Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Sa nakalipas na anim na taon, “halos 100,000 tao . . . ang pinatay sa Estados Unidos.”​—THE NEW YORK TIMES, E.U.A.

Inalis ng isang Web site, kung saan nakakapag-ugnayan ang iba’t ibang mga tao sa Internet, ang mga profile ng 29,000 napatunayang nagkasala ng pang-aabuso sa sekso na gumagamit ng kanilang serbisyo. “Ang dumaraming profile [sa Web site] ng mga nang-aabuso sa sekso ay dapat tugunan agad,” ang sabi ni Richard Blumenthal, attorney general ng Connecticut.​—REUTERS NEWS SERVICE, E.U.A.

“Nakatuon ngayon ang pansin ng Tsina sa kakulangan ng magagamit nilang pangalan. . . . Isang surbey sa bansang ito noong 2006 ang nagpapakita [na] 100 apelyido lamang ang nagagamit ng halos 85 porsiyento ng 1.4 bilyong tao sa Tsina.”​—CHINA DAILY, TSINA.

Sa bawat kilometrong nilalakbay ng mga motorista, “32 beses na mas malamang na mamatay ang mga nagmamaneho ng motorsiklo” bunga ng mga aksidente kaysa sa mga nakasakay sa kotse.​—UC BERKELEY WELLNESS LETTER, E.U.A.

Mga Saksi ni Jehova, Rehistrado Na sa Turkey

Noong Hulyo 31, 2007, natanggap ng mga Saksi ni Jehova sa Turkey ang opisyal na sulat na nagsasabing sila ay isa nang rehistradong relihiyon. Ang pagkilalang ito ay magpapahintulot na sa kanila na makabili at magkaroon ng pag-aari, umupa ng mga dako para sa pagpupulong, tumanggap ng mga donasyon, at ipagtanggol ang kanilang legal na mga karapatan sa korte, kung kinakailangan.

“Lumalakas ang Loob” Dahil sa Internet

Sa isang opisyal na pahayag, ipinagmalaki ng isang Web site sa Alemanya, na dinisenyo para mapadali ang pagtataksil sa asawa, ang 310,000 gumagamit ng kanilang Web site na nadaragdagan pa ng 1,000 bawat araw. Ipinagyabang pa ng Web site na kaya nilang tulungang magtaksil ang kanilang kliyente at “siyento-porsiyentong maitatago ang pagkatao nito.” Sinabi ng isa sa mga direktor nito: “Dahil naitatago ang pagkatao sa Internet, lumalakas ang loob ng isa” at nagiging “madali para sa kaniya na makipagkilala at makipagrelasyon.” Isa pang direktor ang nagpahayag ng kaniyang tiwala na sa tulong ng Internet, darami pa ang magtataksil sa kanilang asawa.

Nagkaproblema Dahil sa Fosil

Madalas na inilalarawan ng mga siyentipiko ang mga huling “yugto” ng “ebolusyon ng tao” sa ganitong pagkakasunud-sunod: mula sa pagiging Homo habilis ay naging Homo erectus, na siya namang naging “modernong tao,” o Homo sapiens. Gayunman, dahil sa dalawang fosil na nahukay sa Kenya, na natagpuan di-kalayuan sa isa’t isa, ipinapalagay ngayon ng ilang siyentipiko na magkasabay na nabuhay ang Homo habilis at Homo erectus, ang sinasabing mga ninuno ng tao. “Ang pag-iral nila nang sabay ay patunay na hindi nagmula sa Homo habilis ang Homo erectus,” ang sabi ni Meave Leakey, isa sa mga sumulat ng report.

Mas Pangit na Panahon Kapag Dulo ng Sanlinggo

Maraming Aleman ang naniniwala na mas pangit ang panahon kapag dulo ng sanlinggo kaysa sa ibang mga araw. Maaari itong mapatunayan ng ginawang pagsusuri sa naitalang lagay ng panahon sa iba’t ibang bahagi ng Alemanya sa loob ng 15 taon, ayon sa ulat ng Der Spiegel. Ang araw ng Miyerkules ang pinakamainit, at Sabado naman ang pinakamalamig. Tuwing Sabado, 15 porsiyentong mas malakas ang buhos ng ulan at 10 porsiyentong mas madalas umulan kaysa tuwing araw ng Lunes, kung kailan halos walang ulan. Sa katamtaman, 15 minutong mas maaliwalas tuwing Martes kaysa sa Sabado. Ipinapalagay ng mga mananaliksik, na dahil ito sa araw-araw na usok na naiipon hanggang sa dulo ng sanlinggo, na siyang sanhi kung bakit hindi makatagos ang liwanag ng araw at bumigat ang mga ulap na nagiging dahilan ng pag-ulan.