Bakit Kaya Ako Hinihimatay?
Bakit Kaya Ako Hinihimatay?
Gustong tingnan ng doktor ang presyon sa aking mata, at para magawa ito, kailangan niyang galawin ang mismong mata ko gamit ang isang instrumento. Alam ko na ang mangyayari. Palagi namang ganoon. Ganito rin ang nangyayari kapag kinukunan ako ng dugo. Kung minsan naman, mapag-usapan lang ang mga nagaganap sa aksidente, ganoon din ang nangyayari—hinihimatay ako.
Ayon sa isang ulat sa Canada, mga 3 porsiyento sa atin ang madalas na hinihimatay kapag nasa gayong mga kalagayan. Kung ganito rin ang problema mo, baka matagal mo nang pinipigil na huwag himatayin pero hinihimatay ka pa rin. Baka sinubukan mo nang pumasok sa banyo upang hindi ka sa harap ng mga tao mahimatay. Pero hindi tama iyon. Baka bigla kang himatayin habang papunta ka sa banyo at masaktan ka. Dahil palagi ko itong nararamdaman, ipinasiya kong alamin ang mga dahilan nito.
Matapos kong kausapin ang isang matulunging doktor at mabasa ang ilang aklat, natuklasan kong ang problema palang ito ay tinatawag na vasovagal reaction. * Sinasabing ito ay ang pagkakaroon ng problema sa sistema ng katawan na siyang kumokontrol sa daloy ng dugo kapag nagbago ng posisyon, halimbawa’y tumayo ka mula sa pagkakaupo.
Sa ilang pagkakataon, halimbawa, kapag nakakita ka ng dugo o nagpasuri ng mata, ang bahagi ng iyong sistema ng nerbiyo na kumokontrol sa paghinga, pagtibok ng puso, at iba pa, ay gumagana na parang nakahiga ka, gayong ang totoo ay nakaupo ka o nakatayo. Sa pasimula, karaniwan nang bibilis ang pintig ng iyong puso dahil sa kaba. Pagkatapos ay biglang babagal ang iyong pulso at lálakí ang mga ugat sa iyong mga binti. Dahil dito, ang suplay ng dugo ay darami sa iyong mga binti at mangangaunti naman sa iyong ulo. Magkukulang sa oksiheno ang iyong utak, at hihimatayin ka. Paano mo ito maiiwasan?
Huwag kang titingin kapag kinukunan ka ng dugo, o kaya naman ay mahiga ka. Gaya ng nabanggit, kapag nagsisimula na ang vasovagal reaction, madalas na mararamdaman mo ito. Kaya karaniwan nang may magagawa ka pa para hindi ka tuluyang himatayin. Maraming doktor ang nagrerekomenda na mahiga ka at itaas ang iyong mga paa sa silya o sa dingding. Maiiwasan nitong tumigil ang dugo sa iyong mga binti, at sa gayon ay hindi ka hihimatayin. Sa loob lamang ng ilang minuto, malamang na bubuti ang pakiramdam mo.
Kung nakatulong sa iyo ang impormasyong ito gaya ng naitulong nito sa akin, alam mo na ang mga sintomas ng vasovagal reaction. Sa gayon ay makagagawa ka ng paraan upang mapigilan ito.—Ipinadala.
[Talababa]
^ par. 4 Ang vasovagal ay tumutukoy sa nangyayari sa mga daluyan ng dugo ng isang mahabang nerbiyo na tinatawag na vagus nerve. Ang salitang Latin na vagus ay nangangahulugang “palipat-lipat.”
[Blurb sa pahina 28]
Makatutulong ang paghiga habang sinusuri ka o ginagamot