Ano ang Pag-asa Para sa Mahihirap?
Ano ang Pag-asa Para sa Mahihirap?
WALANG masamang kumayod nang husto para kumita, basta tama ang pasahod. Pansinin ang sinabi ng isang manunulat ng Bibliya: “Nalaman ko na wala nang mas mabuti . . . kundi ang magsaya . . . at na ang bawat tao rin ay kumain at uminom nga at magtamasa ng kabutihan dahil sa lahat ng kaniyang pagpapagal. Iyon ang kaloob ng Diyos.”—Eclesiastes 3:12, 13.
Subalit gaya ng nakita natin, ang sistema ng ekonomiya ng daigdig ay humihiling ng mabigat na trabaho pero kadalasan nang hindi sapat ang suweldo. Marami ang nananatiling dukha, anupat isang kahig, isang tuka. Hindi nila halos magawang “magsaya” at “magtamasa ng kabutihan” dahil sa nararanasan nilang buhay. Napakayaman na ng daigdig, subalit marahil kalahati ng sangkatauhan ang hindi nakikinabang sa kasaganaang iyon.
Nagmamalasakit ang Diyos sa Mahihirap
Hindi nalulugod ang Maylalang ng sangkatauhan, ang Diyos na Jehova, sa nangyayaring ito. Nahahabag si Jehova sa mahihirap. Mababasa natin sa Bibliya: “Tiyak na hindi . . . lilimutin [ng Diyos] ang daing ng mga napipighati.” (Awit 9:12) Si Jehova ay isang Diyos na nagmamalasakit sa mahihirap.
Hinggil kay Jehova, ganito ang sinasabi ng Bibliya: “Sa iyo ipinagkakatiwala ng isang sawi, ng batang lalaking walang ama, ang kaniyang sarili. Ikaw naman ang naging kaniyang katulong.” (Awit 10:14) Pansinin na tinutukoy ng talatang ito ng Bibliya ang mga napipighati bilang mga indibiduwal. * Oo, tinitingnan ng Diyos ang bawat indibiduwal at isinasaalang-alang niya ang mga pangangailangan nito. Para sa kaniya, mahalaga ang bawat indibiduwal at karapat-dapat pag-ukulan ng atensiyon. Inaanyayahan ni Jehova ang lahat ng tao, mayaman man o mahirap, na matuto mula sa kaniya at makipagkaibigan sa kaniya.
Ang isang matututuhan ng mga tao sa Diyos ay ang pagpapakita ng habag at pagdamay sa iba. Itinuturing ng mga Saksi ni Jehova na sila ay isang malaking espirituwal na pamilya. Pinahahalagahan nila ang isa’t isa bilang mga indibiduwal kaya damang-dama nila ang tunay na Kristiyanong pag-ibig. Minsan ay sinabi ng Panginoong Jesu-Kristo sa kaniyang mga tagasunod: “Lahat kayo ay magkakapatid.” (Mateo 23:8) Kaya ang lahat ng nakikibahagi sa tunay na pagsamba ay nagiging bahagi ng kapatiran na hindi nagtatangi, mayaman man o mahirap. Nagmamalasakit sila sa isa’t isa at nagpapatibayan sa panahon ng kagipitan.
Ang Bibliya ay naglalaman ng mga simulain na makatutulong para maibsan ang epekto ng karalitaan. Ipinakikita ng Bibliya na hinahatulan ng Diyos ang pagpaparumi sa katawan—gaya ng paninigarilyo—at pag-abuso sa inuming de-alkohol. (Kawikaan 20:1; 2 Corinto 7:1) Matitipid ng taong sumusunod sa gayong mga simulain ang kaniyang pera sa halip na sayangin ito sa nakapipinsalang mga bisyo. Maiiwasan niya ang mga sakit na dulot ng paninigarilyo at paglalasing at ang kaakibat nitong mga gastusin sa pagpapagamot. Itinuturo rin ng Bibliya sa mga tao na tanggihan ang materyalistikong kaisipan at kasakiman. (Marcos 4:19; Efeso 5:3) Kapag sinunod ang Salita ng Diyos may kaugnayan sa mga bagay na ito, hindi rin masasayang ng isa ang kaniyang pera sa pagsusugal.
Naglalaan ang Bibliya ng mga simulaing praktikal para sa pang-araw-araw na pamumuhay, maging sa panahon ng matinding kagipitan. Pansinin ang sumusunod na karanasan:
Sa isang lupain kung saan marami ang walang trabaho, isang trabahador sa pabrika ang humiling ng off para makadalo sa Kristiyanong mga pagpupulong kahit alam niyang posibleng masisante siya. Puwede sana siyang sisantihin karaka-raka ng kaniyang superbisor. Pero nabigla siya at ang iba pang mga empleado dahil pinagbigyan ang kaniyang kahilingan. Bukod diyan, sinabi ng superbisor na gusto niyang manatili siya sa pagtatrabaho sa kaniyang pabrika at sinabi pang isa siyang “huwarang manggagawa.” Bakit kaya?
Ang manggagawang iyon, na isang Saksi ni Jehova, ay namumuhay kaayon ng mga simulain ng Bibliya. Dahil gusto niyang “gumawi nang matapat sa lahat ng bagay,” hindi siya nagsisinungaling o nagnanakaw kaya alam ng lahat na siya ay matapat. (Hebreo 13:18) Dahil sa pagsunod sa kinasihang simulain ng Bibliya na nasa Colosas 3:22, 23, nagtatrabaho siya nang “buong kaluluwa.” Nangangahulugan ito na sinusunod niya ang kaniyang amo at masikap siya sa kaniyang trabaho para sulit ang pasahod sa kaniya.
Siyempre pa, nabubuhay tayo sa isang sistema ng ekonomiya kung saan nangingibabaw ang kasakiman Roma 15:13.
at ang kumita ng salapi ang higit na pinahahalagahan. Ang ilan na may malalim na paggalang sa mga simulain ng Bibliya ay patuloy pa ring nakikipagpunyagi para magkaroon ng kinakailangang pagkain, pananamit, at tirahan. Subalit sila ay may malinis na budhi sa harap ng kanilang Maylalang at umaasang darating ang magandang kinabukasan, dahil sa Diyos na Jehova, ang “Diyos na nagbibigay ng pag-asa.”—Permanenteng Solusyon sa Karalitaan
Ipinakikita ng Bibliya ang pagkayamot ni Jehova sa mga naniniil sa mahihirap. Sinasabi ng kinasihang Salita ng Diyos: “Sa aba niyaong mga nagtatatag ng nakapipinsalang mga tuntunin at niyaong mga sa palagi nilang pagsulat ay sumusulat ng pawang kabagabagan, upang itaboy ang mga maralita mula sa usapin sa batas at agawin ang katarungan mula sa mga napipighati . . . , upang ang mga babaing balo ay maging kanilang samsam, at upang mandambong sila ng mga batang lalaking walang ama!” (Isaias 10:1, 2) Sinasadya man nila o hindi na ipagwalang-bahala ang mahihirap, ang mga nagpapatakbo ngayon sa ekonomiya ng lipunan ng tao ay bahagi ng mapaniil na sistema na papalitan ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat.
Tinanong ni propeta Isaias ang gayong mga mapaniil ng isang mahalagang tanong: “Ano ang gagawin ninyo sa araw ng pagtutuon ng pansin at sa pagkagiba, kapag dumating iyon mula sa malayo?” (Isaias 10:3) Aalisin sila ni Jehova kapag winakasan na Niya ang di-makatarungang sistema na kanilang pinaiiral.
Subalit hindi lamang kikilos ang Diyos laban sa mga mapaniil. Layunin din niya na bigyan ang tapat-pusong mga tao ng isang uri ng buhay na ligtas sa kawalang-katarungan. Sa pamamagitan ng nakahihigit na uri ng pamahalaan, ipagkakaloob niya sa lahat ng tao ang kasiya-siyang buhay na wala nang kahirapan. Para umunlad sa panahong iyon, hindi mo kakailanganin ang malaking mana, maimpluwensiyang mga koneksiyon, o abilidad sa negosyo. Paano tayo makatitiyak na matutupad ang gayong mga pagbabago?
Tinukoy ni Jesu-Kristo, ang isa na inatasan ni Jehova na mamahala sa sangkatauhan, ang magandang kinabukasang iyan bilang “muling-paglalang.” (Mateo 19:28) Nagpapahiwatig ito ng pagbabago, isang bagong pasimula sa buhay ng tao. Sa paggamit ng terminong “muling-paglalang,” idiniin ni Jesus na bibigyan ni Jehova ang matuwid na mga tao ng pagkakataong mabuhay ayon sa nilayon ng ating maibiging Maylalang. Kabilang sa maraming pagpapala na ipagkakaloob niya sa sangkatauhan sa panahong iyon ay ang permanenteng pag-aalis sa mga problema sa pera na nagpapabigat sa napakaraming tao.
Ganito ang hula ng Bibliya hinggil sa pamamahala ni Jesu-Kristo: “Ililigtas niya ang dukha na humihingi ng tulong, gayundin ang napipighati at ang sinumang walang katulong. Maaawa siya sa maralita at sa dukha, at ang mga kaluluwa ng mga dukha ay ililigtas niya. Tutubusin niya ang kanilang kaluluwa mula sa paniniil at mula sa karahasan, at ang kanilang dugo ay magiging mahalaga sa kaniyang paningin.”—Awit 72:12-14.
Ang magandang kinabukasang ito ay nakalaan para sa iyo. Subalit upang maabot mo ang mga kahilingan para mabuhay ka sa bagong sanlibutang iyan, kailangan mo munang matutuhan kung ano ang kalooban ng tunay na Diyos at gawin ito. Gumawa ka ng matalinong pasiya batay sa kaalamang natutuhan mo sa Salita ng Diyos. Umasa sa kahanga-hangang kinabukasan na inilalaan ng Diyos para sa lahat ng tao. Hindi ka mabibigo. Ipinangangako ng Salita ng Diyos: “Hindi laging malilimutan ang dukha, ni maglalaho ang pag-asa ng maaamo kailanman.”—Awit 9:18.
[Talababa]
^ par. 6 Itinatampok ng dalawa pang teksto sa Bibliya, Awit 35:10 at Awit 113:7, ang pagkabahala ng Diyos sa mga taong naghihirap.
[Blurb sa pahina 9]
Isang magandang kinabukasan ang nakalaan sa iyo
[Kahon/Larawan sa pahina 10]
Dapat ba Akong Magtrabaho sa Mas Mayamang Bansa?
Hindi sinasabi ng Salita ng Diyos kung saan dapat tumira at magtrabaho ang mga tao. Gayunman, makatutulong ang mga simulain ng Bibliya para malaman ng isa kung makabubuti bang mangibang-bansa para kumita nang mas malaki. Isaalang-alang ang sumusunod na mga tanong at ang angkop na maka-Kasulatang mga simulain.
1. Napadadala ba ako sa mga sabi-sabi? Sinasabi ng Kawikaan 14:15: “Ang sinumang walang-karanasan ay nananampalataya sa bawat salita, ngunit pinag-iisipan ng matalino ang kaniyang mga hakbang.” Matapos lumipat sa isang mayamang bansa, ganito ang sinabi ng isang lalaking taga-Silangang Europa: “Nabalitaan ko kasi noon na mabilis kitain ang pera dito na parang mga dahong umuusbong sa mga puno. Hindi ko pa rin nakikita ang punong iyon.”
2. Timbang ba ang pananaw ko sa mga pangangailangan ng aking pamilya? Napagpapalit ko ba ang mga pangangailangan at ang di-praktikal na mga kagustuhan? Obligado ang mga ulo ng pamilya na maglaan ng materyal para sa kanilang asawa at mga anak. (1 Timoteo 5:8) Subalit ang mga ama ay may pananagutan din sa Diyos na turuan ang kanilang mga anak hinggil sa moralidad at espirituwal na mga bagay. (Deuteronomio 6:6, 7; Efeso 6:4) Maaaring mas maraming materyal na bagay ang maibibigay ng isang ama sa kaniyang pamilya kung mangingibang-bansa siya. Subalit hindi niya mapaglalaanan ang kaniyang mga anak ng kinakailangan nilang pagsasanay sa moralidad at espirituwal na mga bagay kung hindi sila nagkikita sa loob ng maraming linggo, buwan, o mga taon pa nga.
3. Alam ko ba na kung magkakalayo kami nang mahabang panahon ng aking asawa, maaari kaming matukso na mangalunya? Pinapayuhan ng Salita ng Diyos ang mga mag-asawa na isaalang-alang nila ang seksuwal na pangangailangan ng bawat isa.—1 Corinto 7:5.
4. Nauunawaan ko ba na maaari akong patawan ng pamahalaan ng mabigat na parusa kung ilegal akong papasok sa isang bansa? Obligado ang mga tunay na Kristiyano na sundin ang mga batas ng lupain.—Roma 13:1-7.
[Mga larawan sa pahina 8, 9]
Praktikal ang mga simulain ng Bibliya, mayaman man tayo o mahirap
[Picture Credit Line sa pahina 7]
Itaas: © Trygve Bolstad/Panos Pictures