Mga Papet na Nagtatanghal ng Opera
Mga Papet na Nagtatanghal ng Opera
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA AUSTRIA
“OO, ANG ganda ng musika pero mas hanga ako sa galaw ng mga papet. Kayang-kaya nila kahit ang mahihirap na galaw. Wala pa akong nakitang ganoon!”
Ang inilalarawan ba niya ay isang pambatang palabas ng mga papet? Hindi. Maniwala ka man o hindi, iyon ang sinabi ng isang babaing hangang-hanga sa napanood niyang opera. Saan ito itinanghal? Sa pinakapambihirang teatro sa Salzburg, Austria, ang lunsod kung saan ipinanganak ang bantog na kompositor na si Mozart.
Pero narinig mo na ba ang tungkol sa mga papet na gawa sa kahoy, mga kalahati hanggang isang metro ang taas, na nagtatanghal ng mga opera? Ganiyang-ganiyan ang ginagawa ng mga papet ng Salzburg Marionette Theatre. Kapag nagsayaw na sila sa entablado, siguradong mapapahanga ang mga manonood, na para bang dinadala sila sa ibang daigdig—isang daigdig ng pantasya at nakararahuyong musika.
Pinagsamang Realidad at Pantasya
Habang pinatutugtog ang pambungad na musika at itinataas ang telon para sa unang tagpo, nagtataka kung minsan ang mga manonood sa kanilang nakikita. Talaga bang mga papet na gawa sa kahoy ang naglalakad sa entablado at kumukumpas na parang totoong mang-aawit? At bakit may maninipis
na tali sa itaas ng kanilang mga ulo? Baka madismaya ang ilang manonood at isiping, ‘Ano ba ’yan, kitang-kita naman lahat!’ Ni wala man lamang orkestra. Nakakawalang-gana ang pakikinig sa nakarekord na musika ng opera di-tulad sa aktuwal na orkestra. Baka masabi pa nga ng isang mahilig manood ng opera, ‘Nakakainis naman!’ Pero teka muna! Halos di-namamalayan ng mga manonood, unti-unti na nila itong nagugustuhan.Minsang mawala ang pagkadismaya ng mga manonood, hahanga na sila sa nakaaaliw na kilos ng mga papet. Waring napunta sila sa daigdig ng pinagsamang realidad at pantasya. Hindi na nila pansin ang mga taling seda na nagpapagalaw sa mga papet. Tuwang-tuwa ang mga manonood dahil sa kakaibang ideya na mga papet ang nagtatanghal sa entablado ng munting teatro. Ilang saglit na lamang, hindi na mukhang kakatwa ang ideyang ito at malilimutan na nilang walang-buhay na mga papet ang kanilang pinanonood. Oo, may kahanga-hangang kakayahan ang mga papet na aliwin maging ang mga dismayadong manonood na para bang dinadala sila sa munting daigdig ng mga papet.
Sa Entablado at sa Likod Nito
Kawili-wili rin ang nangyayari sa likod ng entablado. Ang talagang magagaling na tagapagtanghal ay ang mga nagpapagalaw sa mga papet na nasa likod ng entablado—o mas tamang sabihin, sa itaas ng entablado—kung saan nakatayo sila sa isang tulay. Habang iginagalaw nila ang kanilang mga kamay, na waring sumesenyas, ang mga papet naman ay kumakanta, umiiyak, nakikipaglaban, o yumuyuko—na para bang totoong mga mang-aawit ng opera.
Ipinaliwanag minsan ng The New York Times kung bakit kasiya-siya ang sining na ito: “Sa likod ng entablado, ang mga tao ay gumaganap ng kahit anong papel, anumang edad, lalaki man o babae; taglay nila ang iisang kasanayan, kung saan bihasang-bihasa sila.” At ang kasanayang iyon na nagpapagalaw sa mga papet ng Salzburg ay talaga namang kahanga-hanga.
Papet sa Halip na Walang-Buhay na Estatuwa
Naging matagumpay ang Salzburg Marionette Theatre sa loob ng 90 taon—mula noong 1913, nang kauna-unahang itanghal ng grupo ang isa sa mga opera ni Mozart. Ang iskultor na si Anton Aicher ang nagtatag ng teatro. Nagsanay munang maglilok si Aicher sa Munich at saka siya gumawa ng mga papet na napagagalaw na parang totoong tao. Di-nagtagal napansin niyang mas kasiya-siya ang gumawa ng mga papet kaysa lumilok ng mga estatuwang pang-altar.
Hindi nagtagal, ang buong pamilya ni Aicher ay abalang-abala sa paghahanda para sa pagtatanghal ng mga papet. Masaya silang tumulong sa pananahi ng damit ng mga papet at sa pag-aayos ng gagamiting mga musika at iskrip. Talagang naging matagumpay sila, anupat dumami ang kanilang itinatanghal na mga opera. At mula noong 1927 patuloy, naaanyayahan silang magtanghal sa ibang bansa. Sa ngayon, regular silang napapanood sa ilang bansa, gaya sa Hapon at Estados Unidos. Nasisiyahan ang mga tao, anuman ang kanilang kultura, sa pagtatanghal ng mga papet.
Libangan Para sa Iyo?
Ang opera ay “isang drama na ang salitaan ay inaawit at sinasaliwan ng mga instrumento sa musika, at karaniwan nang nakakostiyum ang mga mang-aawit.” (The Concise Oxford Dictionary of Music) Ang mga liriko ng opera ay batay sa mitolohiya, kasaysayan, kathang-isip, at mga kuwento sa Bibliya. Ito ay maaaring nakakatawa o nakakaiyak. Maaari ding tungkol ito sa pag-ibig. Karaniwan nang nasa wikang Aleman o Italyano ang itinatanghal sa teatrong ito ng mga papet. Kaya mabuting basahin muna ang buod ng opera na isinalin sa wika mo para makita kung masisiyahan ka rito.
Paano malalaman ng isang Kristiyano kung dapat niyang panoorin ang isang opera? Panonoorin ba niya ito dahil sikat ang mga mang-aawit? O dahil maganda ang musika? O dahil ba sa istorya na pinagbatayan ng liriko nito?
Siyempre pa, gaya ng gagawin ng isang Kristiyano sa pagpili ng libangan, titingnan muna niya ang buod para malaman kung maaari niyang pakinggan o panoorin ang isang opera. Dapat itong kasuwato ng pamantayang sinabi ni Pablo: “Sa katapus-tapusan, mga kapatid, anumang bagay na totoo, anumang bagay na seryosong pag-isipan, anumang bagay na matuwid, anumang bagay na malinis, anumang bagay na kaibig-ibig, anumang bagay na may mabuting ulat, anumang kagalingan ang mayroon at anumang kapuri-puring bagay ang mayroon, patuloy na isaalang-alang ang mga bagay na ito.”—Filipos 4:8.
[Mapa sa pahina 8]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
AUSTRIA
VIENNA
Salzburg
[Larawan sa pahina 8]
Ang lahat ng tauhang papet ay handang magtanghal ng iba’t ibang opera
[Larawan sa pahina 9]
Ang Salzburg Marionette Theatre
[Larawan sa pahina 10]
Anton Aicher, tagapagtatag
[Credit Line]
By courtesy of the Salzburg Marionette Theatre
[Picture Credit Line sa pahina 8]
Lahat ng larawan sa pahina 8 at 9: By courtesy of the Salzburg Marionette Theatre