Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Pangmalas ng Bibliya

Mali Bang Uminom ng Alak?

Mali Bang Uminom ng Alak?

“ANG alak ay manunuya, ang nakalalangong inumin ay magulo, at ang sinumang naliligaw dahil dito ay hindi marunong.” Ipinahihiwatig ba ng tekstong ito sa Bibliya, na mababasa sa Kawikaan 20:1, na mali ang uminom ng alak? Iyan ang akala ng ilan. Bilang karagdagang katibayan, binabanggit nila ang mga ulat sa Bibliya tungkol sa masasamang resulta ng labis na pag-inom ng alak.​—Genesis 9:20-25.

Nariyan din ang kapaha-pahamak na resulta ng sobrang pag-inom​—sakit na tulad ng cirrhosis ng atay, kalunus-lunos na aksidente, paghihikahos, pang-aabuso sa pamilya, at pinsala sa di-pa-naisisilang na sanggol. Dahil marahil sa gayong masasaklap na kahihinatnan, “itinuro ng maraming relihiyosong grupo na masama ang pag-inom ng alak,” ang sabi ng The World Book Encyclopedia. Pero masama nga bang uminom ng alak? Ipinagbabawal ba ng Bibliya ang pag-inom ng kahit kaunting alak?

Ano ang Sinasabi ng Bibliya?

Totoong nagbababala ang Bibliya laban sa masasamang resulta ng sobrang pag-inom ng alak. Ganito ang payo sa Efeso 5:18: “Huwag kayong magpakalasing sa alak, kung saan may kabuktutan.” Ito rin ang paghimok sa Kawikaan 23:20, 21: “Huwag kang sumama sa mga labis uminom ng alak, sa matatakaw kumain ng karne. Sapagkat ang lasenggo at ang matakaw ay sasapit sa karalitaan.” At ganito pa ang sabi sa Isaias 5:11: “Sa aba ng mga maagang bumabangon sa kinaumagahan upang makapaghanap lamang sila ng nakalalangong inumin, na nagtatagal hanggang sa kadiliman ng gabi anupat pinagniningas sila ng alak!”

Binabanggit din ng Bibliya ang kaluguran at pakinabang sa pag-inom nang katamtaman. Halimbawa, sinasabi sa Awit 104:15 na isa sa mga kaloob ng Diyos ang “alak na nagpapasaya sa puso ng taong mortal.” At ang gantimpala sa mabubuting gawa, ayon sa Eclesiastes 9:7, ay ang ‘kumain ng iyong pagkain nang may pagsasaya at uminom ng iyong alak nang may mabuting puso.’ Alam ni Pablo na nakagagamot ang alak, kaya sinabi niya kay Timoteo na huwag nang ‘uminom ng tubig, kundi gumamit ng kaunting alak dahil sa kaniyang sikmura at sa kaniyang malimit na pagkakasakit.’ (1 Timoteo 5:23) Binabanggit ng Bibliya na nakatutulong ang alak para mabata ng isa ang kabagabagan.​—Kawikaan 31:6, 7.

Maliwanag na hindi ipinagbabawal ng Bibliya ang pag-inom ng alak. Gayunman, hinahatulan nito ang sobrang pag-inom at ang paglalasing. Kaya naman pinayuhan ni Pablo ang mga Kristiyanong tagapangasiwa, mga ministeryal na lingkod, at matatandang babae na huwag maging mahilig “sa maraming alak,” at pinayuhan niya si Timoteo na uminom lamang ng “kaunting alak.” (1 Timoteo 3:2, 3, 8; Tito 2:2, 3) Pinaaalalahanan ang lahat ng Kristiyano na “ang mga lasenggo” ay hindi “magmamana ng kaharian ng Diyos.”​—1 Corinto 6:9, 10.

Kapansin-pansin na iniuugnay ng Bibliya ang paglalasing sa katakawan, anupat iniuutos na iwasan ang dalawang ito. (Deuteronomio 21:20) Kung nilayon ngang hindi tayo uminom ng kahit kaunting alak, hindi kaya mangangahulugan ito na mali ring kumain ng kahit kaunting pagkain? Sa halip, ang sinasabi ng Bibliya na mali ay ang labis na pag-inom hanggang sa malasing at ang katakawan​—hindi ang pagkain at pag-inom nang katamtaman.

Ano ang Ginawa ni Jesus?

Nag-iwan si Kristo ng “huwaran upang maingat [nating] sundan ang kaniyang mga yapak,” ang sabi ni apostol Pedro. “Hindi siya nakagawa ng kasalanan.” (1 Pedro 2:21, 22) Kaya ano ang pangmalas ni Jesus sa alak? Buweno, ang una niyang himala ay ang paggawa ng alak mula sa tubig. Anong uri ng alak ang ginawa ni Jesus mula sa tubig? Pinuri ng “tagapangasiwa ng piging” ang kasintahang lalaki dahil sa alak na ito na makahimalang ginawa. Sinabi niya: “Bawat tao ay naglalabas muna ng mainam na alak, at kapag lango na ang mga tao, ang mababang uri naman. Itinabi mo ang mainam na alak hanggang sa ngayon.”​—Juan 2:9, 10.

Bahagi ng pagdiriwang ng Paskuwa ang pag-inom ng alak, at gumamit si Jesus ng alak nang pasinayaan niya ang Hapunan ng Panginoon. Nang iabot ang kopa ng alak sa kaniyang mga alagad, sinabi niya sa kanila: “Uminom kayo mula rito, kayong lahat.” Yamang alam niyang malapit na siyang mamatay, idinagdag pa niya: “Mula ngayon ay hindi na ako iinom pa ng alinman sa bungang ito ng punong ubas hanggang sa araw na iyon kapag iinumin ko ito nang panibago na kasama ninyo sa kaharian ng aking Ama.” (Mateo 26:27, 29) Oo, alam ng mga tao na umiinom ng alak si Jesus.​—Lucas 7:34.

Ano ang Dapat Nating Gawin?

Bagaman hindi ipinagbabawal ng Bibliya ang pag-inom ng alak, hindi naman ibig sabihin nito na kailangan nating uminom. Maraming dahilan para hindi uminom. Halimbawa, alam ng isang dating alkoholiko ang mga panganib ng pag-inom ng kahit isang tagay. Baka hindi umiinom ang isang nagdadalang-tao dahil sa takot na mapinsala ang sanggol sa kaniyang sinapupunan. At dahil alam ng isang drayber na makapagpapabagal ang alak sa kaniyang pagpapasiya at pagkilos, iiwas siya sa anumang magsasapanganib ng buhay niya o ng ibang tao.

Hindi nais ng isang Kristiyano na maging katitisuran sa sinumang may budhing di-sang-ayon sa pag-inom. (Roma 14:21) Isang katalinuhan na hindi siya uminom ng alak kapag nasa pangmadlang ministeryo. Kapansin-pansin na sa Kautusan ng Diyos sa sinaunang Israel, ipinagbabawal sa mga saserdote ang ‘pag-inom ng alak o ng nakalalangong inumin’ kapag opisyal na naglilingkod. (Levitico 10:9) Isa pa, sa mga lupain kung saan ipinagbabawal o hinihigpitan ang pag-inom ng alak, sumusunod sa batas ang isang Kristiyano.​—Roma 13:1.

Bagaman personal na pasiya kung iinom ang isa o hindi, o kung gaano karami ang kaniyang iinumin, ipinapayo ng Bibliya ang pagiging katamtaman. Sinasabi nito: “Kayo man ay kumakain o umiinom o gumagawa ng anupaman, gawin ninyo ang lahat ng bagay sa ikaluluwalhati ng Diyos.”​—1 Corinto 10:31.

NAPAG-ISIP-ISIP MO NA BA?

Anong babala tungkol sa pag-inom ng alak ang nakasaad sa Kasulatan?​—1 Corinto 6:9, 10.

Uminom ba ng alak si Jesu-Kristo?​—Lucas 7:34.

Ano ang pumapatnubay sa tunay na mga Kristiyano may kinalaman sa pagkain at pag-inom?​—1 Corinto 10:31.