Ang Pangmalas ng Bibliya
Ano ang Inaasahan sa Iyo ng Diyos?
NAPAKARAMI nating obligasyon sa buhay. Kung minsan, kailangan nating magpagal para magampanan ang mga ito. Gayunman, dapat nating tandaan na ang mismong buhay natin ay nagmula sa Diyos. (Awit 36:9) Kung gayon, gaano kalaking panahon at lakas ang inaasahan ng Diyos na iuukol natin sa kaniya? Nakapagpapasigla ang makatuwirang sagot ng Bibliya sa tanong na ito.
Tiyak na mas alam ni Jesus kaysa kaninuman kung ano ang inaasahan ng kaniyang Ama sa mga tao. (Mateo 11:27) Nang tanungin si Jesus kung ano ang pinakadakilang utos, sumagot siya: “Iibigin mo si Jehova na iyong Diyos nang iyong buong puso at nang iyong buong kaluluwa at nang iyong buong pag-iisip at nang iyong buong lakas.” (Marcos 12:30) Ano ang kahulugan nito? Hindi naman kaya sobra ang hinihiling sa atin ng Diyos?
Kung Ano ang Kahulugan ng Buong-Kaluluwang Pag-ibig sa Diyos
Ang pag-ibig natin sa Diyos ay sisidhi kung bubulay-bulayin natin ang kaniyang walang-hanggang kabaitan sa atin. Kung buong-kaluluwa nating iniibig ang Diyos, mauudyukan tayo na ibigay sa kaniya ang pinakamainam nating tinataglay. Madarama natin ang gaya ng nadama ng isang manunulat ng Bibliya nang itanong niya: “Ano ang igaganti ko kay Jehova sa lahat ng mga pakinabang ko mula sa kaniya?” (Awit 116:12) Paano natin maipapakita ang ating buong-kaluluwang pag-ibig sa Diyos may kaugnayan sa paggamit natin ng ating panahon?
Hindi nagtatakda ang Bibliya ng espesipikong dami ng oras na kailangan nating iukol sa pagsamba bawat linggo. Gayunman, binabanggit nito ang mga gawaing dapat nating bigyan ng priyoridad at ipinaliliwanag nito kung bakit dapat nating gawing pangunahin sa ating buhay ang mga gawaing ito. Halimbawa, itinuro ni Jesus na ang pagkuha ng kaalaman tungkol sa Diyos ay isang mahalagang hakbang tungo sa “buhay na walang hanggan.” (Juan 17:3) Sinabi rin niya sa kaniyang mga tagasunod na dapat nilang tulungan ang mga hindi nakakakilala sa Diyos na makamit ang buhay sa pamamagitan ng pagtuturo sa mga ito ng kaalaman tungkol sa Diyos. (Mateo 28:19, 20) Tinatagubilinan tayo ng Bibliya na dumalo nang regular sa mga pagtitipon kasama ng mga kapananampalataya upang mapalakas ang ating espirituwalidad at mapatibay ang isa’t isa. (Hebreo 10:24, 25) Kailangan ang panahon upang magampanan ang lahat ng ito.
Inaasahan ba ng Diyos na magiging panatiko tayo anupat wala na tayong gagawin kundi ang sumamba sa kaniya? Hinding-hindi! Kailangan din nating gumugol ng panahon para sa iba nating gawain sa araw-araw. Inuutusan ng Bibliya ang mga ulo ng pamilya na maglaan ng pangangailangan ng kanilang pamilya, na sinasabi: “Kung ang sinuman nga ay hindi naglalaan para roon sa mga sariling kaniya, at lalo na para roon sa mga miyembro ng kaniyang sambahayan, [siya ay] lalong masama kaysa sa taong walang pananampalataya.”—1 Timoteo 5:8.
Nilalang ng Diyos ang tao upang masiyahan sa buhay. Kaya angkop lamang na gumugol ng panahon kasama ng ating pamilya at mga kaibigan, at masiyahan sa masasarap na pagkain at kaayaayang libangan. Ganito ang isinulat ni Haring Solomon: “Nalaman ko na wala nang mas mabuti sa kanila kundi ang magsaya at gumawa ng mabuti habang ang isa ay nabubuhay; at na ang bawat tao rin ay kumain at uminom nga at magtamasa ng kabutihan dahil sa lahat ng kaniyang pagpapagal. Iyon ang kaloob ng Diyos.”—Nauunawaan din ng Diyos na Jehova ang mga limitasyon ng tao, na “inaalaalang tayo ay alabok.” (Awit 103:14) Sinasabi ng Bibliya na kailangan natin ang sapat na pahinga. Matapos ang abalang gawain, isinama ni Jesus ang kaniyang mga alagad sa “isang liblib na dako [para] magpahinga nang kaunti.”—Marcos 6:31.
Kaya ang buhay na nakalulugod sa Diyos ay timbang, kasama na rito ang pakikibahagi sa iba’t ibang uri ng gawain. Gayunman, anuman ang ating ginagawa—may kaugnayan man ito sa pagsamba o wala—dapat na kakikitaan ito ng ating buong-kaluluwang pag-ibig sa Diyos. Ang Bibliya ay nagpapayo: “Kayo man ay kumakain o umiinom o gumagawa ng anupaman, gawin ninyo ang lahat ng bagay sa ikaluluwalhati ng Diyos.”—1 Corinto 10:31.
Kung Paano Tayo Wastong Makapagtatakda ng mga Priyoridad
Makatotohanan ba na unahin sa ating buhay ang pagsamba sa Diyos? Higit ba ito sa ating makakaya? Totoo, ang paggawa ng mga bagay na inaasahan sa atin ng Diyos ay nangangailangan ng pagbabago—ng pagsasakripisyo pa nga—sa paggamit natin ng ating panahon. Pero makatitiyak tayong hindi hihilingin sa atin ng ating maibiging Maylalang ang isang bagay na hindi natin kayang gawin. Sa katunayan, tinutulungan niya tayo upang magawa natin ang kaniyang kalooban. At magtatagumpay tayo kung aasa tayo sa “lakas na inilalaan ng Diyos.”—1 Pedro 4:11.
Sa paanuman, maaaring maging mahirap para sa iyo na baguhin ang iyong iskedyul para magampanan ang mga gawaing may kaugnayan sa pagsamba sa Diyos. Lagi mo itong ipanalangin sa Diyos na Jehova, ang “Dumirinig ng panalangin.” (Awit 65:2) Sa iyong panalangin, maaari mong sabihin ang anumang bagay na nakababalisa sa iyo, sapagkat ‘siya ay nagmamalasakit sa iyo.’ (1 Pedro 5:7) Nanalangin si Haring David: “Turuan mo akong gawin ang iyong kalooban, sapagkat ikaw ang aking Diyos.” (Awit 143:10) Sa gayunding paraan, maaari kang humingi ng tulong sa Diyos upang magawa mo ang kinakailangang mga pagbabago sa iyong buhay.
Malugod kang inaanyayahan ng Bibliya: “Lumapit [ka] sa Diyos, at lalapit siya sa [iyo].” (Santiago 4:8) Habang nakikibahagi ka sa mga gawaing nakalulugod sa Diyos, gaya ng pag-aaral ng Bibliya at pagdalo sa mga Kristiyanong pagpupulong, mas mapapalapít ka sa Diyos. Palalakasin ka naman niya upang higit kang sumulong.
Si Jelena ay nakikipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova at ganito ang sinabi niya hinggil sa kaniyang pagsisikap na gumawa ng pagbabago sa mga priyoridad niya: “Hindi ito naging madali para sa akin.” Pero sinabi rin niya: “Nang magsimula na akong dumalo sa mga Kristiyanong pagpupulong, nagkaroon ako ng lakas ng loob na ikapit ang sinasabi ng Bibliya. Nakatulong din sa akin ang walang-sawang suporta ng iba.” Ang mga pagpapala na natatamo natin sa paglilingkod sa Diyos ay naglalaan din ng karagdagang pampatibay-loob. (Efeso 6:10) Sinabi ni Jelena, “Gumanda ang relasyon naming mag-asawa at naging mas mabisa ang paraan ng pagdisiplina ko sa aking mga anak.”
Ang makapangyarihang banal na espiritu ni Jehova ay magpapalakas at magpapasigla sa iyo na suriin ang iyong mga priyoridad at ‘bilhin ang naaangkop na panahon’ upang mapaglingkuran mo ang Diyos sa kabila ng mga panggigipit sa buhay ngayon. (Efeso 3:16; 5:15-17) Sinabi ni Jesus: “Ang mga bagay na imposible sa mga tao ay posible sa Diyos.”—Lucas 18:27.
NAPAG-ISIP-ISIP MO NA BA?
◼ Bakit dapat mong unahin sa iyong buhay ang paggawa ng kalooban ng Diyos?—Awit 116:12; Marcos 12:30.
◼ Anong mga gawain ang inaasahan ng Diyos na gagawin mo?—Mateo 28:19, 20; Juan 17:3; Hebreo 10:24, 25.
◼ Paano mo wastong maitatakda ang iyong mga priyoridad upang mapaluguran ang Diyos?—Efeso 5:15-17; Santiago 4:8.
[Larawan sa pahina 20]
Kailangan nating maging timbang upang mapaluguran ang Diyos