Mga Huling Araw—Ano ang Kasunod Nito?
Mga Huling Araw—Ano ang Kasunod Nito?
MARAMING tao ang natatakot kapag pinag-uusapan ang tungkol sa “mga huling araw.” (2 Timoteo 3:1) Ang naiisip lamang nila ay puro di-magagandang pangyayari. Pero bakit napakaraming tao sa buong kasaysayan ang nananabik dito? Sapagkat ang mga huling araw ay nagpapahiwatig din ng magandang kinabukasan.
Halimbawa, kumbinsido si Sir Isaac Newton na ang panahon ng kawakasan ay magbibigay-daan sa isang bagong panahon ng pambuong-daigdig na kapayapaan at kasaganaan sa ilalim ng Isang Libong Taóng Pamamahala ng Kaharian ng Diyos. Sinabi niya na sa panahong iyon, matutupad ang hula sa Mikas 4:3 at Isaias 2:4 na nagsasabi: “Pupukpukin nila ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod at ang kanilang mga sibat upang maging mga karit na pampungos. Sila ay hindi magtataas ng tabak, bansa laban sa bansa, ni mag-aaral pa man sila ng pakikipagdigma.”
Nang banggitin ni Jesus ang panahon ng kawakasan, hinimok niya ang kaniyang mga tagasunod na magkaroon ng positibong pananaw. Matapos banggitin ang kahirapan, kabalisahan, at takot na iiral sa panahon ng malaking kapighatian, sinabi niya: “Kapag nagsimula nang mangyari ang mga bagay na ito, magalak kayo sapagkat malapit na ang pagliligtas sa inyo.” (Lucas 21:28, Magandang Balita Biblia) Pagliligtas mula sa ano?
Kung Ano ang mga Pangako ng Diyos
Ang digmaan, alitang-sibil, krimen, karahasan, at kakapusan ng pagkain ay ilan sa mga bagay na sumasalot ngayon sa sangkatauhan at siyang dahilan kung bakit milyun-milyon ang nabubuhay sa takot. Apektado ka ba ng alinman sa mga ito? Kung gayon, pansinin kung ano ang mga pangako ng Diyos:
“Kaunting panahon na lamang, at ang balakyot ay mawawala na . . . Ang maaamo ang magmamay-ari ng lupa, at makasusumpong nga sila ng masidhing kaluguran sa kasaganaan ng kapayapaan.”—Awit 37:10, 11.
“Ang aking bayan ay mananahanan sa mapayapang tinatahanang dako at sa mga tahanang may lubos na kapanatagan at sa tahimik na mga pahingahang-dako.”—Isaias 32:18.
“Pinatitigil [ni Jehova] ang mga digmaan hanggang sa dulo ng lupa. Ang busog ay binabali niya at pinagpuputul-putol ang sibat; ang mga karwahe ay sinusunog niya sa apoy.”—Awit 46:9.
“Uupo sila, ang bawat isa sa ilalim ng kaniyang punong ubas at sa ilalim ng kaniyang puno ng igos, at walang sinumang magpapanginig sa kanila.”—Mikas 4:4.
“Magkakaroon ng saganang butil sa lupa; sa taluktok ng mga bundok ay mag-uumapaw.”—Awit 72:16.
“Kung tungkol sa sinumang nakikinig sa akin, tatahan siya nang tiwasay at hindi maliligalig ng panghihilakbot sa kapahamakan.”—Kawikaan 1:33.
Kahit na nakatira tayo sa lugar na masasabi namang kaayaaya ang kalagayan sa buhay,
hindi pa rin tayo ligtas sa sakit at kamatayan. Mawawala na rin ang mga ito sa bagong sanlibutan ng Diyos. Kaya maaari nating asamin na makitang muli ang ating namatay na mga mahal sa buhay. Pansinin ang sumusunod na mga pangako:“Walang sinumang tumatahan ang magsasabi: ‘Ako ay may sakit.’”—Isaias 33:24.
“Papahirin [ng Diyos] ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man. Ang mga dating bagay ay lumipas na.”—Apocalipsis 21:4.
“Bilang huling kaaway, ang kamatayan ay papawiin.”—1 Corinto 15:26.
“Ang oras ay dumarating na ang lahat ng nasa mga alaalang libingan ay makaririnig ng . . . tinig [ni Jesus] at lalabas.”—Juan 5:28, 29.
Maganda ang pagkakabuod ni apostol Pedro sa lahat ng pangakong ito nang isulat niya: “May mga bagong langit at isang bagong lupa na ating hinihintay ayon sa kaniyang pangako, at sa mga ito ay tatahan ang katuwiran.” (2 Pedro 3:13) Para umiral ang katuwiran sa buong lupa, kailangan munang alisin ang sinumang magiging hadlang sa ganitong mapayapang kalagayan. Gayon din naman ang dapat gawin sa mga bansa sa ngayon na siyang sanhi ng alitan at pagdanak ng dugo dahil sa kanilang pagiging makasarili. Lahat ng gobyerno sa lupa ay papalitan ng pamamahala ng Kaharian ng Diyos na pinamumunuan ni Kristo. Ganito ang tinitiyak sa atin hinggil sa pamamahalang iyon: “Ang kasaganaan ng pamamahala bilang prinsipe at ang kapayapaan ay hindi magkakaroon ng wakas, sa trono ni David at sa kaniyang kaharian upang itatag ito nang matibay at upang alalayan ito sa pamamagitan ng katarungan at sa pamamagitan ng katuwiran, mula ngayon at hanggang sa panahong walang takda. Ang mismong sigasig ni Jehova ng mga hukbo ang gagawa nito.”—Isaias 9:7.
Maaari kang mabuhay sa ganitong kalagayan dahil tinitiyak sa atin ng Bibliya: “Ang kalooban [ng Diyos] ay na ang lahat ng uri ng mga tao ay maligtas at sumapit sa tumpak na kaalaman sa katotohanan.” (1 Timoteo 2:4) Kumuha ng kaalamang aakay sa iyo sa buhay na walang hanggan. (Juan 17:3) Huwag mo na itong ipagpaliban pa. Makipag-ugnayan sa mga tagapaglathala ng magasing ito at humiling ng isang walang-bayad na pag-aaral sa Bibliya.
[Mga larawan sa pahina 8, 9]
Maaari kang mabuhay nang mapayapa magpakailanman taglay ang sakdal na kalusugan sa darating na Paraiso sa lupa