Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Bakit Dapat Magpatingin sa Dentista?

Bakit Dapat Magpatingin sa Dentista?

Bakit Dapat Magpatingin sa Dentista?

NOONG wala pang makabagong dentistri, karaniwan nang problema ng mga tao mula pagkabata ang pagsakit ng ngipin at pagkabungi. Nabawasan ang ganda ng marami dahil sila’y bungi, sungki, o may maitim na ngipin. Ang mga may-edad nang walang ngipin ay dumanas ng malnutrisyon at mas maagang namamatay dahil hindi sila makanguya. Sa ngayon, ang mga nagpapatingin sa dentista ay maaaring hindi na dumanas ng sakit ng ngipin, hindi na kailanman mabungi, at maaari nang magkaroon ng magandang ngiti. Paano nagawa ng makabagong dentistri ang tatlong kahanga-hangang bagay na ito?

Malaking tulong ang preventive dentistry, na nagdiriin sa kahalagahan ng pagkakaroon ng kaalaman sa pangangalaga ng ngipin at ng regular na pagpapatingin sa dentista para maiwasan ang pagsakit ng ngipin at pagkabungi. Sinabi ni Jesus: “Yaong malulusog ay hindi nangangailangan ng manggagamot.” (Lucas 5:31) Nakinabang nang malaki ang ilan nang matutuhan nila ang tamang pangangalaga sa ngipin at gilagid kaya hindi na nila kailangang magpatingin nang madalas sa dentista. * Gayunman, maraming tao ang umiiwas sa mga dentista. Ayaw magpatingin ng ilan sa dentista dahil hindi sila nababahala. Ang iba ay nabibigatan sa gastos. Ang iba naman ay natatakot. Anuman ang kalagayan mo, makabubuting itanong: Ano ba ang maitutulong sa akin ng dentista? Sulit bang magpatingin? Para makita natin ang kahalagahan ng preventive dentistry, kailangan nating maunawaan kung ano ang sinisikap agapan ng mga dentista.

Kung Bakit Nasisira ang Ngipin

Matutulungan ka ng dentista na maiwasang magdusa dahil sa pagsakit ng ngipin at pagkabungi. “Kung makikipagtulungan ka, mahahadlangan ng dentista ang pagkasira ng ngipin dahil sa plaque, isang malambot na suson ng baktirya na nakadikit sa iyong ngipin. Nabubuhay ang mga baktirya sa maliliit na piraso ng pagkaing naiwan sa ngipin. Dahil sa baktirya, ang asukal ay nagiging acid na sumisira sa enamel ng ngipin kaya nagkakaroon ito ng pagkaliliit na butas. Sa kalaunan, nasisira ang ngipin kapag tuluyan nang lumaki ang butas. Pero wala ka pang mararamdamang sakit. Makakaramdam ka lamang ng matinding pananakit kapag umabot na ang sira sa central pulp ng iyong ngipin.

May isa pang pahirap na idudulot ang mga baktiryang bumubuo sa plaque. Kapag hindi naalis sa pagsisipilyo ang plaque, titigas ito at magiging calculus, o tartar, kaya maaaring mamaga ang gilagid at umurong. Magkakaroon ngayon ng puwang ang ngipin at gilagid. Maaaring sumingit dito ang pagkain at pamahayan ng mga baktirya na maaaring magdulot ng impeksiyon sa gilagid. Matutulungan ka ng dentista na agapan ito, pero kung babale-walain mo ito, mapipinsala nang husto ang tissue sa palibot ng iyong ngipin hanggang sa kusang mabunot ang ngipin. Karaniwan nang ito ang nagiging dahilan ng pagkabunot ng ngipin at hindi ang pagkasira ng mismong ngipin.

Malaking tulong ang laway para maiwasan ang dalawang nabanggit na pag-atake ng baktirya. Marami ka mang kinain o kahit isa lamang matamis na biskuwit, mga 15 hanggang 45 minuto ang kailangan para maalis ng laway ang maliliit na piraso ng pagkaing naiwan sa iyong bibig at mabawasan ang acid sa plaque sa iyong ngipin. Ang tagal ay depende kung gaano karaming asukal o maliliit na piraso ng pagkain ang dumikit sa iyong ngipin. Maliwanag na sa mga oras na ito nasisira ang iyong ngipin. Kaya ang laki ng pinsala sa iyong ngipin ay maaaring hindi depende sa dami ng asukal na kinakain mo, kundi sa dalas ng iyong pagkain at pagmemeryenda ng matatamis. Yamang hindi ka masyadong naglalaway kapag natutulog, ang lalong makasisira sa iyong ngipin ay ang pagkain o pag-inom ng matatamis bago matulog nang hindi nagsisipilyo. Sa kabilang banda, sinasabing maglalaway ka kapag ngumuya ka ng walang-asukal na chewing gum matapos kumain at proteksiyon ito sa iyong ngipin.

Preventive Dentistry

Inirerekomenda ng mga dentista ang regular na pagpapatingin nang minsan o dalawang beses sa isang taon, depende sa kondisyon ng iyong ngipin. Kapag nagpatingin ka, malamang na i-X-ray ng dentista ang iyong ngipin at suriin itong mabuti kung may sira. Sa tulong ng local anesthetic at high-speed drill, maaari niyang pastahan ang mga butas nang hindi ka nasasaktan. Para sa mga natatakot na pasyente, gumagamit ngayon ang ilang dentista ng mga laser o gel na tumutunaw ng sira sa ngipin, kaya hindi na gaanong gagamit o hindi na talaga kakailanganin pang gumamit ng drill o local anesthetic. Sa mga bata, sinusuring mabuti ng mga dentista ang mga bagong-tubong bagang kung may bitak o uka ang pinakaibabaw ng ngipin na mahirap linisin kapag nagsisipilyo. Maaaring irekomenda ng dentista na pastahan ang mga ukang ito para pumatag at sa gayo’y madali itong linisin at maiwasan ang pagkasira.

Sa mga adultong pasyente, sakit sa gilagid ang lalo nang inaagapan ng mga dentista. Kaya kakayurin ng dentista ang anumang makita niyang tartar. Kapag nagsisipilyo, karaniwan nang may mga bahagi ng ngipin na nakakaligtaan, kaya maaaring turuan ka ng iyong dentista hinggil sa tamang pagsisipilyo. Inirerekomenda ng ilang dentista na magpatingin ang kanilang pasyente sa isang dental hygienist, na espesyalista sa ganitong mahalagang serbisyo.

Pag-aayos sa Sirang Ngipin

Kung ikaw ay bungi, may ngiping sira o sungki, matutuwa kang malaman na marami nang bagong pamamaraan ang mga dentista para maiayos ang mga ito. Gayunman, mahal ang pagpapaayos ng ngipin, kaya hindi ka dapat gumastos nang higit sa talagang makakaya mo. Pero iniisip naman ng marami na sulit ang gastos sa pagpapaayos ng ngipin. Marahil ay maiaayos ng dentista ang pagnguya mo. O maaaring lalo pa niyang mapaganda ang iyong ngiti​—at hindi ito maliit na bagay, yamang kapag hindi maganda ang iyong ngipin, apektado nito ang iyong buhay.

Kapag may basag o mantsa ang iyong ngipin sa harapan, maaaring irekomenda ng dentista na lagyan ito ng veneer, marahil ay gawa sa porselana na katulad na katulad ng natural na enamel ng ngipin. Idinidikit ang veneer sa harap ng sirang ngipin, anupat gaganda na ito at matatakpan ang mantsa. Para naman sa mga ngiping malaki na ang sira, maaaring irekomenda ng dentista ang cap, na karaniwang tinatawag na crown. Tatakpan nito ang buong ngipin na natira kaya mayroon ka nang bagong ngipin, na maaaring gawa sa ginto o sa materyales na parang natural na ngipin.

Ano ang remedyo ng iyong dentista sa mga bungi? Maaari siyang magkabit ng de-tanggal na pustiso, o kaya naman ay fixed bridge na itatakip sa ngipin sa magkabilang dulo ng puwang at siyang pinagkakabitan ng isa o higit pang pustiso. Isa pang opsyon na nagiging popular ay ang implant. Magbabaon ang dentista ng turnilyo na gawa sa titanium sa buto ng panga sa mismong bungi, at kapag naghilom na ang buto at gilagid, ikakabit na niya ang artipisyal na ngipin sa turnilyo. Para na itong totoong ngipin.

Puwedeng mailang ang isa kapag sungki ang kaniyang ngipin. Mahirap din itong linisin kaya mas madali itong masisira. Kapag hindi tama ang pagkakahanay ng mga ngipin, maaaring kumirot ang mga ito at mahirapan kang ngumuya. Mabuti na lamang at karaniwan nang nareremedyuhan ng mga dentista ang gayong mga problema sa pamamagitan ng brace. Dahil sa mga pagsulong kamakailan sa disenyo ng mga ito, hindi na gaanong nahahalata ang makabagong mga brace, at hindi na rin kailangan ang madalas na paghihigpit.

Higit na binibigyang-pansin ngayon ng ilang dentista kung paano lulunasan ang mabahong hininga. Karamihan ng mga tao ay paminsan-minsang nagkakaroon ng mabahong hininga, at hindi naman ito nawawala sa ilan. May ilang posibleng dahilan. Alam ng ilang dentista ang espesipikong mga sanhi nito. Karaniwan na, dulot ito ng baktirya na nasa pinakalikod na bahagi ng dila. Makatutulong ang pagsisipilyo o pagkayod ng dila. Makatutulong din ang laway kaya maaari kang ngumuya ng walang-asukal na chewing gum. Lalong mahalaga na magsipilyo ka matapos kumain ng karne, isda, o mga produktong gawa sa gatas.

Pagdaig sa Takot

Kung ninenerbiyos kang magpatingin sa dentista, nanaisin ng iyong dentista na tulungan kang madaig ang takot. Kaya ipaalam mo sa kaniya ang nadarama mo. Sabihin mo sa kaniya kung anong senyas ang gagawin mo para ipahiwatig na nasasaktan ka o natatakot. Mas lumalakas ang loob ng maraming pasyente dahil dito.

Marahil natatakot kang masermunan. Baka nag-aalala ka na mamaliitin ka ng dentista dahil hindi mo naalagaang mabuti ang iyong ngipin. Gayunman, yamang ang gayong mga komento ay makasisira sa kanilang trabaho, malamang na walang basehan ang takot mo na mapagalitan. Mabait makipag-usap sa mga pasyente ang karamihan sa mga dentista.

Marami ang hindi nagpapatingin sa dentista dahil natatakot sila sa laki ng gastos. Pero kung makapagpapatingin ka ngayon, makaiiwas ka sa mga problema at magastos na gamutan sa kalaunan. Sa maraming lugar, may iba’t ibang serbisyo ng dentista na abot-kaya ng mga pasyente. Maging ang pinakaordinaryong klinika ng dentista ay malamang na may pang-X-ray at high-speed drill. Kayang gawin ng mga dentista ang karamihan sa natalakay na mga pamamaraan nang hindi gaanong nasasaktan ang mga pasyente. Hindi naman mahal ang local anesthetic kaya abot-kaya ito ng nakararami, maging ng mga hindi nakaririwasa.

Naririyan ang mga dentista para mag-alis ng kirot at hindi para saktan ang pasyente. Makabago na ang pamamaraan ng mga dentista at hindi na katulad noong panahon ng lolo’t lola mo. Yamang ang malusog na mga ngipin ay makatutulong para lalong bumuti ang iyong kalusugan sa kabuuan at makatutulong din para lalo kang masiyahan sa buhay, bakit hindi ka magpatingin sa dentista? Tiyak na hindi mo ito pagsisisihan.

[Talababa]

^ par. 3 Tinatalakay sa artikulong ito kung paano makatutulong ang dentista sa kaniyang pasyente. Para sa impormasyon kung paano mo mapangangalagaan ang iyong ngipin, pakisuyong tingnan ang artikulong “Kung Paano Mo Maiingatan ang Iyong Ngiti,” sa Nobyembre 8, 2005 na isyu ng Gumising!

[Dayagram sa pahina 29]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Anatomiya ng Malusog na Ngipin

Crown

Enamel

Dentin

Pulp chamber na binubuo ng mga nerbiyo at daluyan ng dugo

Ugat

Tissue ng gilagid (gingiva)

Buto

[Dayagram sa pahina 29]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Sirang Ngipin

Butas

Nakatutulong ang pasta para hindi lumaki ang mga butas

[Dayagram sa pahina 29]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Sakit sa Gilagid

Ang plaque ay dapat sipilyuhin o gamitan ng floss

Mahirap alisin ang calculus, o tartar, at dahilan ito ng pag-urong ng gilagid

Pag-urong ng gilagid

[Dayagram sa pahina 30]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Pag-aayos ng Ngipin

Idinidikit ang veneer sa ngipin

Cap

Implant

Ang fixed bridge ang itinatakip sa ngipin sa magkabilang dulo ng puwang at pinagkakabitan ng pustiso