pahina 13]
Nakilala ko lang siya nang sabihin niya: “Natatandaan mo ba ako? Iniligtas mo ang buhay ko kahapon!” Nakakataba iyon ng puso
[Blurb sa pahina 14]
Naranasan ko nang makagat, maduraan, at masaktan sa iba pang paraan ng mga pasyenteng hindi makontrol ang kanilang sarili
[Kahon/Mga larawan sa pahina 15]
KASANAYAN NG MGA PARAMEDIK
Ang mga paramedik ay sinanay na siguraduhing bukás ang daanan ng hangin ng pasyente para makapasok ang hangin sa kaniyang baga. Baka kailanganin dito ang intubation, ang pagpapasok ng malambot na plastik na endotracheal tube sa bibig at kuwerdas bokales hanggang sa trachea gamit ang laryngoscope. O baka kailanganin dito ang cricothyrotomy, ang pagpapasok ng malaking kateter sa leeg ng pasyente hanggang sa kaniyang trachea gamit ang karayom, maliit na kateter, guide wire, at pantistis. Kapag nag-collapse naman ang baga, sa dibdib ng pasyente ipinapasok ang karayom at kateter para maagapan ang nakamamatay na komplikasyon.
Ang isa pang kasanayan ay ang tinatawag na intravenous therapy. Gumagamit ng karayom para maipasok ang kateter sa ugat. Dito pinadadaloy ang solution gaya ng normal saline patungo sa ugat. O kaya naman, maaaring gumamit ng intraosseous device para padaanin ang solution sa utak sa buto.
Gumagamit ng cardiac monitor/defibrillator ang paramedik para mamonitor ang electrocardiogram ng pasyente. Magagamit din ang aparatong ito sa defibrillation (pagkuryente sa pasyenteng tumigil ang tibok ng puso para maibalik ito sa normal) o sa cardioversion (itinitiyempo ang pagkuryente sa pasyente para pabagalin ang napakabilis na tibok ng puso na delikado sa pasyente). Ang monitor/defibrillator ay magagamit din bilang pansamantalang panlabas na pacemaker para pabilisin ang napakabagal na tibok ng puso.
[Credit Line]
All photos: Taken by courtesy of City of Toronto EMS
[Picture Credit Line sa pahina 12]
Taken by courtesy of City of Toronto EMS