Sa Lupain ng Maiinit na Paliguan
Sa Lupain ng Maiinit na Paliguan
MAHIGIT 2,000 taon na ang nakararaan, itinatag ng mga Celt ang isang pamayanan na malapit sa isang lugar na maraming bukal at binigyan ito ng pangalang Ak-Ink, na nangangahulugang “Saganang Tubig.” Sa ngayon, kilala ang Ak-Ink bilang Budapest—ang kabisera ng Hungary at isa sa mga pinakamatandang lunsod sa Europa. Nasiyahan ang mga unang naninirahan doon sa paminsan-minsang paglangoy o pagrerelaks sa maiinit na bukal na nakagiginhawa at nakaaalis ng sakit ng katawan.
Noong unang siglo C.E., napasailalim sa pamahalaang Romano ang bahaging ito ng Europa. Pinalawak ng mga Romano ang pamayanang ito at nagtayo roon ng kampong militar na tinawag nilang Aquincum. Sinasabing ang pangalang Aquincum ay galing sa salitang Celt para sa tubig o mula sa katagang Latin na aqua quinque na ang ibig sabihin ay “limang katubigan.” Nagtayo ang mga Romano ng mga paagusan ng tubig, imburnal, at mga pribado at pampublikong paliguan. Oo, mahaba ang kasaysayan ng mga paliguan sa Budapest.
Ilang siglo matapos humina ang Imperyo ng Roma, muli na namang tinangkilik ang mga paliguan. Noong ika-15 siglo, pinuri ng mga manunulat nang panahong iyon ang maiinit na paliguang malapit sa kabisera ng Hungary. Dahil dito, lalong nakilala ang lunsod ng Budapest. Sinasabing gumawa si Haring Matthias Corvinus, na namuno sa Hungary mula noong 1458 hanggang 1490, ng daanang may bubong na nagdurugtong sa palasyo at sa kaniyang paboritong paliguan, ang Paliguang Rácz. Kaya naman, maaaring puntahan ang paliguan anuman ang lagay ng panahon.
Noong ika-16 at ika-17 siglo, sinakop ng mga Turko ang malaking bahagi ng Hungary, pati na ang kabisera nito. Nagtayo sila ng mga paliguan kung saan ang naliligo ay maaaring magbabad sa mainit na tubig at masiyahan sa mainit na singaw. Gumawa rin sila ng mga paliguang may mainit na tubig lamang. Ang mga paliguang ito ay may mahalagang papel kapuwa sa seremonyal na paliligo sa relihiyong Islam at sa karaniwang buhay ng mga Turko. Ang kahanga-hangang mga paliguan ng mga Turko ay may bubong na hugis-bao at mga hagdan. Hanggang balikat ang tubig nito. Gayundin, nakapalibot sa paliguan ang mga bathtub at mga pahingahan. Hindi magkakasama ang mga lalaki at babae sa paggamit ng mga paliguang ito. Ginagamit pa rin sa ngayon ang ilan sa mga paliguang ito.
Noong 1673, sinabi ng isang babasahin tungkol sa paglalakbay na ang mga paliguan sa lugar na kilala ngayong Budapest ay kabilang sa pinakamagagandang paliguan sa Europa dahil sa “maraming mainit at nakapagpapagaling na mga bukal nito gayundin dahil sa laki at ganda ng mga gusali ng mga paliguan nito.” Noong ika-19 na siglo, naging tanyag ang isa pang uri ng paliguan—ang Finnish steam bath, o sauna. Sa kalaunan, nakilala rin sa Budapest ang paliguang ito at iba pa, gaya ng mga steam room at mga paliguang may malamig na tubig.
Kayarian ng Lupa ng Budapest
Sa Budapest, mga 70 milyong litro ng tubig sa isang araw ang bumubulwak sa 123 maiinit na bukal nito. Mayroon din itong 400 bukal na may mapait na tubig. Bakit kaya gayon karami ang tubig sa lugar na ito? Dahil ito sa kayarian ng lupa ng Budapest.
Ang Ilog ng Danube, na dumadaloy sa Budapest, ay umaagos sa pagitan ng mga burol ng Buda, na nasa kanlurang pampang, at sa mababang kapatagan ng Pest, na nasa silangang pampang naman. Noong unang panahon, bahagi ng dagat ang lugar ng Budapest kung kaya naman nagkaroon dito ng mga deposito ng batong apog at dolomite. Ang mga batong ito ay nabalutan ng mga suson ng putik, marlstone, buhangin, at karbon.
Tumatagos ang tubig-ulan sa mga bitak ng lupa. Kapag umabot ang tubig sa ilalim ng lupa, umiinit ang tubig dahil sa maiinit na batong mayaman sa mineral. Dahil sa presyon, ang umuusok na tubig ay bumubulwak pabalik sa mga bitak o balon sa ibabaw ng lupa.
Ang ganitong kayarian ng lupa ay hindi lamang makikita sa Budapest kundi sa buong Hungary din naman. Kaya ipinagmamalaki ng maraming tagaroon ang kanilang tubig na mayaman sa mineral at magagandang paliguang pinaniniwalaan ng ilan na nakagagamot at nakapagpapagaling. a
Noon pa ma’y mahalaga na sa mga tao sa iba’t ibang panig ng mundo ang maiinit na bukal. Iniulat pa nga noong panahon ng mga patriyarka sa Bibliya ang pagkatuklas ng maiinit na bukal sa ilang ng Seir, na nasa pagitan ng Dagat na Patay at ng Gulpo ng Aqaba.—Genesis 36:24.
Marami pang dapat matutuhan ang mga tao hinggil sa masalimuot na planetang tinitirhan natin. Halimbawa, paano kaya inilatag ng Diyos ang mga pundasyon ng lupa at paano kaya niya ginawa ang lahat ng kamangha-manghang bagay na naroroon? Ang pagbubulay-bulay sa gayong mga tanong ay nag-uudyok sa mga taong may takot sa Diyos na humanga sa di-masukat na karunungan ng Maylalang.—Job 38:4-6; Roma 1:20.
[Talababa]
a Ang Gumising! ay hindi nagrerekomenda ng anumang partikular na paraan ng paggagamot.
[Larawan sa pahina 24, 25]
Mainit na paliguan sa Gellért Hotel
[Larawan sa pahina 24]
Ang Paliguang Rudas, itinayo ng mga Turko
[Larawan sa pahina 24, 25]
Ang Paliguang Széchenyi sa panahon ng taglamig
[Picture Credit Line sa pahina 24]
Lahat ng larawan: Courtesy of Tourism Office of Budapest