Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kapag Nagkasakit Dahil sa Isda

Kapag Nagkasakit Dahil sa Isda

Kapag Nagkasakit Dahil sa Isda

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA FIJI

Kakain ba ako o hindi​—nagdadalawang-isip si Arebonto. Alam niya na delikado ito, pero gutom siya. At nakatatakam ang amoy ng inihaw na isda. Nanaig ang kaniyang gutom. Pero nagsisi siya nang bigla siyang mahilo at saktan ng tiyan na sinundan ng pagsusuka at pagtatae.

NANG isugod si Arebonto ng kaniyang mga kaibigan sa ospital sa maliit na isla sa Pasipiko, halos wala na siyang malay, naubusan na ng tubig sa katawan, naninikip ang dibdib, mababang-mababa ang presyon ng dugo, at mabagal ang pintig ng pulso. Nang sumunod na mga araw, bukod sa sakit ng ulo, pagkahilo, at pagkahapo, namanhid din ang kaniyang mga binti, naging masakit ang pag-ihi niya, at parang nabaligtad ang pandama niya dahil nalalamigan siya kapag mainit at naiinitan naman kapag malamig. Pagkalipas ng walong araw, naging normal na ang bilis ng pulso niya, pero tumagal pa nang ilang linggo ang pamamanhid at pagkahapo.

Nagkasakit si Arebonto dahil sa matapang at likas na lason na nakakain ng mga isdang nasa mga bahura sa tropiko at karaniwang ligtas naman sanang kainin. Lumilitaw ang ganitong sakit, kilala bilang ciguatera fish poisoning (CFP), sa tropikal at subtropikal na mga rehiyon ng karagatang Indian at Pasipiko, at sa Caribbean. Ang mga isdang nahuhuli sa mga lugar na ito ang pangunahin nilang pagkain.

Hindi na bago ang sakit na CFP. Sa katunayan, problema na ito ng mga Europeong manggagalugad sa dagat. Marami ring bakasyunista sa ngayon ang napahirapan ng sakit na ito. Mangyari pa, ang sakit na ito ang dahilan kung bakit limitado ang industriya ng pangingisda at turismo sa maraming islang bansa. Isa pa, ang internasyonal na kalakalan ng buháy at iladong isda na nasa bahura ang dahilan ng paglaganap ng CFP sa maraming lugar, bukod sa Tropiko, kung saan hindi ito agad natutukoy. *

Paano kaya nagkakaroon ng lason ang mga isdang nasa bahura? Malalaman ba kung aling isda ang may lason? Isaalang-alang ang natuklasan sa maraming taon ng pag-aaral.

Pagtukoy sa Dahilan

Ang karaniwang itinuturing na pinagmumulan ng lason na nagdudulot ng CFP ay ang mikroorganismo na tinatawag na dinoflagellate. * Namamahay ang mikrobyo sa patay na mga korales at dumidikit sa mga alga. Kinakain ng maliliit na isda ang mga alga na may lason​—na ang tawag ay ciguatoxin​—na inilalabas naman ng mga dinoflagellate. Ang maliliit na isdang ito ay kinakain ng mas malalaking isda, na pagkatapos ay kinakain naman ng iba pang kinapal, anupat naiipon ang lason sa huling kumain nito. Pero parang wala namang epekto sa isda ang lason.

Ang mga ciguatoxin ay isa sa kilalang pangunahing nakamamatay na sangkap biyolohikal. Mabuti na lamang at “kakaunting uri lamang ng isda ang sinasabing sanhi ng CFP,” ang sabi ng isang dokumento ng pamahalaan ng Australia. Hindi nababago ang hitsura, amoy, o lasa ng isda dahil sa mga ciguatoxin at hindi rin ito naaalis kapag iniluto, ibinilad, idinaing, pinausukan, o ibinabad. Sa nangyari kay Arebonto, walang mapapansing anumang pahiwatig ng panganib mula sa isdang kinain niya hanggang sa maramdaman niya ang malulubhang sintomas sa kaniyang tiyan, puso, at nerbiyo.

Diyagnosis at Paggamot

Sa kasalukuyan, wala pang laboratory test para malaman kung may CFP ang isang tao. Ang diyagnosis ay batay sa paglitaw ng iba’t ibang sintomas, na kadalasang nararamdaman ng isa mga ilang oras matapos siyang kumain, at matitiyak na may CFP matapos masuri kung may lason ang natirang isda. (Tingnan ang kahon sa kabilang pahina.) Kung iniisip mong may CFP ang isang tao, isang katalinuhan na tumawag ng doktor. Bagaman walang alam na panlaban dito, maiibsan ng paggamot ang mga sintomas, na kadalasang humuhupa pagkalipas ng ilang araw. Gayunman, nakapanghihina ang CFP, at maiiwasan ang pangmatagalang epekto nito kung maaagapan.

Maraming dahilan kung kaya nagkakaiba-iba ang tindi ng mga sintomas. Kabilang dito ang dami ng lason na nasa isda, dami at bahagi ng isda na kinain, dami ng ciguatoxin na nasa katawan na ng pasyente, at ang lugar na pinanggalingan ng isda, sapagkat waring may kaunting pagkakaiba ang lason depende sa rehiyon. Sa halip na magkaroon ng panlaban sa lasong ito ang katawan ng tao, lalo itong nagiging sensitibo, anupat kapag nalason uli nagiging mas matindi ang epekto! Ang pag-inom ng alak ay nagpapalala rin ng mga sintomas. Upang hindi ito maulit, dapat na hindi muna kumain ng isda ang pasyente sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan matapos magkaroon ng CFP, ang paliwanag ng isang publikasyon tungkol sa laganap na sakit na ito.

Ang matitinding kaso ng CFP ay maaaring tumagal nang ilang linggo, buwan, o mga taon pa nga kung minsan, anupat ang mga sintomas nito ay nagiging katulad ng sa chronic fatigue syndrome. Bagaman bihirang mangyari, may namamatay rin dahil sa shock, nahihirapang huminga, naninikip ang dibdib, o nauubusan ng tubig sa katawan. Gayunman, karaniwang nangyayari ito kapag maraming lason ang bahaging kinain, tulad ng ulo o lamang-loob ng isda.

Misteryo Pa Rin

Halos lahat ng isdang nasa mga bahura ng korales, at ang mga maninila ng mga ito, ay malamang na may ciguatoxin. Pero heto ang misteryo. Baka mabagsik ang lason ng isdang mula sa partikular na bahura, samantalang ligtas naman ang gayunding uri ng isda na nahuli sa karatig na lugar. Maaaring madalas pagmulan ng CFP ang isang uri ng isda sa isang bahagi ng daigdig, samantalang ligtas naman ito sa ibang dako. Yamang hindi pare-pareho ang paglalabas ng lason ng mga dinoflagellate, mahirap masabi kung kailan may lason ang isang isda.

Suliranin din ang paghahanap ng abot-kaya, mabisa, at maaasahang pagsusuri para malaman kung may lason ang isang isda. Ang magagawa lamang ng mga awtoridad sa ngayon ay ipaalam sa publiko kung aling isda ang dapat iwasan at kung saan posibleng mahuli ang mga ito​—impormasyong batay sa inireport na mga insidente ng CFP. Kabilang sa pinaghihinalaang mga uri ay barracuda, grouper, kingfish, red bass, rockfish, at snapper, gayundin ang moray eel. Karaniwang mas mapanganib ang isdang masyadong malaki at matanda na. Sa ilang lugar, ipinagbabawal ang pagbebenta ng isdang malamang na may lason. Pero ang mga isda sa laot na hindi kumakain ng mga isdang nasa bahura o ng mga isdang nahuli sa maligamgam na katubigan ay karaniwang ligtas kainin.

Inaasahang darami ang insidente ng CFP. Ang isang dahilan ay sapagkat mas mabilis dumami ang nakalalasong mga dinoflagellate sa patay na mga korales, at ipinakikita ng mga ulat na parami nang paraming bahura ng korales ang nagkakasakit o namamatay.

Bagaman mahirap malaman kung magkakasakit ang isa ng CFP o hindi, mababawasan ang panganib sa pamamagitan ng pagsunod sa ilang saligang tagubilin. (Tingnan ang kahon sa itaas.) Muntik nang mamatay si Arebonto dahil hindi niya sinunod ang mga ito. Kinain niya ang ulo at laman ng isang rockfish na nahuli roon at kilalang mapanganib. Nakakain na siya noon ng ganitong uri ng isda nang wala namang masamang epekto at, tulad ng iba pang tagaisla, lumakas ang loob niyang kumain muli.

Dahil sa tinalakay sa itaas, ibig bang sabihin nito na dapat ka nang umiwas sa pagkaing-dagat, marahil habang nagbabakasyon ka sa tropiko? Hindi naman. Ang matalinong gawin ay sundin ang mga babala at piliing mabuti ang isdang kakainin mo.

[Mga talababa]

^ par. 6 Dahil sa maling diyagnosis at hindi pagrereport ng ganitong mga insidente, hindi tuloy malaman ang totoong bilang ng nagkaroon ng CFP sa buong daigdig. Tinataya ng iba’t ibang awtoridad na may mga 50,000 insidente nito taun-taon sa buong daigdig.

^ par. 9 Ang uring dinoflagellate ay Gambierdiscus toxicus.

[Kahon/​Larawan sa pahina 21]

Karaniwang Sintomas

▪ Pagtatae, pagkahilo, pagsusuka, pananakit ng tiyan

▪ Pangangatog, pamamawis, pagkahilo, sakit ng ulo, pangangati

▪ Pamamanhid o pakiramdam na parang may tumutusok sa paa, kamay, o palibot ng bibig

▪ Baligtad na pakiramdam​—malamig ang mainit, mainit ang malamig

▪ Pananakit ng kalamnan, kasukasuan, at masakit na pag-ihi

▪ Mabagal na pintig ng pulso, mababang presyon ng dugo, pagkahapo

[Kahon/​Larawan sa pahina 21]

Iwasan ang Panganib

▪ Alamin sa kagawaran ng pangingisda sa inyong lugar o sa mga eksperto sa isda kung aling isda ang dapat iwasan at kung saan nahuhuli ang isdang nakalalason.

▪ Huwag munang kumain ng isdang nahuli sa mga lugar na nagkaroon ng ciguatera kamakailan lamang.

▪ Umiwas sa pagkain ng masyadong malaki at matanda nang isda na nasa bahura.

▪ Huwag kainin ang ulo o ang atay o iba pang lamang-loob.

▪ Pagkahuli ng isdang nasa bahura, agad itong linising mabuti at alisan ng hasang.

[Mga larawan sa pahina 20, 21]

Karaniwang Pinaghihinalaan

(BAKA IBA-IBA ANG KARANIWANG TAWAG)

“Snapper”

“Grouper”

“Barracuda”

“Rockfish”

“Kingfish”

“Moray eel”

[Larawan sa pahina 20]

“Dinoflagellate,” pinagmumulan ng lason

[Picture Credit Lines sa pahina 20]

All fish except eel: Illustrated by Diane Rome Peebles-Provided by the Florida Fish and Wildlife Conservation Commission, Division of Marine Fisheries Management; eel: Photo by John E. Randall; dinoflagellate: Image by D. Patterson and R. Andersen, provided courtesy of micro*scope (http://microscope.mbl.edu)

[Picture Credit Line sa pahina 21]

Fish backgrounds: Illustrated by Diane Rome Peebles-Provided by the Florida Fish and Wildlife Conservation Commission, Division of Marine Fisheries Management