Ang Pangmalas ng Bibliya
Kasuwato ba ng mga Turo ng Bibliya ang Pamahiin?
ISANG taóng hindi sumakay ng eroplano ang isang peryodista dahil sa sinabi ng manghuhula na mamamatay siya sa isang aksidente sa eroplano. Maraming tao, anuman ang kalagayan sa buhay, kabilang na ang mga pulitiko, negosyante, artista, manlalaro, at mga estudyante sa kolehiyo, ang naniniwala sa mga pamahiin. Sa mga panahong sila ay tensiyonado, nababalisa, o hindi makapagdesisyon, iniisip nilang napoprotektahan sila ng mga pamahiin o natutulungan sila nitong matupad ang kanilang mga plano.
Maraming pamahiin ang itinuturing na makaluma o di-nakasasamang tradisyon na nagdudulot ng kapanatagan. Ganito ang sinabi ng namayapa nang antropologong si Margaret Mead: “Makikita sa mga pamahiin ang matindi nating pagnanais na matupad ang ating inaasam o maiwasang maganap ang isang masamang bagay. Bagaman hindi tayo lubusang naniniwala sa pamahiin, ang pagsunod dito sa paanuman ay nagdudulot sa atin ng kapanatagan nang hindi natin nararamdamang alipin na tayo nito.” Pero sa mga determinadong paluguran ang Diyos, dapat nilang tanungin ang kanilang sarili, ‘Kasuwato ba ng mga turo ng Bibliya ang pamahiin?’
Pinagmulan ng Pamahiin
Sa pangkalahatan, ang mga tao ay sinasalot ng takot—takot sa kamatayan, sa kababalaghan, at sa tinatawag na Kabilang-buhay, at iba pa. Determinado si Satanas, ang rebeldeng sumasalansang sa Diyos, na siluin ang mga tao, at patuloy siyang nananakot sa pamamagitan ng paghahasik ng mga kasinungalingan. (Juan 8:44; Apocalipsis 12:9) Hindi nag-iisa si Satanas sa pagsisikap na mailayo ang mga tao sa Diyos. Sa Bibliya, si Satanas ay tinatawag na “tagapamahala ng mga demonyo.” (Mateo 12:24-27) Sino ba ang mga demonyo? Noong panahon ni Noe, maraming anghel ang nakisama kay Satanas sa paghihimagsik sa Diyos kung kaya naging mga demonyo sila. Mula noon, patuloy na nilang iniimpluwensiyahan ang pag-iisip ng mga tao. At ang pamahiin ang isa sa kanilang mga paraan.—Genesis 6:1, 2; Lucas 8:2, 30; Judas 6.
Isa sa mga kasinungalingan ni Satanas ang naging basehan ng mga pamahiin. Iyon ay ang paniniwalang may kaluluwang hindi namamatay na humihiwalay sa katawan ng tao at maaaring bumalik para makipag-ugnayan sa mga buháy. Pero sinasabi ng Bibliya: “Kung tungkol sa mga patay, sila ay walang anumang kabatiran.” Sinasabi rin nito na “walang gawa ni katha man ni kaalaman man ni karunungan man” kapag namatay ang isa.—Eclesiastes 9:5, 10.
“Karima-rimarim kay Jehova”
Marami ang naniniwala sa mga kasinungalingan ni Satanas. Ito ay sa kabila ng maliwanag na tagubiling ibinigay ng Diyos sa kaniyang bayang Israel tungkol sa pamahiin maraming taon na ang nakalilipas. “Huwag masusumpungan sa iyo,” ang sabi sa kaniyang Salita, “ang sinumang nanghuhula, ang mahiko o ang sinumang naghahanap ng mga tanda o ang manggagaway, o ang isa na nanggagayuma sa iba sa pamamagitan ng engkanto o ang sinumang sumasangguni sa espiritista o ang manghuhula ng mga pangyayari o ang sinumang sumasangguni sa patay. Sapagkat ang lahat ng gumagawa ng mga bagay na ito ay karima-rimarim kay Jehova.”—Deuteronomio 18:10-12.
Nakalulungkot, ilang ulit na sinuway ng mga Israelita ang babalang iyan. Halimbawa, noong panahon ni propeta Isaias, naniwala ang ilan na gaganda lamang ang ani kung mapaluluguran ang “diyos ng Suwerte”—isang pamahiin na nagdulot ng malaking kapahamakan. Naiwala nila ang lingap at pagpapala ni Jehova.—Isaias 65:11, 12.
Nang itatag ang Kristiyanismo, hindi nagbago ang saloobin ni Jehova tungkol sa pamahiin. Hinimok ni apostol Pablo ang mapamahiing mga taga-Listra na “bumaling [sila] mula sa walang-kabuluhang mga bagay na ito tungo sa Diyos na buháy, na siyang gumawa ng langit at ng lupa at ng dagat at ng lahat ng bagay na nasa mga iyon.”—Gawa 14:15.
Paglaya sa Pamahiin
Napakaraming pamahiin, at lahat ng ito ay may pagkakatulad—lahat ay walang makatuwirang basehan. Posibleng isisi ng mga tao sa kamalasan ang kanilang mga kasawian sa halip na panagutan ang kanilang mga ginawa, at isa lamang ito sa masasamang epekto ng mga pamahiin.
Mabuti na lamang at marami na rin ang nakalaya sa pamahiin. Sinabi ni Jesus: “Malalaman ninyo ang katotohanan, at ang katotohanan ay magpapalaya sa inyo.” (Juan 8:32) Ganito ang sinabi ni Clementina, taga-Brazil na naging manghuhula sa loob ng 25 taon: “Ang panghuhula ang tanging pinagkakakitaan ko. Pero dahil sa katotohanan mula sa Bibliya, nakalaya ako sa pamahiin.” Ang totoo, pinalalakas tayo ng regular na pag-aaral ng Bibliya at taimtim na pananalangin sa Diyos na Jehova. Nakapag-iisip tayo nang malinaw at makatuwiran, na tutulong sa atin na gumawa ng tamang mga desisyon upang makaiwas sa kapahamakan at mabawasan ang kabalisahan.—Filipos 4:6, 7, 13.
Nagtatanong ang Bibliya: “Anong pakikibahagi mayroon ang liwanag sa kadiliman? Karagdagan pa, anong pagkakasuwato mayroon sa pagitan ni Kristo at ni Belial [Satanas]?” Samakatuwid, dapat iwasan ng mga tunay na Kristiyano ang pamahiin.—2 Corinto 6:14-16.
NAPAG-ISIP-ISIP MO NA BA?
◼ Sa halip na magtiwala sa Diyos, kanino nagtiwala ang mapamahiing mga Israelita noong panahon ni Isaias?—Isaias 65:11, 12.
◼ Ano ang hinimok ni apostol Pablo na gawin ng mapamahiing mga taga-Listra?—Gawa 14:15.
◼ Kasuwato ba ng mga turo ng Bibliya ang pamahiin?—2 Corinto 6:14-16.
[Mga larawan sa pahina 10]
Dahil sa pamahiin, inaakala ng mga tao na wala nang masamang mangyayari sa kanila