Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Ano ang Dapat Kong Gawin Kapag Nag-aaway ang mga Magulang Ko?

Ano ang Dapat Kong Gawin Kapag Nag-aaway ang mga Magulang Ko?

APEKTADO ka talaga kapag nag-aaway ang mga magulang mo dahil mahal mo sila at umaasa ka sa kanilang suporta. Kaya kapag waring hindi sila magkasundo, baka mabalisa ka sa iba’t ibang bagay. Bakit kaya kung minsan ay hindi nagkakaintindihan ang iyong mga magulang?

Magkaibang Pananaw

Sinabi ni Jesus na kapag nag-asawa ang isang lalaki at isang babae, sila ay “magiging isang laman.” (Mateo 19:5) Ngunit nangangahulugan ba ito na magiging palagi nang pareho ang pananaw ng tatay at nanay mo sa mga bagay-bagay? Hindi nga. Ang totoo, sinumang dalawang tao​—maging ang isang mag-asawa na talagang pinag-isa​—ay magkakaroon ng pagtatalo paminsan-minsan.

Kapag hindi magkasundo sa ilang bagay ang iyong mga magulang, hindi naman ibig sabihin nito na nasisira na ang kanilang pagsasama. Malamang na mahal pa rin nila ang isa’t isa​—kahit na nagkakainisan sila kung minsan. Kaya bakit sila nag-aaway? Marahil magkaiba ang pananaw nila sa ilang bagay. Hindi naman ito laging mali, ni nangangahulugang katapusan na ito ng kanilang pagsasama.

Upang ilarawan: Nasubukan mo na bang manood ng sine kasama ang malalapít na kaibigan at pagkatapos ay magkakaiba ang inyong naging opinyon hinggil sa napanood ninyo? Puwede itong mangyari. Kahit ang mga taong malapít sa isa’t isa ay magkakaroon ng magkakaibang pananaw sa mga bagay-bagay.

Maaaring ganiyan din ang iyong mga magulang. Marahil pareho silang nababahala sa pananalapi ng inyong pamilya, pero magkaiba ang kanilang pangmalas sa pagbabadyet; pareho nilang gustong magplano ng bakasyon para sa pamilya, pero magkaiba ang ideya nila kung ano ang magandang paraan ng pagrerelaks; o pareho nilang gustong magtagumpay ka sa pag-aaral, pero magkaiba ang naiisip nilang paraan para maudyukan kang mag-aral na mabuti. Ang punto, hindi kailangang magkapareho ng opinyon para magkaisa. Kahit ang dalawang tao na nabubuklod bilang isang laman ay maaaring magkaroon ng magkaibang pananaw sa mga bagay-bagay.

Pero bakit hinahayaan kung minsan ng iyong mga magulang na humantong sa away ang pagkakaiba ng kanilang opinyon? Bakit nauuwi sa mainitang pagtatalo ang simpleng bagay na gaya ng pagkakaiba ng pananaw?

Ang Epekto ng Di-kasakdalan

Ang di-kasakdalan ang dahilan ng maraming pag-aaway ng mga magulang. Nagbabala ang Bibliya: “Tayong lahat ay natitisod nang maraming ulit. Kung ang sinuman ay hindi natitisod sa salita, ang isang ito ay taong sakdal.” (Santiago 3:2) Di-sakdal ang iyong mga magulang, at maging ikaw. Kung minsan, tayong lahat ay nakapagbibitiw ng mga salitang hindi natin napag-isipan, at kung minsan, nakakasakit ang ating mga salita na gaya ng “mga saksak ng tabak.”​—Kawikaan 12:18.

Malamang na napapansin mo rin iyan sa iyong sarili. Halimbawa, may natatandaan ka bang pagkakataon na nakasagutan mo ang isa na itinuturing mong malapít sa iyo? Malamang na mayroon. “Nagkakaroon ng di-pagkakaunawaan ang lahat,” ang pag-amin ng isang kabataang nagngangalang Marie. * “Sa katunayan, kung minsan ang mga taong pinakamamahal ko ang siya pang nakakainisan ko​—marahil dahil malaki ang inaasahan ko sa kanila!” Malaki ang inaasahan ng Kristiyanong asawang lalaki at babae sa isa’t isa, yamang nagtatakda ang Bibliya ng mataas na pamantayan para sa kanila. (Efeso 5:24, 25) Yamang hindi sila sakdal, sa malao’t madali ay tiyak na magkakamali ang isa sa kanila o silang dalawa mismo. Sinasabi ng Bibliya: “Ang lahat ay nagkasala at nagkukulang sa kaluwalhatian ng Diyos.”​—Roma 3:23; 5:12.

Kaya hindi mo dapat pagtakhan kung magkaroon man ng di-pagkakaunawaan ang mga magulang mo. Sa katunayan, sumulat si apostol Pablo na makararanas ang mga may-asawa ng “kapighatian sa kanilang laman” o, gaya ng salin ng The New English Bible, “kirot at dalamhati.” (1 Corinto 7:28) Isang mahigpit na amo, pagkaipit sa buhul-buhol na trapiko, pagdating ng di-inaasahang bayarin​—ilan lamang ang mga ito sa maaaring magpainit sa ulo ng iyong mga magulang at magdulot ng tensiyon sa tahanan.

Mas mauunawaan mo kung bakit nag-aaway ang iyong mga magulang sa pagkaalam na hindi sila sakdal at kung minsan ay nakararanas sila ng matinding kaigtingan. Iyan ang napatunayan ni Marie. “Parang mas madalas na ngayong magtalo ang aking mga magulang,” ang sabi niya, “at kung minsan, naiisip kong baka nagsasawa na sila sa isa’t isa. Pero sinasabi ko sa sarili ko, ‘Aba, hindi biro ang magsama ng 25 taon at magpalaki ng limang anak!’” Marahil makapagpapakita ka rin ng empatiya kung uunawain mo na maraming pananagutang dapat balikatin ang iyong mga magulang.​—1 Pedro 3:8.

Kung Paano Ito Mahaharap

Maaaring tanggap mo na di-sakdal ang iyong mga magulang, at alam mong napapaharap sila sa kaigtingan sa araw-araw. Pero ang tanong pa rin ay, Ano ang magagawa mo kapag nag-aaway sila? Subukan mo ang sumusunod na mungkahi:

Huwag makialam. (Kawikaan 26:17) Hindi mo responsibilidad na payuhan ang iyong mga magulang o ayusin ang kanilang gusot. Malamang na ikaw pa ang mapagbuntunan ng galit nila kung makikialam ka. “Sinubukan kong awatin sila noon, pero madalas akong nasasabihan na huwag makialam,” ang sabi ng 18-anyos na si Charlene. Hayaan mong sila ang lumutas ng kanilang problema.

Magkaroon ng tamang pangmalas. (Colosas 3:13) Gaya ng nabanggit na, kapag nag-aaway paminsan-minsan ang iyong mga magulang, hindi naman ibig sabihin nito na magkakahiwalay na sila. Kaya huwag kang masyadong mabahala kapag nagkakasagutan sila kung minsan. Ganito ang sabi ng 20-anyos na si Melanie hinggil sa kaniyang mga magulang: “Kahit na nag-aaway sila, alam kong mahal pa rin nila ang isa’t isa at ang aming pamilya. Maaayos din nila iyon.” Maaaring totoo rin iyan sa iyong mga magulang kapag hindi sila nagkakaunawaan.

Ipanalangin ang iyong mga pangamba. Hindi mo kailangang solohin ang nadarama mong kabalisahan. Sinasabi ng Bibliya: “Ihagis mo ang iyong pasanin kay Jehova, at siya ang aalalay sa iyo.” (Awit 55:22) Malaki ang maitutulong ng panalangin. Sumulat si apostol Pablo sa mga taga-Filipos: “Ipaalam ang inyong mga pakiusap sa Diyos; at ang kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan ay magbabantay sa inyong mga puso at sa inyong mga kakayahang pangkaisipan sa pamamagitan ni Kristo Jesus.”​—Filipos 4:6, 7.

Alagaan ang iyong sarili. Hindi tamang mabalisa sa isang bagay na hindi mo kayang kontrolin. Makaaapekto lamang ito sa iyong kalusugan at kaligayahan. Sinasabi ng Bibliya: “Ang pagkabalisa sa puso ng tao ang siyang magpapayukod nito.” (Kawikaan 12:25) Makisama sa nakapagpapatibay na mga kaibigan at makibahagi sa makabuluhang mga gawain upang maibsan ang iyong kabalisahan.

Kausapin ang iyong mga magulang. Bagaman hindi mo kailangang makisangkot sa away ng iyong mga magulang, puwede mo namang sabihin sa kanila ang epekto sa iyo ng kanilang pag-aaway. Pumili ng angkop na panahon para lapitan ang isa sa kanila. (Kawikaan 25:11) Magsalita nang may “mahinahong kalooban at matinding paggalang.” (1 Pedro 3:15) Huwag manumbat. Sabihin lamang kung paano ka naaapektuhan.

Bakit hindi mo subukan ang mga mungkahi sa itaas? Baka sakaling maganda ang maging pagtugon ng iyong mga magulang. Pero kung hindi man, magkakaroon ka pa rin ng kasiyahan sa pagkaalam na bagaman hindi mo kayang kontrolin ang iyong mga magulang, may magagawa ka para makontrol ang iyong reaksiyon kapag nag-aaway sila.

Mas marami pang artikulo mula sa seryeng “Young People Ask . . .” ang mababasa sa Web site na www.watchtower.org/ype

[Talababa]

^ par. 12 Binago ang mga pangalan sa artikulong ito.

PAG-ISIPAN

◼ Bakit nahihirapan kung minsan ang mga magulang na magkasundo?

◼ Ano ang sasabihin mo sa nakababata mong kapatid na masyadong apektado sa pag-aaway ng inyong mga magulang?

[Kahon sa pahina 20]

MENSAHE SA MGA MAGULANG

Hindi talaga maiiwasan ng mga mag-asawa na magkaroon ng di-pagkakaunawaan. Pero may mga paraan para malutas ninyo ang mga ito. Lubhang naaapektuhan ang mga kabataan kapag nagtatalo ang mga magulang. Seryosong bagay ito, yamang, sa diwa, ang inyong pagsasama ang huwaran na malamang na tularan ng inyong mga anak kapag nag-asawa sila. (Kawikaan 22:6) Kapag nagkaroon kayo ng di-pagkakaunawaan, isang pagkakataon ito para ipakita sa inyong mga anak ang mahuhusay na paraan sa paglutas sa di-pagkakasundo. Subukan ang sumusunod:

Makinig. Sinasabi sa atin ng Bibliya na “maging matulin sa pakikinig, mabagal sa pagsasalita, mabagal sa pagkapoot.” (Santiago 1:19) Huwag nang palakihin pa ang gulo sa pamamagitan ng ‘pagganti ng masama sa masama.’ (Roma 12:17) Kung ayaw makinig ng iyong asawa, puwedeng ikaw ang makinig.

Sikaping magpaliwanag sa halip na mamuna. Sa mahinahong paraan, sabihin sa iyong asawa kung paano ka naapektuhan ng kaniyang paggawi. (“Nasaktan ako nang . . .”) Huwag kang manumbat at mamuna. (“Binabale-wala mo ako.” “Hindi mo ako pinakikinggan.”)

Magpalamig muna ng ulo. Saka na mag-usap uli kapag malamig na ang ulo ninyo. Sinasabi ng Bibliya: “Ang pasimula ng pagtatalo ay gaya ng isang nagpapakawala ng tubig; kaya bago sumiklab ang away, umalis ka na.”​—Kawikaan 17:14.

Humingi ng paumanhin sa isa’t isa​—at, kung angkop, sa inyong mga anak. Ganito ang sabi ni Brianne, 14 anyos: “Kung minsan pagkatapos nilang mag-away, humihingi sila ng paumanhin sa akin at sa kuya ko dahil alam nilang apektado kami.” Ang isa sa pinakamahalagang aral na maituturo mo sa iyong mga anak ay kung paano mapagpakumbabang magsabi ng, “Pasensiya ka na.”

Para sa karagdagang impormasyon, tingnan ang mga isyu ng Gumising! ng Enero 8, 2001, pahina 8-14, at Enero 22, 1994, pahina 3-12.

[Larawan sa pahina 19]

Huwag manumbat. Sabihin lamang ang iyong nadarama