Ang Pangmalas ng Bibliya
Puwede ba ang Cremation?
Iniisip ng ilan na ang “cremation”—ang pagsunog sa bangkay hanggang sa maging abo—ay kawalan ng paggalang sa katawan at sa alaala ng namatay. ‘Galing ito sa mga pagano,’ ang sabi nila, ‘kaya dapat itong iwasan ng mga nag-aangking sumasamba sa Diyos.’ Naniniwala naman ang iba na marangal at walang masama sa “cremation.” Ano sa palagay mo?
NOONG panahon ng Bibliya, kaugalian nang ilibing ang mga patay. Halimbawa, inilibing ni Abraham ang kaniyang asawang si Sara sa isang yungib. Inilagay ang katawan ni Jesus sa isang libingang inuka sa bato. (Genesis 23:9; Mateo 27:60) Ipinakikita ba ng Bibliya na ito lamang ang tanging katanggap-tanggap na paraan ng paglilibing sa patay? Ipinahihiwatig ba nito na tutol ang sinaunang mga lingkod ng Diyos sa cremation?
Hindi Nga ba Sinasang-ayunan ng Diyos?
Sa unang tingin, para bang ang ilang talata sa Bibliya ay nagpapahiwatig na kapag ang isa ay namatay na walang pagsang-ayon ng Diyos, cremation ang kahihinatnan niya. Halimbawa, ayon sa Kautusang Mosaiko, kung ang anak na babae ng isa sa mga saserdote ni Jehova ay maging patutot, siya ay papatayin at saka ‘susunugin sa apoy.’ (Levitico 20:10; 21:9) Gayundin, nang matalo ang mga Israelita sa pakikidigma sa Ai dahil sa pagsuway ni Acan at ng kaniyang pamilya, binato sila ng kanilang mga kababayan hanggang sa mamatay at pagkatapos ay “sinunog nila sila sa apoy.” (Josue 7:25) Sinasabi ng ilang iskolar na ganito ang ginagawa sa mga dumanas ng kahiya-hiyang kamatayan at ang cremation ay isinasagawa para ipagkait ang itinuturing na marangal na libing sa mga manggagawa ng kasamaan.
2 Cronica 34:4, 5) Ipinahihiwatig ba ng mga ulat na ito na ang mga sumasailalim sa cremation ay hindi sinasang-ayunan ng Diyos? Hindi naman. Ipinakikita ito ng isa pang ulat ng Bibliya.
Isa pa, nang alisin ni Haring Josias ang idolatriya sa Juda, binuksan niya ang mga libingan ng mga saserdoteng naghain kay Baal at sinunog ang kanilang mga buto sa ibabaw ng kanilang mga altar. (Nang talunin ng mga Filisteo sa digmaan si Haring Saul ng Israel, nilapastangan nila ang bangkay nito anupat ibinitin ito sa pader ng Bet-san, pati na ang bangkay ng kaniyang tatlong anak. Pero nang mabalitaan ito ng mga Israelitang taga-Jabes-gilead, kinuha nila ang mga bangkay at sinunog ang mga iyon, pagkatapos ay inilibing nila ang mga buto. (1 Samuel 31:2, 8-13) Sa unang tingin, parang pinatutunayan ng ulat na ito na ang cremation ay para lang sa mga taong namatay nang walang pagsang-ayon ng Diyos. Kung sa bagay, talagang napakasama ni Saul; kinalaban niya si David, ang pinahiran ni Jehova, at wala na sa kaniya ang pagsang-ayon ng Diyos nang mamatay siya.
Pero pansinin kung kanino pang bangkay ang sinunog kasama ng bangkay ni Saul. Ang bangkay ng isa sa kaniyang mga anak—si Jonatan. Hindi siya masamang tao. Sa katunayan, si Jonatan ay kakampi at matalik na kaibigan ni David. Ganito ang sinabi ng mga Israelita tungkol kay Jonatan: “Siya ay gumawang kasama ng Diyos.” (1 Samuel 14:45) Nang mabalitaan ni David ang ginawa ng mga taga-Jabes-gilead, pinuri niya sila at pinasalamatan: “Pagpalain nawa kayo ni Jehova, sapagkat ipinakita ninyo ang maibiging-kabaitang ito sa inyong panginoon, kay Saul.” Maliwanag na hindi minasama ni David ang pagsunog sa bangkay nina Saul at Jonatan.—2 Samuel 2:4-6.
Hindi Hadlang sa Pagbuhay-Muli
Malinaw na itinuturo ng Bibliya na bubuhaying muli ng Diyos na Jehova ang maraming taong natutulog ngayon sa kamatayan. (Eclesiastes 9:5, 10; Juan 5:28, 29) Inihula sa aklat ng Bibliya na Apocalipsis ang tungkol sa panahon na muling bubuhayin ang mga patay: “Ibinigay ng dagat ang mga patay na nasa kaniya, at ibinigay ng kamatayan at ng Hades ang mga patay na nasa kanila.” (Apocalipsis 20:13) Magagawa ito ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat kahit pa ang katawan ng tao ay inilibing, sinunog, nawala sa dagat, kinain ng mabangis na hayop, o naglaho dahil sa pagsabog ng bomba atomika.
Ang Bibliya ay hindi nagbibigay ng espesipikong tagubilin kung ano ang dapat gawin sa patay. Hindi hinahatulan ni Jehova ang cremation. Pero ang mahalaga, dapat na maging marangal at kagalang-galang ang mga kaayusan sa libing.
Pero ang pananaw ng lokal na komunidad sa mga kaugalian sa libing ay maaaring makaimpluwensiya sa pagpapasiya ng isa hinggil sa mga kaayusang ito. Hangga’t posible, ang mga sumusunod sa simulain ng Bibliya ay hindi gagawa ng anumang bagay na ikagagalit ng kanilang kapuwa. Hindi rin tama na makibahagi sa kaugaliang may bahid ng maling turo ng mga relihiyon, gaya ng imortalidad ng kaluluwa. Isang katalinuhan na pag-isipan ang mga bagay na ito, pero ang pagpapasiya kung ano ang gustong gawin ng isang tao sa kaniyang labí kapag namatay siya, o sa labí ng kaniyang kapamilya, ay nakasalalay na sa kaniya o sa kaniyang pamilya.
NAPAG-ISIP-ISIP MO NA BA?
◼ Sinong tapat na mananamba na binabanggit sa Bibliya ang sumailalim sa cremation?—1 Samuel 31:2, 12.
◼ Paano pinakitunguhan ni David ang mga lalaking sumunog sa bangkay ni Saul?—2 Samuel 2:4-6.
◼ Ano ang nagpapakitang puwede pa ring buhaying-muli ang isang taong sumailalim sa cremation?—Apocalipsis 20:13
[Blurb sa pahina 11]
Ang Bibliya ay hindi nagbibigay ng espesipikong tagubilin kung ano ang dapat gawin sa patay