Gusto ng Daigdig na Maging Malusog!
Gusto ng Daigdig na Maging Malusog!
MAHIGIT 2,700 taon na ang nakalilipas, binanggit ng isang propeta na darating ang panahon na mawawala na ang sakit. Ang hulang ito ay iningatan hanggang sa panahon natin at masusumpungan sa mga sulat noon ni Isaias. Isinulat niyang darating ang panahon na “walang sinumang tumatahan ang magsasabi: ‘Ako ay may sakit,’” at idinagdag pa: “Sa panahong iyon ay madidilat ang mga mata ng mga bulag, at ang mga tainga ng mga bingi ay mabubuksan. Sa panahong iyon ay aakyat ang pilay na gaya ng lalaking usa, at ang dila ng pipi ay hihiyaw sa katuwaan.” (Isaias 33:24; 35:5, 6) Binabanggit din sa ibang hula ng Bibliya ang tungkol sa pag-asang ito. Halimbawa, ipinaliliwanag sa huling aklat ng Bibliya, ang Apocalipsis, ang isang panahon na aalisin ng Diyos ang kirot.—Apocalipsis 21:4.
Magkakatotoo kaya ang mga pangakong ito? Darating pa kaya ang panahon na magiging malusog ang lahat ng tao at mawawala na ang sakit? Oo, mas malusog ngayon kaysa noon ang malaking bahagi ng sangkatauhan. Ngunit ang pagiging mas malusog ay hindi nangangahulugang napakalusog. Marami pa ring nagkakasakit. Maisip pa lamang natin na magkakasakit tayo, masyado na tayong nababalisa. At ang masaklap, kahit sa modernong panahong ito ay walang sinuman ang lubusang makatatakas sa kalupitan ng pisikal at mental na karamdaman.
Ang Kabayaran
Iba’t iba ang pahirap na dulot ng pagkakasakit. Ang pinakamabigat ay ang lumalaking gastos sa pagkakasakit. Halimbawa, may taon na nawalan ang Europa ng 500 milyong araw ng pagtatrabaho dahil sa pagkakasakit. Ganito rin ang kalagayan sa ibang lugar. Ang nabawasang produksiyon sa pinagtatrabahuhan at ang tumataas na gastusin sa pagpapagamot ay naging pabigat sa pinansiyal anupat apektado nito ang lahat. Nalulugi ang mga negosyo at ang mga pamahalaan. Upang makabawi, itinataas ng mga negosyante ang presyo ng kanilang mga produkto at dinaragdagan naman ng mga pamahalaan ang sinisingil nitong buwis. Sino ang lugi? Sa dakong huli, ikaw!
Masakit mang sabihin, karaniwan nang nagkakaproblema ang mahihirap sa pagkuha ng sapat na pangangalaga sa kalusugan, kung mayroon man. Sa papaunlad na mga bansa, ito ang pinakamalaking problema ng milyun-milyong mamamayan na bihira o wala talagang kakayahang magpagamot. Kahit sa mayayamang bansa, ang ilan ay kailangan munang magsikap para makakuha ng mahusay na doktor. Ito ang madalas na nangyayari sa karamihan sa 46 na milyon katao sa Estados Unidos na walang seguro para sa kalusugan.
Hindi lamang sa pinansiyal mabigat ang pagkakasakit. Ang pinakamalaking kabayaran ay ang dalamhating dulot ng isang sakit na wala nang lunas, ang pahirap na dulot ng kirot na di-mapawi-pawi, ang kalungkutang dulot ng nakikitang pagdurusa ng mga may malubhang karamdaman, at ang pangungulilang dulot ng kamatayan ng isang mahal sa buhay.
Napakasarap isipin ang pag-asang balang-araw ay mamumuhay tayo sa isang daigdig na wala nang sakit. Gusto ng daigdig na maging malusog! Marami ang naniniwalang magkakatotoo ang pag-asang ito bagaman parang imposible. Kumbinsido ang ilan na darating ang panahon na mapapawi rin ang halos lahat ng sakit at karamdaman sa tulong ng teknolohiya ng tao. Sa kabilang dako naman, ang mga nananalig sa Bibliya ay naniniwalang tutuparin ng Diyos ang mga hula nito noon tungkol sa isang daigdig na wala nang sakit. Tao ba ang magpapairal ng isang panahong wala nang sakit? Diyos ba? Ano ang mangyayari sa hinaharap?