Maging Matalino sa Paggamit ng Iyong Pera
ANG kasabihang “Ang salapi ang siyang ugat ng lahat ng kasamaan” ay madalas na sinasabing galing sa Bibliya. Pero ganito ang mismong mababasa sa Bibliya: “Ang pag-ibig sa salapi ay siyang ugat ng lahat ng kasamaan.” (1 Timoteo 6:10, Magandang Balita Biblia) Mayroon talagang mga taong walang ibang nasa isip kundi magkapera at ginagawa nila ang lahat para yumaman. Ang ilan ay naging alipin ng pera at inani nila ang masaklap na resulta nito. Pero kapag ginamit nang may katalinuhan, nakatutulong ang pera. Sinasabi ng Bibliya na “nilulutas ng pera ang maraming problema.”—Eclesiastes 10:19, Holy Bible—Easy-to-Read Version.
Bagaman ang Bibliya ay hindi isang aklat tungkol sa pera, nagbibigay ito ng praktikal na mga payong makatutulong sa iyo na gamitin ang pera nang may katalinuhan. Karaniwan nang inirerekomenda ng mga tagapayo sa pananalapi ang sumusunod na limang hakbang, at ang mga ito ay kaayon ng mga pamantayan sa Bibliya na matagal nang naisulat.
Kuwentahin kung magkano ang kinikita mo, at huwag gumastos nang higit dito
Mag-ipon. Ipinakikita ng ulat ng Bibliya na tinuruan ang sinaunang mga Israelita sa kahalagahan ng pag-iipon. Sinabihan silang magtabi ng ikapu (o 10 porsiyento) taun-taon para sa pagpunta sa mga pambansang kapistahan. (Deuteronomio 14:22-27) Hinimok din ni apostol Pablo ang unang mga Kristiyano na magtabi ng salapi linggu-linggo para may maibigay sila sa mga kapananampalatayang nangangailangan. (1 Corinto 16:1, 2) Iminumungkahi ng karamihan ng mga tagapayo sa pananalapi ang pag-iipon. Gawin itong priyoridad. Kapag nagkapera, magtabi ka kaagad o magdeposito sa bangko. Makatutulong ito para hindi mo magastos ang perang gusto mong maipon.
Magbadyet. Ito ang tanging praktikal na paraan para mabantayan mo, makontrol, o mabawasan ang iyong paggastos. Sa mahusay na pagbabadyet, makikita mo kung saan napupunta ang iyong pera, at matutulungan ka nito na maabot ang iyong mga pinansiyal na tunguhin. Kuwentahin kung magkano ang kinikita mo, at huwag gumastos nang higit dito. Alamin kung ano talaga ang kailangan mo at kung ano ang gusto mo lamang. Kaayon nito, may-katalinuhang hinimok ni Jesus ang kaniyang mga tagapakinig na ‘tuusin ang gastusin’ bago magsimula ng anumang proyekto. (Lucas 14:28) Pinapayuhan tayo ng Bibliya na iwasan ang di-kinakailangang pangungutang.—Kawikaan 22:7.
Kawikaan 21:5 na “ang mga plano ng masikap ay tiyak na magdudulot ng kapakinabangan.”
Magplano. Maingat na isaalang-alang ang iyong mga pangangailangan sa hinaharap. Halimbawa, kung nagpaplano kang bumili ng bahay, maaaring magandang pasiya na umutang basta makatuwiran ang interes na ipapataw. Sa katulad na paraan, baka naiisip ng isang ama ng tahanan na kailangan niyang kumuha ng iba’t ibang insurance gaya ng life, health, o disability insurance, para sa kapakanan ng kaniyang pamilya. Maaaring kasama rin sa mga isasaalang-alang mo ang pagpaplano sa iyong pagreretiro. Ipinaaalaala sa atin ngAlamin kung ano talaga ang kailangan mo at kung ano ang gusto mo lamang
Matuto. Matuto ng mga kasanayan at ingatan ang iyong pisikal at emosyonal na kalusugan. Pakikinabangan mo ito pagdating ng panahon. Patuloy na matuto. Ipinakikita ng Bibliya na napakahalaga ng ‘praktikal na karunungan at kakayahang mag-isip,’ at pinasisigla tayo na patuloy itong linangin.—Kawikaan 3:21, 22; Eclesiastes 10:10.
Maging timbang. Magkaroon ng timbang na pangmalas sa pera. Ipinakikita ng maraming surbey na mas masaya ang mga taong mas nagpapahalaga sa kanilang kapuwa kaysa sa pera. Hinayaan ng ilan na makontrol sila ng kasakiman. Paano? Pagkatapos masapatan ang kanilang pangunahing mga pangangailangan, sinisikap naman nilang magpayaman. Pero bukod sa pagkain, pananamit, at tirahan, ano pa ba ang talagang kailangan ng isang tao? Hindi nakapagtataka na ang manunulat ng Bibliya na sinipi sa simula ng artikulong ito ay sumulat din: “Sa pagkakaroon ng pagkain at pananamit, magiging kontento na tayo sa mga bagay na ito.” (1 Timoteo 6:8) Kung lilinangin natin ang pagkakontento, maiiwasan natin ang pag-ibig sa salapi at ang lahat ng problemang idinudulot nito.
Talagang ang pag-ibig sa salapi ay ugat ng maraming masasamang bagay. Magiging panginoon mo ang pera kung magpapaalipin ka rito. Pero kapag ginamit nang may katalinuhan, mas maaasikaso mo ang higit na mahahalagang bagay sa buhay, gaya ng malapít na pakikipag-ugnayan sa iyong pamilya, mga kaibigan, at sa Diyos. Gayunman, parang imposible pa rin sa ngayon na lubusang maiwasan ang kabalisahan dahil sa pera. Mananatili kayang sanhi ng kabalisahan ang pera? Mawawala pa kaya ang kahirapan? Sasagutin ng huling artikulo sa seryeng ito ang mga tanong na iyan.
Bukod sa pagkain, pananamit, at tirahan, ano pa ba ang talagang kailangan ng isang tao?