Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Maliliit na Kayamanan ng Niihau

Ang Maliliit na Kayamanan ng Niihau

Ang Maliliit na Kayamanan ng Niihau

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA HAWAII

TUWING taglamig, hinahampas ng mga along likha ng bagyo ang baybayin ng Niihau, ang “Forbidden Island” ng Hawaii. Napakaraming maliliit at walang-lamang shell ng susong-dagat ang tinatangay ng alon sa ilang baybayin nito. Ang Niihau​—na may lawak na 180 kilometro kuwadrado lamang​—ang pinakamaliit sa pitong isla sa Hawaii na may nakatira. Kaya bagay na bagay na sa bulkanikong islang ito makikita ang ilan sa pinakamaliliit na kayamanan sa daigdig​—ang napakagandang mga shell ng Niihau.

Di-tulad ng pinakamalapit na isla sa Niihau, ang Kauai na matatagpuan 27 kilometro sa gawing hilagang-silangan, ang Niihau sa kalakhang bahagi ay patag at tigang. Pero bakit ito tinawag na Forbidden Island? May mga pribadong nagmamay-ari ng Niihau at mga imbitadong bisita lamang ang puwedeng pumunta rito. Palibhasa’y kaya nilang paglaanan ang kanilang sarili ng lahat ng pangangailangan nila, wala silang mga tindahan, sentrong planta ng kuryente, at serbisyo ng tubig at koreo. Para maingatan ang kanilang sinaunang kultura, ginagamit ng humigit-kumulang 230 katutubong taga-Hawaii na naninirahan dito ang kanilang sariling wika. Kung hindi sila nagpapastol ng tupa at baka, karamihan sa kanila ay abala sa kanilang “minahan ng ginto” ng maliliit na shell. a

Sa mainit na mga buwan ng taglamig sa Hawaii, ang mga pamilya ay naglalakad o nagbibisikleta sa maaalikabok na kalsada papunta sa napakalinis na mga baybayin at mabatong look kung saan ilang oras silang nangunguha ng mga shell. Kapag marami na silang natipon, inilalatag nila ang mga ito sa malilim na lugar para matuyo. Pagkatapos, pagbubukud-bukurin nila ang mga ito ayon sa laki at kalidad, at gagawing magagandang kuwintas. Sa mga islang maraming pananim, karamihan sa mga kuwintas ay gawa sa bulaklak. Pero sa Niihau, ang mga kuwintas ay gawa sa shell.

Mga “Hiyas” Mula sa Dagat

Matagal nang ginagawang alahas ang mga shell sa Hawaii. Sa pagtatapos ng ika-18 siglo, ang mga manggagalugad na naglalakbay sa dagat​—kabilang na si Kapitan James Cook​—ay may nakita ritong mga palamuting gawa sa shell at isinulat ang tungkol dito sa kanilang talaan ng mga pangyayari. Nag-uwi rin sila ng mga sampol, na ang ilan ay malamang na galing sa Niihau. Sa paglipas ng panahon, nagsusuot na ng kaakit-akit na mga kuwintas mula sa Niihau ang mga kilaláng babae sa Hawaii, kabilang na ang mga mananayaw at maging ang mga maharlika. Sa ika-20 siglo, dahil sa mga tindahan ng subenir, sa turismo, at sa mga sundalong dumaan sa Hawaii noong Digmaang Pandaigdig II, sumikat sa labas ng bansa ang mga espesyal na “hiyas” na ito. Sa ngayon, ang magagandang kuwintas na ito na isinusuot noon ng mga maharlika sa Hawaii ay isinusuot na rin ng mga tao mula sa iba’t ibang bansa.

Ang mga shell na pinakamadalas gamitin sa paggawa ng mga kuwintas sa Niihau ay tinatawag sa Hawaii na momi, laiki, at kahelelani. Isang kasiya-siyang hamon para sa gumagawa ng mga kuwintas​—kadalasan nang babae​—ang iba’t ibang kulay at disenyo ng mga shell. Maingat nilang tinutuhog ang mga shell at ginagawa itong eleganteng mga kuwintas. Mga 20 iba’t ibang klase ng biluhaba at makikintab na momi, na ang kulay ay mula sa puting-puti hanggang kulay-kape, ang ginagamit. Kapag gumagawa sila ng kuwintas ayon sa istilo ng mamahaling Lei Pikake, gamit ang makikintab na momi na parang pinahiran ng langis at may maliit na sukat​—na sampung milimetro lamang ang haba​—nakabubuo sila ng kuwintas na kamukhang-kamukha ng mga strand ng mabango at kulay puting hasmin, o pikake.

Madalas na nagsusuot ng isang kuwintas na may ilang strand na gawa sa makintab at mukhang butil ng bigas na laiki ang mga babaing ikinakasal sa Hawaii. Iba-iba ang kulay ng makikintab na shell na ito​—mayroong puting-puti, manilaw-nilaw, at kulay-ivory. Ang ilan naman ay may mga guhit na kulay-kape. Ang mga shell na kahelelani, na isinunod marahil sa pangalan ng isang sinaunang pinuno ng Hawaii, ay limang milimetro lamang ang haba. Pinakamahirap tuhugin ang maliliit, napakagaganda, at hugis-turbanteng mga shell na ito, at ang mga kuwintas na gawa rito ang pinakamahal. Ang kulay nito ay maaaring matingkad na burgundy o ang pinakabihirang matingkad na kulay-rosas, na tatlong ulit na mas mahal kaysa sa mga shell na iba ang kulay.

Paggawa ng Kuwintas na Gawa sa Shell ng Niihau

Kapag nakapili na ng isang disenyo ang manggagawa ng kuwintas, inaalis niya ang lahat ng buhangin sa shell at binubutasan ito nang maliit. Kahit na bihasa na siya at napakaingat, nasisira pa rin ang 1 sa bawat 3 shell. Kaya dapat na marami siyang ekstrang shell para makabuo ng isang kuwintas, na maaaring umabot nang ilang taon bago matapos! Para makapagtuhog ng kuwintas, gumagamit siya ng sinulid na nylon na pinatigas ng pagkit na mabilis matuyo. Karaniwan na, isang shell na hugis-butones, gaya ng sundial o puka, ang inilalagay sa magkabilang dulo ng kuwintas, at nagdaragdag ng isa o dalawang sigay sa dulo kung saan ito pinagkakabit.

Kung gaano karami ang uri ng shell, halos ganoon din karami ang paraan ng pagtuhog dito. Kabilang na rito ang karaniwang isang-tuhog na mga kuwintas na gawa sa puting momi na maaaring 150 hanggang 190 sentimetro ang haba, mga kuwintas na may disenyong parang lubid na binubuo ng daan-daang napakaliliit na shell na kahelelani, at mga putong na may masalimuot na disenyo​—na ang ilan ay kombinasyon ng shell at buto ng halaman. Ang paggawa ng kuwintas ay mabusisi, umuubos ng malaking panahon, at nakakapagod sa mata. Pero patuloy pa rin ang mga malikhain at matiyagang mga artisano ng Niihau sa paggawa ng masalimuot na mga kuwintas na may pambihirang ganda. Naiiba ang bawat kuwintas, at ito ang dahilan kung bakit puwede itong ipantay sa presyo ng mga mamahaling hiyas at antigong alahas, na ang ilan ay nagkakahalaga ng libu-libong dolyar.

Kung ihahambing ang Niihau sa ibang isla, wala itong gaanong pananim, kaunti ang naninirahan dito, at ito ang pinakamalayong isla sa Hawaii. Pero dahil sa malikhaing paggawa ng kuwintas ng mga tagarito, ang mga tao sa ibayo ng maaliwalas na baybayin ng Niihau ay maaari ding magkaroon ng magagandang kayamanang ito mula sa “Forbidden Island.”

[Talababa]

a Ang ganitong uri ng shell ay matatagpuan din sa iba pang mga isla sa Hawaii at mga lugar sa Pasipiko, pero iba-iba ang dami at kalidad nito sa bawat lugar.

[Larawan sa pahina 24, 25]

Pinagbubukud-bukod ang pinatuyong mga shell ayon sa laki at kalidad, at ginagawang magagandang kuwintas

[Credit Line]

© Robert Holmes

[Larawan sa pahina 25]

Produktong gawa sa shell na “momi”

[Picture Credit Line sa pahina 24]

© drr.net