Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Bakit Tayo Natatakot sa Kamatayan?

Bakit Tayo Natatakot sa Kamatayan?

Bakit Tayo Natatakot sa Kamatayan?

“Kamatayan ang pinakakahila-hilakbot sa lahat ng bagay; dahil ito na ang wakas.”​—Aristotle.

ISANG babae ang itinuturing ng kaniyang mga kasamahan na relihiyosa, isang deboto. Tinatawag pa nga siya ng ilan na “haligi ng kanilang relihiyon.” Itinuro sa kaniya na ang kamatayan ay hindi talaga katapusan ng lahat ng bagay kundi isang daan patungo sa kabilang-buhay. Pero noong nasa bingit na siya ng kamatayan, takot na takot siya. Dahil punô ng pag-aalinlangan, nagtanong siya sa kaniyang espirituwal na tagapayo, “Napakaraming [paniniwala tungkol sa kung ano ang nangyayari pagkamatay]; paano mo malalaman kung alin ang tama?”

Naniniwala ang halos lahat ng relihiyon at lipunan sa ideya na patuloy na umiiral, o muling iiral, ang mga tao pagkamatay nila. Sa dami ng pinaniniwalaan, alin nga ba ang totoo? Maraming tao ang hindi naniniwala sa kabilang-buhay. Kumusta ka naman? Itinuro ba sa iyo na nagpapatuloy ang buhay ng tao pagkamatay? Naniniwala ka ba na gayon nga? Natatakot ka ba sa kamatayan?

Takot na Hindi na Umiral

Maraming aklat at report sa siyensiya tungkol sa pagkatakot sa kamatayan ang isinulat nitong nakaraang mga dekada. Magkagayunman, ayaw pa ring isipin ng karamihan ang kamatayan. Pero dahil talagang namamatay tayo, darating ang panahon na mapipilitan din tayong pag-isipan iyon. Talagang walang-katiyakan ang buhay ng tao​—mahigit 160,000 katao sa katamtaman ang namamatay sa bawat araw! Lahat ng tao ay namamatay, at ang katotohanang iyan ang kinatatakutan ng marami.

May iba’t ibang uri ng pagkatakot sa kamatayan ayon sa mga eksperto. Kasama rito ang takot na makadama ng kirot, takot sa isang bagay na hindi nauunawaan, takot na mamatayan ng mahal sa buhay, at takot sa masasamang epekto na maaaring idulot nito sa mga naulila.

Pangunahin sa mga kinatatakutang iyon ang takot na hindi na umiral. Natatakot ang karamihan, anuman ang kanilang relihiyosong paniniwala, sa ideya na kamatayan ang katapusan ng buhay. At ginagatungan pa ng siyensiya ang pagkatakot na iyan. Kung sa bagay, halos lahat ng gawain ng katawan ng tao ay naipaliliwanag na ngayon ng siyensiya. Tiyak na wala pang natatagpuan ang mga biyologo, pisiko, o kimiko na ebidensiya ng isang di-nakikitang bahagi natin na maaaring patuloy na umiral pagkamatay ng pisikal na katawan. Kaya ipinaliliwanag ng maraming siyentipiko ang kamatayan ng tao bilang isa lamang likas na proseso ng buhay.

Kaya hindi kataka-takang marami ang waring taimtim na naniniwala sa kabilang-buhay pero baka takot na takot naman na hindi na umiral kapag namatay sila. Kapansin-pansin, maaaring ituring ng ilan na nakatatakot ang isinulat ng sinaunang hari na si Solomon tungkol sa kamatayan​—na ito ang wakas ng buhay.

“Alabok”​—Huling Hantungan?

Sa aklat ng Eclesiastes na isinulat 3,000 taon na ang nakararaan, sinabi ni Solomon: “Alam ng buhay na sila’y mamamatay, ngunit ang patay ay walang alam kahit na ano; wala na silang kakamtin pang gantimpala; pati alaala sa kanila ay nalilimutan. Ang kanilang pag-ibig, ang pagkamuhi at ang kanilang panibugho ay matagal nang napawi.” Idinagdag pa niya: “Anumang masumpungang gawin ng iyong kamay, gawin mo sa abot ng iyong makakaya pagkat sa libingang pupuntahan mo ay wala nang paggawa, pagpaplano, ni kaalaman o karunungan.”​—Eclesiastes 9:5, 6, 10, Ang Biblia​—Bagong Salin sa Pilipino.

Kinasihan si Solomon na sabihing “ang kapalaran ng tao’y tulad ng kapalaran ng hayop; iisa ang kapalarang naghihintay sa kanilang dalawa: Kung paanong namamatay ‘yong isa, gayon din ‘yong isa . . . Ang tao’y hindi nakahihigit sa hayop. . . . Lahat ay pupunta sa iisang lugar; lahat ay galing sa alabok, at sa alabok din babalik.”​—Eclesiastes 3:19, 20, Ang Biblia​—Bagong Salin sa Pilipino.

Bagaman si Haring Solomon ang sumulat ng nabanggit sa itaas, kinasihan iyon ng Diyos at bahagi ng Kaniyang nasusulat na Salita, ang Bibliya. Ang mga tekstong ito, pati na ang maraming iba pa sa Bibliya, ay hindi kaayon ng paniniwala ng marami na may isang bahagi natin na patuloy na umiiral sa ibang anyo pagkamatay natin. (Genesis 2:7; 3:19; Ezekiel 18:4) Kung gayon, sinasabi ba sa atin ng Diyos na ang “alabok,” o ang di-pag-iral, ang katapusan ng lahat para sa mga tao? Hinding-hindi!

Hindi itinuturo ng Bibliya na may anumang bahagi sa katawan ng tao na umiiral pa rin pagkamatay. Pero nagbibigay ito ng maliwanag na pag-asa para sa mga namatay. Ipakikita ng susunod na artikulo kung bakit hindi ka dapat matakot na sa kamatayan natatapos ang lahat ng bagay.

[Kahon sa pahina 3]

DI-MATATAKASANG KAAWAY

Tinatawag na kaaway ng tao ang kamatayan. Isa itong tunay na kaaway, at kitang-kita ang ebidensiya na gayon nga ito. Ayon sa isang pagtaya, mga 59 na milyon katao ang namamatay taun-taon​—sa katamtaman ay 2 sa bawat segundo. Sa anu-anong paraan nambibiktima ang kamatayan?

◼ Isang tao ang namamatay sa digmaan bawat 102 segundo.

◼ Isang tao ang pinapaslang bawat 61 segundo.

◼ Isang tao ang nagpapakamatay bawat 39 na segundo.

◼ Isang tao ang namamatay sa aksidente sa daan bawat 26 na segundo.

◼ Isang tao ang namamatay dahil sa gutom bawat tatlong segundo.

◼ Isang bata na wala pang limang taóng gulang ang namamatay bawat tatlong segundo.

[Kahon sa pahina 4]

WALANG-SAYSAY NA PAGHAHANAP

Noong Nobyembre 9, 1949, nawala sa kabundukan ng Arizona, E.U.A. ang 70 anyos na minero ng tanso na si James Kidd. Pagkalipas ng ilang taon, nang ideklara ng hukuman na patay na siya, natagpuan ang testamentong isinulat niya gamit ang lapis, pati na ang pera at sertipiko ng pagmamay-ari niya sa ilang kompanya na daan-daang libong dolyar ang halaga. Isinaad ni Kidd sa testamento niya na ang pera ay gagamitin sa pananaliksik upang humanap ng mga “katibayan sa siyensiya na may kaluluwang humihiwalay sa katawan ng tao pagkamatay.”

Di-nagtagal pagkalipas nito, mahigit 100 diumanong mananaliksik at siyentipiko ang humiling na gamitin ang pondo. Inabot ng ilang buwan ang mga sesyon ng pagdinig sa korte at libu-libo ang nag-angking may di-nakikitang kaluluwa. Sa wakas, ipinagkaloob ng hukuman ang pera sa dalawang kilalang organisasyon sa pananaliksik. Lumipas ang mahigit 50 taon, ang mga mananaliksik na iyon ay wala pa ring natatagpuang “katibayan sa siyensiya na may kaluluwang humihiwalay sa katawan ng tao pagkamatay.”