Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong

Dapat Ko Bang Isumbong ang Kaibigan Ko?

Dapat Ko Bang Isumbong ang Kaibigan Ko?

“Napakahirap gawin iyon. Kaibigan ko kasi siya.”​—James. a

“Grabe talaga noong una. Ayaw na nila akong pansinin dahil isinumbong ko sila.”​—Ann.

SINASABI sa Bibliya: “May kaibigang mas malapít pa kaysa sa isang kapatid.” (Kawikaan 18:24) Mayroon ka bang ganiyang kaibigan? Kung oo, mapalad ka.

Pero paano kung ang isang kaibigan mo na nag-aangking Kristiyano ay nasuong sa problema? Halimbawa, paano kung nakagawa siya ng imoralidad, nanigarilyo, uminom nang wala pa sa hustong gulang, gumamit ng droga, o nakagawa ng iba pang malubhang kasalanan? (1 Corinto 6:9, 10; 1 Timoteo 1:9, 10) Ano ang dapat mong gawin? Kakausapin mo ba siya? Sasabihin mo sa iyong mga magulang? Sasabihin mo sa mga magulang ng kaibigan mo? Sasabihin mo sa mga elder sa kongregasyon? b Kung magsusumbong ka, paano na ang pagkakaibigan ninyo? Mas mabuti kayang manahimik na lang?

Magsusumbong Kaya Ako o Hindi?

Lahat ay nagkakamali. Sa katunayan, sinasabi ng Bibliya: “Ang lahat ay nagkasala at nagkukulang sa kaluwalhatian ng Diyos.” (Roma 3:23) Pero malulubhang pagkakasala ang nagagawa ng ilan. Ang iba nama’y nakagagawa ng “maling hakbang” na kung hindi maitutuwid ay maaaring mauwi sa higit pang mga problema. (Galacia 6:1) Isaalang-alang ang sumusunod na karanasan.

◼ Nalaman ng isang kabataang Kristiyano na nagngangalang Susan na ang kaniyang kaibigan, isa ring Kristiyano, ay may mahalay na mga larawan at musika sa kaniyang Web page.

Pag-isipan: Kung ikaw si Susan, ano ang gagawin mo? Gagawa ka ba ng paraan para matulungan siya? O iisipin mo na lang na personal na desisyon na niya kung ano ang gusto niyang ilagay sa kaniyang Web page? Kung lalapit sa iyo si Susan para humingi ng payo, ano ang sasabihin mo?

․․․․․

Kung ano ang ipinasiyang gawin ni Susan: Pagkatapos pag-isipan ang mga bagay-bagay, nagpasiya si Susan na kausapin ang mga magulang ng kaniyang kaibigan. “Kinabahan ako,” ang sabi niya, “kasi malapít din ako sa kanila. Napakahirap sabihin sa kanila kaya napaiyak ako.”

Ano sa tingin mo? Tama ba ang ginawa ni Susan? O mas mabuti kung nanahimik na lang siya?

Para tulungan kang mangatuwiran sa mga tanong na iyan, narito ang ilang bagay na puwede mong pag-isipan:

Ano ang gagawin ng isang tunay na kaibigan? Sinasabi sa Kawikaan 17:17: “Ang tunay na kaibigan ay umiibig sa lahat ng panahon, at isang kapatid na ipinanganganak kapag may kabagabagan.” Kapag ang isang tao ay gumawa ng isang bagay na labag sa prinsipyo ng Bibliya, siya ay ‘nasa kabagabagan,’ alam man niya iyon o hindi. Bagaman mali na “lubhang magpakamatuwid,” anupat ginagawang isyu ang maliliit na bagay, ang tunay na kaibigan ay hindi magbubulag-bulagan sa di-makakristiyanong paggawi. (Eclesiastes 7:16) Hindi tamang balewalain ang situwasyon.​—Levitico 5:1.

Paano kung mabaligtad ang situwasyon? Tanungin ang iyong sarili: ‘Kung isa akong magulang at ang aking anak ay may mahalay na Web page, hindi ba’t gusto kong may magsabi sa akin tungkol doon? Ano ang madarama ko kung alam ng mga kaibigan niya pero hindi sila nagsabi sa akin?’

Ano ang pamantayan ng Diyos? Hindi ito ang panahon ng pagtahimik. Sa halip, dapat mong sundin ang pamantayang moral ng Diyos na nasa Bibliya. Ang totoo, kapag nanindigan ka sa kung ano ang tama, pinagagalak mo ang puso ng Maylalang. (Kawikaan 27:11) Bukod diyan, gagaan ang pakiramdam mo dahil alam mong ginawa mo talaga ang pinakamabuti para sa kaibigan mo.​—Ezekiel 33:8.

“Panahon ng Pagsasalita”

Sinasabi ng Bibliya na may “panahon ng pagtahimik at panahon ng pagsasalita.” (Eclesiastes 3:7) Karaniwan na, hindi alam ng isang bata kung ano ang dapat gawin sa isang partikular na situwasyon. Kung may kaibigan silang nakagawa ng mali, nangangatuwiran sila: ‘Ayokong magkaproblema ang kaibigan ko’ o ‘Ayokong magalit sa akin ang kaibigan ko.’ Kung ang mga ito lamang ang mahalaga, simple lang ang dapat gawin​—“panahon [ito] ng pagtahimik.”

Pero habang nagkakaedad ka, nagiging maygulang ka nang mag-isip. Alam mong may mabigat na problema ang kaibigan mo at nangangailangan siya ng tulong​—tulong na puwede mong hingin sa iba para sa kaniya. Ano nga ba ang puwede mong gawin kapag nalaman mong nakagawa ng isang bagay na labag sa prinsipyo o batas ng Bibliya ang kaibigan mo?

Una, tiyakin mo muna kung totoo ang narinig mo. Baka naman sabi-sabi lang iyon. (Kawikaan 14:15) Naalaala ng isang tin-edyer na nagngangalang Katie: “Nagkalat ng tsismis tungkol sa akin ang isa kong kaibigan, at akala ng mga malapít sa akin ay totoo ang mga sinabi niya. Nag-alala ako na baka wala nang maniwala sa akin!” Subalit pansinin na sa Bibliya, inihula na si Jesus ay ‘hindi sasaway ayon lamang sa narinig ng kaniyang mga tainga’​—o gaya ng salin sa Biblia ng Sambayanang Pilipino, ‘hindi siya magpapasya ayon sa mga sabi-sabi.’ (Isaias 11:3) Ang aral? Huwag kaagad ipagpalagay na totoo ang lahat ng naririnig mo. Alamin mo muna kung ano talaga ang nangyari. Isaalang-alang ang isang karanasan.

◼ Narinig ni James, na binanggit sa pasimula ng artikulong ito, na gumamit ng droga sa isang parti ang kaibigan niya.

Pag-isipan: Ano ang gagawin mo kung ikaw si James? Paano mo titiyakin na totoo nga ang narinig mo?

․․․․․

Kung ano ang ipinasiyang gawin ni James. Sa umpisa, nagkunwari si James na wala siyang narinig at nalalaman. “Pero nakonsensiya ako,” ang sabi niya. “Alam kong dapat kong kausapin ang kaibigan ko.”

Ano sa tingin mo? Bakit mabuti na kausapin mo muna ang kaibigan mong Kristiyano na sinasabing nakagawa ng kasalanan?

․․․․․

Kung nahihirapan kang ipakipag-usap sa taong iyon ang tungkol doon, ano ang iba pang puwede mong gawin?

․․․․․

Inamin ng kaibigan ni James na gumamit nga siya ng droga sa isang parti. Pero nagmakaawa siya kay James na huwag niya itong sabihin kahit kanino. Gustong gawin ni James kung ano ang tama. Pero gusto rin niyang tama ang gawin ng kaibigan niya. Kaya sinabi niya sa kaibigan niya na bibigyan niya siya ng isang linggo para magtapat sa mga elder sa kongregasyon. Kung hindi, si James na mismo ang magsasabi.

Sa tingin mo, tama ba ang ginawa ni James? Bakit tama o bakit hindi tama?

․․․․․

Hindi nagtapat ang kaibigan ni James sa mga elder, kaya si James na ang lumapit sa mga elder. Pero nang maglaon, natauhan ang kaibigan niya. Natulungan siya ng mga elder na makitang kailangan niyang magsisi at ibalik ang malinis na kaugnayan kay Jehova.

Sumbungero o Sumbungera Ka Nga Ba?

Gayunman, baka itanong mo: ‘Hindi kaya tawagin akong sumbungero o sumbungera? Hindi kaya mas madali kung magkunwari akong walang nalalaman? Kung malagay ka sa gayong situwasyon, ano ang puwede mong gawin?

Una, tandaan na ang isang bagay na madaling gawin ay hindi laging pagpapakita ng pag-ibig, at ang pagpapakita ng pag-ibig ay hindi laging madaling gawin. Kailangan ng lakas ng loob para masabi mo sa kinauukulan ang pagkakasala ng kaibigan mo. Bakit hindi mo ipanalangin sa Diyos ang bagay na ito? Humiling ka ng karunungan at kalakasan na kailangan mo. Tutulungan ka niya.​—Filipos 4:6.

Ikalawa, isipin kung paano makikinabang ang kaibigan mo kapag ipinagbigay-alam mo ang situwasyon. Bilang paglalarawan, ipagpalagay nang umaakyat kayo ng kaibigan mo sa isang matarik na burol nang bigla siyang mahulog dahil nagkamali siya ng hakbang. Malinaw na kailangan ng kaibigan mo ng tulong. Pero paano kung dahil sa hiya, mas gusto pa niyang siya na lang mag-isa ang umakyat sa burol? Hahayaan mo bang isapanganib niya ang kaniyang buhay?

Ganiyan din kapag nahulog sa pagkakasala ang isang Kristiyanong kaibigan. Baka isipin niyang kaya niyang mapanumbalik ang kaniyang kaugnayan kay Jehova nang walang tumutulong sa kaniya. Pero mangmang na pangangatuwiran iyan. Totoo, baka nahihiya siya sa nangyari. Pero kapag ‘humingi ka ng tulong,’ maililigtas mo ang buhay ng kaibigan mo!​—Santiago 5:15.

Kaya huwag matakot na magsabi sa kinauukulan kapag nakagawa ng pagkakasala ang isang kaibigan. Sa paghingi mo ng tulong para sa kaniya, nagpapakita ka ng katapatan sa Diyos na Jehova at katapatan sa iyong kaibigan, na balang-araw ay malamang na magpasalamat sa ginawa mong tulong.

Mas marami pang artikulo mula sa seryeng “Young People Ask” ang mababasa sa Web site na www.watchtower.org/ype

[Mga talababa]

a Binago ang mga pangalan sa artikulong ito.

b Sa kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova, tinutulungan ng mga elder ang sinumang nakagawa ng malubhang pagkakasala.​—Santiago 5:14-16.

PAG-ISIPAN

◼ Bakit talagang pagpapakita ng katapatan sa iyong kaibigan ang pagbibigay-alam mo sa kinauukulan kapag nakagawa siya ng pagkakasala?

◼ Sinu-sino ang maaalaala mo mula sa ulat ng Bibliya na nasubok ang katapatan sa isang kaibigan? Ano ang matututuhan mo mula sa kanila?

[Larawan sa pahina 20]

Kung nahulog sa pagkakasala ang isang Kristiyanong kaibigan, kailangang siguraduhin mong may tutulong sa kaniya