Mga Batang Sobrang Taba—Paano Sila Matutulungan?
Mga Batang Sobrang Taba—Paano Sila Matutulungan?
NAPAKARAMI na ng mga batang sobrang taba sa maraming bansa. Sinasabi ng World Health Organization na sa buong daigdig, tinatayang 22 milyong batang wala pang limang taóng gulang ang labis sa timbang.
Ipinakikita ng isang surbey sa Espanya na 1 sa bawat 3 bata sa bansang ito ang alinman sa labis sa timbang o sobrang taba. Sa loob lamang ng sampung taon (1985-1995), dumami nang tatlong ulit ang bilang ng mga batang sobrang taba sa Australia. Sa Estados Unidos naman, dumami nang mahigit sa tatlong ulit ang sobrang taba na mga batang edad 6 hanggang 11 nitong nakalipas na tatlong dekada.
Dumarami rin ang mga batang sobrang taba sa papaunlad na mga bansa. Ayon sa International Obesity Task Force, sa ilang bahagi ng Aprika, mas maraming bata ang apektado ng sobrang katabaan kaysa malnutrisyon. Sa buong daigdig noong 2007, pumangalawa ang Mexico sa Estados Unidos pagdating sa bilang ng mga batang sobrang taba. Sinasabi na sa Mexico City pa lamang, 70 porsiyento na ng mga bata at kabataan ang sobrang taba o kaya nama’y labis sa timbang. Nagbabala ang siruhanong si Dr. Francisco González na malamang na ito ang “kauna-unahang henerasyon na mas mauuna pang mamatay sa kanilang mga magulang dahil sa mga komplikasyong dulot ng sobrang katabaan.”
Anu-anong komplikasyon? Kabilang dito ang diyabetis, mataas na presyon ng dugo, at sakit sa puso—mga sakit na dati’y adulto ang karaniwang naaapektuhan. Ayon sa Institute of Medicine ng Estados Unidos, 30 porsiyento ng mga batang lalaki at 40 porsiyento ng mga batang babaing ipinanganak sa Estados Unidos noong taóng 2000 ang nanganganib na magkaroon ng type 2 diabetes dahil sa sobrang katabaan.
Ipinakikita ng mga surbey na nakaaalarma ang pagdami ng mga batang sobrang taba. Habang dumarami ang sobrang taba, dumarami rin ang nagkakaroon ng mataas na presyon ng dugo. “Kung hindi mapipigil ang pagdami ng mga kasong ito ng mga nagkakaroon ng mataas na presyon ng dugo, darami rin ang mga kaso ng sakit sa puso sa mga kabataan at adulto,” ang babala ni Dra. Rebecca Din-Dzietham ng Morehouse School of Medicine sa Atlanta, Georgia.
Mga Sanhi
Bakit dumarami ang mga batang sobrang taba sa buong daigdig? Bagaman puwedeng mamana ang sobrang katabaan, ang biglang pagdami ng mga sobrang taba nitong nakalipas na mga dekada ay nagpapahiwatig na may iba pang sanhi. Si Stephen O’Rahilly, propesor ng clinical biochemistry at medisina sa Cambridge University, Inglatera, ay nagsabi: “Ang pagdami ng mga sobrang taba sa ngayon ay walang kinalaman sa genes. Hindi natin mababago ang ating genes sa loob lamang ng 30 taon.”
Hinggil sa mga sanhi, ganito ang sinabi ng Mayo Clinic, sa Estados Unidos: “Bagaman may kaugnayan ang genes at hormon sa sobrang katabaan ng mga bata, ang pinakakaraniwang sanhi ng labis na timbang ay ang sobrang pagkain at kakulangan sa ehersisyo ng mga bata.” Makikita sa sumusunod na dalawang halimbawa ang nagbabagong mga kaugalian sa pagkain.
Una, palibhasa’y pagod na sa trabaho ang mga magulang at wala na silang gaanong panahon sa pagluluto, mga fast food na ang karaniwang pagkain sa
ngayon. Saanmang lugar sa daigdig, kabi-kabila ang mga restawran ng fast food. Iniuulat ng isang pag-aaral na sa Estados Unidos, halos sangkatlo ng mga batang edad 4 hanggang 19 ang kumakain ng fast food araw-araw. Ang gayong mga pagkain ay karaniwan nang maraming fat at asukal, at nakaeengganyong bilhin dahil malalaki ang serving.Ikalawa, mas gusto na ngayon ng mga tao na uminom ng soft drink kaysa gatas at tubig. Halimbawa, taun-taon, mas malaki ang ginagastos ng mga taga-Mexico sa soft drink, partikular na sa mga cola, kaysa sa kabuuang gastos sa sampung pangunahing pagkain. Ayon sa aklat na Overcoming Childhood Obesity, kung iinom ka ng kahit 600 mililitro lamang ng soft drink bawat araw, madaragdagan nang mahigit siyam na kilo ang timbang mo sa isang taon!
Hinggil naman sa kakulangan ng pisikal na mga gawain, natuklasan sa isang pag-aaral na isinagawa ng University of Glasgow sa Scotland na ang isang karaniwang tatlong-taóng gulang na bata ay 20 minuto lamang sa isang araw gumagawa ng “katamtaman hanggang sa mabigat na pisikal na gawain.” Tungkol sa pag-aaral na iyon, sinabi ni Dr. James Hill, propesor ng pediatrics at medisina sa University of Colorado: “Hindi lamang sa U.K. [United Kingdom] dumarami ang mga batang hindi gaanong gumagawa ng pisikal na mga gawain, kundi pati na rin sa maraming bansa sa buong daigdig.”
Ano ang Solusyon?
Hindi ipinapayo ng mga nutrisyonista na masyadong higpitan ang diyeta ng mga bata, dahil makaaapekto ito sa kanilang paglaki at hihina ang kanilang katawan. Sa halip, ganito ang sabi ng Mayo Clinic: “Ang isa sa pinakamahusay na paraan para maiwasan ang labis na timbang ng inyong mga anak ay gawing balanse ang pagkain at dalasan ang pag-eehersisyo ng buong pamilya.”—Tingnan ang kahon.
Turuan ang buong pamilya na maging maingat sa pagkain at mag-ehersisyo. Kung gagawin mo ito, makakasanayan na ito ng iyong mga anak at madadala nila hanggang sa kanilang paglaki.
[Kahon/Larawan sa pahina 28]
ANO ANG PUWEDENG GAWIN NG MGA MAGULANG?
1 Bumili at maghain ng mas maraming prutas at gulay sa halip na mga instant na pagkain.
2 Limitahan ang soft drink, matatamis na inumin, at meryendang maraming asukal at fat. Sa halip, bigyan sila ng tubig o low-fat na gatas at masustansiyang meryenda.
3 Para mabawasan ang paggamit ng mantika sa pagluluto, i-bake, iihaw, at pasingawan ang pagkain, sa halip na iprito.
4 Huwag damihan ang inihahaing pagkain sa mga bata.
5 Huwag gawing papremyo o suhol ang pagkain.
6 Tiyaking nakapag-agahan ang mga bata. Kapag hindi sila nakapag-agahan, baka mapasobra ang kain nila sa tanghalian.
7 Sa mesa kumain. Kung kakain ang mga bata sa harap ng TV o computer, mapaparami ang kain nila at hindi nila agad mararamdamang busog na sila.
8 Himukin silang gumawa ng pisikal na mga gawain, gaya ng pagbibisikleta, paglalaro ng bola, at luksong-lubid.
9 Bawasan ang oras na ginagamit sa panonood ng TV, paggamit ng computer, at paglalaro ng mga video game.
10 Magplano ng outing gaya ng pamamasyal sa zoo, swimming, o paglalaro sa parke, para maehersisyo ang pamilya.
11 Bigyan ang mga bata ng gawaing-bahay para maehersisyo sila.
12 Magpakita ng halimbawa—kumain ng masustansiyang pagkain at mag-ehersisyo.
[Credit Line]
Pinagkunan: The National Institutes of Health at Mayo Clinic