Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Tikman ang mga Pagkain sa Thailand

Tikman ang mga Pagkain sa Thailand

Tikman ang mga Pagkain sa Thailand

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA MALAYSIA

HABANG naglalakad ka sa isang mataong kalye sa Bangkok, Thailand, baka bigla kang makalanghap ng napakabangong amoy na nanggagaling sa bangketa. Nakita mo roon ang mga nagluluto ng karaniwang pagkaing Thai. Palibhasa’y takam na takam ka na sa bango at sa kaakit-akit na mga kulay ng pagkain, baka gusto mo nang tikman ang masarap na lutuing iyon.

Masarap ang pagkaing Thai dahil may halo itong mga piling-piling yerba, ugat, dahon, at mga buto ng halaman. Nagbibigay ang mga ito ng magkakahalong mga lasa na matamis, maasim, maalat, mapait, at maanghang, at mga bangong hindi mo basta-basta mababale-wala. Paano nagkaroon ng gayong naiibang lutuin sa Thailand? Ang sagot ay matutunton sa kanilang kasaysayan.

Halu-halong Lasa Mula sa Iba’t Ibang Bansa

Ang Thailand ay isang bansang madalas daanan ng mga tao sa kanilang paglalakbay sa iba’t ibang bahagi ng Asia. Sa loob ng maraming siglo, ang mga manlalakbay mula sa Tsina, Laos, Cambodia, Indonesia, Europa, at iba pang mga bansa ay dumaan sa Thailand, at marami sa kanila ang nanirahan na roon. Dala nila ang mga pagkain mula sa kani-kanilang bansa, hanggang sa naging bahagi na ng pagkaing Thai ang mga lasa at bango ng lahat ng iba’t ibang lutuing iyon.

Ipinakita noon sa mga taga-Thailand ng mga manlalakbay mula sa India kung paano gumamit ng curry sa pagluluto. Noong ika-16 na siglo, nagdala ang mga Portuges ng mga sili at marahil pati ng mga kamatis. Sa ngayon, napakaraming sangkap ng lutuing Thai, pero hindi nawawala sa mga ito ang sari-saring dilaw, berde, at pulang mga sili na may malapot na sangkap ng curry na kakulay ng mga ito. Ang pinaghalong curry at mga sili ang dahilan ng pagiging malasa ng mga lutuing Thai na karaniwan nang kapansin-pansin sa mga pagkaing mula sa Silangan.

Maraming Putahe, Mas Maraming Lasa

Karaniwan na, may iba’t ibang putahe ang pagkaing Thai, kabilang dito ang sopas, ensalada, ginisa, curry, at mga sawsawan. Laging may mainit na puting kanin sa mesa. Mayroon ding panghimagas, na maaaring minatamis na gawa sa asukal at itlog. Ginagamit din ang niyog at gata sa paggawa ng mga minatamis sa Thailand.

Ang sekreto ng masarap na pagkain saanman ay ang sariwang mga sangkap, at madaling makakakuha ng mga ito sa Thailand. Sa mga lunsod at bayan, makakabili ka sa mga palengke ng sariwang prutas, gulay, isda, at mga pampalasang gaya ng tanglad, kulantro, bawang, luya, galangal, cardamom, sampalok, at komino. Marami ka ring makikita sa mga palengkeng ito na mga maanghang na sili at mga dayap, na karaniwang sangkap ng pagkaing Thai.

Bumibisita ka man sa Thailand o gusto mong makatikim ng lutuing Thai sa inyong bahay, subukan mo ang tom yam goong, ang maanghang at maasim na sopas na may hipon, na isang espesyal na putahe ng Thailand. Masarap din ang maanghang na ensaladang papaya, sotanghon na may litsong manok o bibi, hiniblang karne ng baboy, o ibinabad na isda. Ang ma ho, na nangangahulugang “kumakaskas na mga kabayo,” ay pinaghalong karne ng baboy, sugpo, at mani na ibinunton sa sariwang pinya at pinalamutian ng pulang sili at dahon ng kulantro. Bilang panghimagas, tikman mo ang kakanin na may kasamang gata at mga mangga.

Paano ka masisiyahan nang husto sa pagkain ng lutuing Thai? Sa ilang bahagi ng bansa, nakaugalian nang magkamay kapag kumakain ng espesyal na kaning malagkit. Kumukuha sila ng kaunti, medyo binibilog ito, isinasawsaw sa isang sawsawan, at isinusubo kaagad. Kapag kumakain ng noodles, baka gusto mong gumamit ng chopstick. Pero kung nahihirapan kang gumamit nito, puwede ka namang magkutsara’t tinidor.

Takam na takam ka na ba sa mga lutuing Thai? Matapos mong matikman ang masasarap na mga pagkain sa magandang bansang ito sa Asia, baka gusto mo ring tikman ang maraming iba pang lutuin na hindi mo pa nadidiskubre​—ang masasarap na pagkain sa Silangan.

[Mga larawan sa pahina 23]

1 Sopas na tom yam goong

2 Ensaladang sotanghon na may tinadtad na karne ng baboy at mga hipon

3 Maanghang na ensaladang papaya

4 Ma ho

5 Kakanin na may kasamang gata at mangga