Saan Kaya Hahantong ang Daigdig na Ito?
Saan Kaya Hahantong ang Daigdig na Ito?
NAPAKATAGAL nang inihula ng Bibliya ang nangyayaring pagbaba ng moral ngayon at ganito ang pagkakalarawan dito: “Sa mga huling araw ay darating ang mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan. Sapagkat ang mga tao ay magiging mga maibigin sa kanilang sarili, mga maibigin sa salapi, . . . mga masuwayin sa mga magulang, mga walang utang-na-loob, mga di-matapat, mga walang likas na pagmamahal, . . . mga mabangis, mga walang pag-ibig sa kabutihan, mga mapagkanulo, mga matigas ang ulo, mga mapagmalaki, mga maibigin sa mga kaluguran kaysa maibigin sa Diyos, na may anyo ng makadiyos na debosyon ngunit nagbubulaan sa kapangyarihan nito.”—2 Timoteo 3:1-5.
Maaaring sang-ayon kang talagang ganito nga ang kalagayan ng daigdig ngayon ayon sa pagkakalarawan sa hulang ito ng Bibliya. Gayunman, iniulat ito halos 2,000 taon na ang nakalipas! Sinimulan ang hula sa mga salitang: “Sa mga huling araw.” Ano ang ibig sabihin ng pananalitang “mga huling araw”?
“Mga Huling Araw” ng Ano?
Naging bukambibig na ang pananalitang “mga huling araw.” Sa wikang Ingles pa lamang, naging bahagi na ito ng titulo ng daan-daang aklat. Isang halimbawa rito ang bagong aklat na The Last Days of Innocence—America at War, 1917-1918. Nilinaw ng paunang-salita nito na kapag ginamit ng aklat ang terminong “mga huling araw,” tumutukoy ito sa isang espesipikong panahon kung kailan bumaba na nang husto ang moral ng mga tao.
“Noong 1914,” paliwanag ng paunang-salita ng aklat, “lalong bumilis higit kailanman ang pagbabago ng bansa.” Sa katunayan, noong taóng 1914 lamang nagkaroon ng pandaigdig na digmaan sa kauna-unahang pagkakataon. Sinabi ng aklat: “Ito ay malawakang digmaan, ang paglalabanan hindi ng hukbo laban sa hukbo kundi ng bansa laban sa bansa.” Ang digmaang ito, gaya ng makikita
natin, ay naganap sa pasimula ng tinatawag sa Bibliya na “mga huling araw.”Itinuturo ng Bibliya na mararanasan ng daigdig na ito ang espesipikong panahon na tinatawag na “mga huling araw” bago ito tuluyang magwakas. Sa katunayan, sinasabi ng Bibliya na may isang sanlibutan noon na lumipas, o nagwakas, na ipinaliliwanag: “Ang sanlibutan ng panahong iyon ay dumanas ng pagkapuksa nang apawan ito ng tubig.” Anong panahon iyon, at anong sanlibutan ang nagwakas? Iyon ay ang sinaunang “sanlibutan ng mga taong di-makadiyos” na umiral noong panahon ni Noe. Ang sanlibutan ngayon ay magwawakas din. Ngunit ang mga naglilingkod sa Diyos ay makaliligtas, gaya rin ni Noe at ng kaniyang pamilya.—2 Pedro 2:5; 3:6; Genesis 7:21-24; 1 Juan 2:17.
Ang Sinabi ni Jesus Tungkol sa Kawakasan
May binanggit din si Jesu-Kristo tungkol sa “mga araw ni Noe,” nang “dumating ang baha at tinangay silang lahat.” Pinaghambing niya ang kalagayan bago ang Baha—nang malapit nang magwakas ang daigdig na iyon—at ang kalagayang iiral sa panahong tinukoy niya bilang ang “katapusan ng sistema ng mga bagay.” (Mateo 24:3, 37-39) Ginamit ng ibang mga salin sa Bibliya ang pananalitang “katapusan ng mundo” o “katapusan ng panahon.”—Magandang Balita Biblia, at Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino.
Inihula ni Jesus ang magiging kalagayan ng lupa kapag malapit nang magwakas ang sanlibutan. Tungkol sa digmaan, sinabi niya: “Ang bansa ay titindig laban sa bansa at ang kaharian laban sa kaharian.” Sinasabi ng mga istoryador na nagsimula ito noong 1914. Kaya naman tinukoy sa paunang-salita ng nasabing aklat ang 1914 bilang tanda ng pasimula ng “malawakang digmaan, . . . hindi ng hukbo laban sa hukbo, kundi ng bansa laban sa bansa.”
Sa kaniyang hula, sinabi ni Jesus: “Magkakaroon ng mga kakapusan sa pagkain at mga lindol sa iba’t ibang dako. Ang lahat ng mga bagay na ito ay pasimula ng mga hapdi ng kabagabagan.” Sinabi rin niya na bukod sa iba pang mga bagay, magkakaroon din ng paglago ng katampalasanan.” (Mateo 24:7-14) Talagang nakikita na natin ito sa ating panahon. Napakababa na ng moral anupat natutupad na nga ang hula sa Bibliya!
Paano tayo dapat mamuhay sa napakaimoral na panahong ito? Pansinin ang isinulat ni apostol Pablo sa mga Kristiyano sa Roma tungkol sa pagkabulok ng moral. Tinukoy niya ang “kahiya-hiyang mga pita sa sekso” ng mga tao, sa pagsasabi: “Kapuwa ang kanilang mga babae ay nagpalit ng likas na gamit ng kanilang sarili tungo sa isa na salungat sa kalikasan; at gayundin maging ang mga lalaki ay nag-iwan ng likas na paggamit sa babae at nagningas nang matindi sa kanilang masamang pita sa isa’t isa, mga lalaki sa mga kapuwa lalaki, na ginagawa ang malaswa.”—Roma 1:26, 27.
Sinasabi ng mga istoryador na habang papalubog ang mga tao sa pusali ng bulok na moralidad, “ang mga taong haling sa kaluguran na hindi sumasampalataya kay Kristo ay naaasiwa naman sa pagiging disente at banal ng maliliit na grupo ng mga Kristiyano.” Isang dahilan ito upang huminto sandali at magtanong: ‘Kumusta naman ako at ang mga pinipili kong makasama? Kami ba’y malinis sa moral at naiiba sa mga taong namumuhay nang imoral?’—1 Pedro 4:3, 4.
Ang Ating Pakikipaglaban
Itinuturo sa atin ng Bibliya na kahit napalilibutan tayo ng mga imoral na tao, kailangan nating maging “walang kapintasan at walang muwang, mga anak ng Diyos na walang dungis sa gitna ng isang liko at pilipit na salinlahi.” Upang magawa ito, kailangan nating manatiling “mahigpit na nakakapit sa salita ng buhay.” (Filipos 2:15, 16) Ang sinabing ito ng Bibliya ang susi kung paano makapananatiling walang bahid ng imoralidad ang mga Kristiyano—dapat nilang mahigpit na sundin ang mga turo ng Salita ng Diyos at kilalanin na ang mga pamantayan nito sa moral ang pinakamahusay na paraan ng pamumuhay.
Pursigido ang “diyos ng sistemang ito ng mga bagay,” si Satanas na Diyablo, na akayin ang mga tao na pumanig sa kaniya. (2 Corinto 4:4) Sinasabi sa atin ng Bibliya na siya’y “laging nag-aanyong isang anghel ng liwanag.” Ang kaniyang mga kampon, yaong mga naglilingkod sa kaniya sa pamamagitan ng pagtulad sa kaniya, ay nag-aanyo ring mga anghel ng liwanag. (2 Corinto 11:14, 15) Nangangako sila ng kalayaan at katuwaan, ngunit gaya ng sabi ng Bibliya, “sila mismo ay namumuhay bilang mga alipin ng kasiraan.”—2 Pedro 2:19.
Huwag padaya. Ang mga nagwawalang-bahala sa mga pamantayan ng Diyos sa moral ay daranas ng napakasaklap na mga resulta. Sumulat ang salmista sa Bibliya: ‘Ang kaligtasan ay malayo sa mga balakyot, sapagkat hindi nila hinahanap ang mga tuntunin ng Diyos.’ (Awit 119:155; Kawikaan 5:22, 23) Kumbinsido ba tayo rito? Kung oo, ingatan natin ang ating isip at puso mula sa mga propagandang kumukunsinti sa imoralidad.
Pero marami ang nangangatuwiran, ‘Hangga’t hindi ilegal ang ginagawa ko, walang masama roon.’ Mali ang pangangatuwirang ito. Ang ating makalangit na Ama ay maibiging nagbigay sa atin ng patnubay sa moral, hindi para higpitan at gawing kabagut-bagot ang buhay mo, kundi para ingatan ka. Siya ay “nagtuturo sa iyo upang makinabang ka.” Gusto niyang makaiwas ka sa kapahamakan at maging masaya ang iyong buhay. Oo, gaya ng itinuturo ng Bibliya, “hawak [ng mga naglilingkod sa Diyos] ang pangako sa buhay ngayon at yaong darating.” Iyon ang “tunay na buhay,” walang-hanggang buhay sa kaniyang ipinangakong bagong sanlibutan!—Isaias 48:17, 18; 1 Timoteo 4:8; 6:19.
Kaya nga paghambingin mo ang mga kapakinabangang dulot ng pagsunod sa mga turo ng Bibliya at ang sakit ng damdaming daranasin ng mga hindi sumusunod dito. Tunay ngang pinakamagandang bagay sa buhay mo na matamo ang pagsang-ayon ng Diyos dahil nakinig ka sa kaniya! “Kung tungkol sa sinumang nakikinig sa akin,” ipinangako ng Diyos, “tatahan siya nang tiwasay at hindi maliligalig ng panghihilakbot sa kapahamakan.”—Kawikaan 1:33.
Isang Lipunang Malinis sa Moral
Sinasabi ng Bibliya na kapag lumipas na ang sanlibutang ito, “ang balakyot ay mawawala na.” Sinasabi pa nito: “Ang mga matuwid ang siyang tatahan sa lupa, at ang mga walang kapintasan ang siyang maiiwan dito.” (Awit 37:10, 11; Kawikaan 2:20-22) Kaya lilinisin ang lupa mula sa lahat ng natitirang imoralidad, pati na ang mga ayaw sumunod sa kapaki-pakinabang na mga turo ng ating Maylalang. Ang paraisong lupa, gaya ng dakong pinaglagyan ng Diyos sa unang mag-asawa, ay unti-unting ibabalik sa buong daigdig ng mga umiibig sa Diyos.—Genesis 2:7-9.
Isip-isipin na lamang ang kasiyahan ng pamumuhay sa gayon kalinis at kagandang paraiso! Kabilang sa magkakaroon ng pribilehiyong masaksihan iyon ay ang bilyun-bilyong bubuhaying muli. Nakatutuwa ang mga pangako ng Diyos: “Ang mga matuwid ang magmamay-ari ng lupa, at tatahan sila roon magpakailanman.” “Papahirin [ng Diyos] ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man. Ang mga dating bagay ay lumipas na.”—Awit 37:29; Apocalipsis 21:3, 4.
[Blurb sa pahina 9]
Nang magwakas ang isang daigdig, may nakaligtas na mga taong may takot sa Diyos
[Larawan sa pahina 10]
Matapos magwakas ang sanlibutang ito, magiging paraiso na ang lupa