Ang Pangmalas ng Bibliya
Pinatatawad ba ng Diyos ang Malulubhang Kasalanan?
ANG kaawaan ay isa sa mga pangunahing katangian ng Diyos. (Awit 86:15) Gaano ba kalaki ang kaawaan niya? Isinulat ng salmista: “Kung mga kamalian ang binabantayan mo, O Jah, O Jehova, sino ang makatatayo? Sapagkat ang tunay na kapatawaran ay nasa iyo, upang ikaw ay katakutan.” (Awit 130:3, 4) Ganito naman ang sinasabi ng isa pang teksto: “Kung gaano kalayo ang sikatan ng araw sa lubugan ng araw, gayon kalayo niya inilalagay mula sa atin ang ating mga pagsalansang. Kung paanong nagpapakita ng awa ang ama sa kaniyang mga anak, si Jehova ay nagpapakita ng awa sa mga may takot sa kaniya. Sapagkat nalalaman niyang lubos ang kaanyuan natin, na inaalaalang tayo ay alabok.”—Awit 103:12-14.
Maliwanag na lubusan at saganang nagpapatawad si Jehova, at isinasaalang-alang niya ang ating mga limitasyon at kahinaan—na tayo ay “alabok.” Pansinin ang ilang halimbawa sa Bibliya na nagpapakita kung gaano kalaki ang kaawaan ng Diyos.
Tatlong beses na ikinaila ni apostol Pedro si Kristo. (Marcos 14:66-72) Noong hindi pa Kristiyano si apostol Pablo, pinag-usig niya ang mga tagasunod ni Kristo. Sinuportahan niya ang hatol na kamatayan na inilapat sa ilan sa mga tagasunod na ito. Sinang-ayunan pa nga niya ang pagpaslang sa isa sa kanila. (Gawa 8:1, 3; 9:1, 2, 11; 26:10, 11; Galacia 1:13) Gayundin, bago naging mga Kristiyano ang ilang miyembro ng kongregasyon sa Corinto, dati silang mga lasenggo, mangingikil, at magnanakaw. (1 Corinto 6:9-11) Gayunman, nang maglaon ay nakamit nila ang pagsang-ayon ng Diyos. Bakit sila pinatawad ng Diyos?
Tatlong Hakbang Upang Makamit ang Kaawaan ng Diyos
“Ako ay pinagpakitaan ng awa, sapagkat ako ay walang-alam at kumilos dahil sa kawalan ng pananampalataya,” ang isinulat ni Pablo. (1 Timoteo 1:13) Ipinahihiwatig ng mga pananalita niyang ito ang unang hakbang upang makamit ang kapatawaran ng Diyos—ang pagkuha ng tumpak na kaalaman hinggil kay Jehova at sa kaniyang mga pamantayang nasa Bibliya. (2 Timoteo 3:16, 17) Ang totoo, hindi natin mapaluluguran ang ating Maylalang kung hindi natin siya lubos na kilala. Sinabi ni Jesus sa panalangin niya sa kaniyang Ama: “Ito ay nangangahulugan ng buhay na walang hanggan, ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging tunay na Diyos, at sa isa na iyong isinugo, si Jesu-Kristo.”—Juan 17:3.
Kapag natutuhan ng tapat-pusong mga tao ang kaalamang ito, labis silang nalulungkot sa nagawa nilang mga kasalanan at napapakilos silang taimtim na magsisi. Ito ang ikalawang hakbang upang makamit ang kapatawaran ng Diyos. Ganito ang sinasabi sa Gawa 3:19: “Kaya nga magsisi kayo, at manumbalik upang mapawi ang inyong mga kasalanan.”
Binabanggit din sa tekstong ito ang ikatlong hakbang—ang panunumbalik o lubusang pagbabago. Nangangahulugan ito na dapat iwan ng isang tao ang kaniyang dating paraan ng pamumuhay at baguhin ang kaniyang mga saloobin. Kailangan niyang iayon ito sa mga pamantayan at pangmalas ng Diyos. (Gawa 26:20) Sa madaling salita, ipinakikita niya sa kaniyang paraan ng pamumuhay na taimtim siyang nagsisisi.
May Limitasyon ang Pagpapatawad ng Diyos
May mga taong gumagawa ng mga kasalanang hindi pinatatawad ng Diyos. Isinulat ni Pablo: “Kung sinasadya nating mamihasa sa kasalanan pagkatapos na matanggap ang tumpak na kaalaman sa katotohanan, wala nang anumang haing natitira pa para sa kasalanan, kundi may nakatatakot na paghihintay sa paghuhukom.” (Hebreo 10:26, 27) Ipinahihiwatig ng mga salitang ‘sinasadyang mamihasa sa kasalanan’ na ang isa ay walang balak magsisi at talagang masama ang kaniyang puso.
Ganiyan ang nangyari sa puso ni Hudas Iscariote. Sinabi ni Jesus tungkol sa kaniya: “Mas mainam pa sana sa kaniya kung ang taong iyon ay hindi na ipinanganak.” (Mateo 26:24, 25) Ganito naman ang sinabi ni Jesus tungkol sa ilang relihiyosong lider noong panahon niya: “Kayo ay mula sa inyong amang Diyablo . . . Kapag sinasalita niya ang kasinungalingan, siya ay nagsasalita ayon sa kaniyang sariling kagustuhan, sapagkat siya ay isang sinungaling at ama ng kasinungalingan.” (Juan 8:44) Gaya ni Satanas, sagad sa buto ang kasamaan ng mga taong iyon. Hindi nila pinagsisisihan ang nagawa nilang mga kasalanan, sa halip ay lalo pa nga silang nagiging manhid sa paggawa ng masama. a Totoo, dahil sa di-kasakdalan at kahinaan, kahit ang mga tunay na Kristiyano ay nagkakasala, malubha pa nga ito kung minsan. Pero hindi ito nangangahulugan na talagang masama sila.—Galacia 6:1.
Nagpakita ng Kaawaan Hanggang Kamatayan
Hindi lamang ang kasalanan kundi pati ang saloobin ng nagkasala ang binibigyang-pansin ni Jehova. (Isaias 1:16-19) Isaalang-alang sandali ang dalawang manggagawa ng kasamaan na ibinayubay kasama ni Jesus. Maliwanag na pareho silang nakagawa ng malubhang krimen, dahil inamin ng isa sa kanila: “Tinatanggap natin nang lubos ang nararapat sa atin dahil sa mga bagay na ating ginawa; ngunit ang taong ito [si Jesus] ay walang ginawang anumang mali.” Ipinahihiwatig sa sinabing ito ng kriminal na may alam siya tungkol kay Jesus. At malamang na nakatulong ang kaalamang iyon upang mabago ang kaniyang saloobin. Makikita ito sa sumunod niyang sinabi nang makiusap siya kay Jesus: “Alalahanin mo ako pagdating mo sa iyong kaharian.” Ano ang tugon ni Kristo sa taos-pusong pakiusap na iyon? “Katotohanang sinasabi ko sa iyo ngayon,” ang sabi niya, “Makakasama kita sa Paraiso.”—Lucas 23:41-43.
Isipin ito: Mamamatay na lamang si Jesus, nagawa pa niyang magpakita ng kaawaan sa isang taong umaming karapat-dapat siya sa hatol na kamatayan. Talaga ngang nakaaaliw iyon! Kaya naman, makaaasa tayo na kapuwa si Jesu-Kristo at ang kaniyang Ama, si Jehova, ay magpapakita ng kaawaan sa mga tunay na nagsisisi anuman ang nagawa nilang kasalanan.—Roma 4:7.
[Talababa]
a Tingnan ang artikulong “Nagkasala Ka ba Laban sa Banal na Espiritu?” sa pahina 16-20 ng Hulyo 15, 2007, isyu ng Ang Bantayan.
NAPAG-ISIP-ISIP MO NA BA?
◼ Paano mo ilalarawan ang kaawaan ng Diyos?—Awit 103:12-14; 130: 3, 4.
◼ Anu-anong hakbang ang dapat gawin ng isa upang makamit ang pagsang-ayon ng Diyos?—Juan 17:3; Gawa 3:19.
◼ Ano ang ipinangako ni Jesus sa nakabayubay na manggagawa ng kasamaan?—Lucas 23:43.
[Larawan sa pahina 10]
Ipinakita ni Jesus na maaaring patawarin maging ang malulubhang kasalanan